NAGKASUNDO sa isang Memorandum of Agreement (MoA) ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) at Philippine Statistics Authority (PSA) upang mapahusay ang pagbibigay ng civil registry documents at iba pang mahahalagang serbisyo para sa mga maralita na nilagdaan sa Sequoia Hotel, Quezon City nito lamang ika-21 ng Hunyo.
Ang kolaborasyong ito ay nagpapakita ng iisang layunin na mapadali ang mga serbisyo at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga disadvantaged community.
Ang MoA, na nilagdaan ni PCUP Chairperson at Chief Executive Officer Undersecretary Elpidio Jordan Jr. at PSA Deputy National Statistician Civil Registration and Central Support Office OIC, Director III na si Clemente Manaoag, na kumakatawan kay National Statistician and Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa, ay naglalahad ng komprehensibong pakikipagtulungan na naglalayong tugunan ang mga partikular na pangangailangan ng mga maralitang tagalungsod.
Sa ilalim ng kasunduan, ang PCUP ay magbibigay ng kinakailangang logistical support, kabilang ang lugar, kagamitan, at promosyon ng mga serbisyo ng PSA sa pamamagitan ng iba’t ibang media platforms. Ang PSA naman ay makikibahagi sa mga kaganapan ng PCUP at magbibigay ng teknikal na tulong at informational resources.
“This partnership with the Philippine Statistics Authority (PSA) marks a significant milestone in our journey to provide essential services such as civil registration, which is a fundamental right and a vital component for accessing various government services,” ani Jordan.
Para naman sa PSA, binigyang-diin ni Director Manaoag na handa ang PSA na tulungan ang PCUP sa pagtugon sa mga pangangailangan ng sektor ng maralita upang matiyak ang kanilang pagkakakilanlan mula kapanganakan hanggang kamatayan.
Ang MoA ay mananatiling epektibo sa loob ng apat na taon, mula 2024 hanggang 2027.