24.7 C
Manila
Martes, Enero 7, 2025

Gatchalian umaasang paiigtingin ng Matatag curriculum ang creative at critical thinking skills ng mga mag-aaral

- Advertisement -
- Advertisement -

SA gitna ng inaasahang pagpapatupad ng Matatag curriculum simula sa susunod na school year, inaasahan ni Senador Win Gatchalian na magkakaroon ng pagtaas sa antas ng creative at critical thinking skills ng mga mag-aaral.

Ipinahayag ito ni Gatchalian kasunod ng naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) sa Creative Thinking, kung saan lumabas na Pilipinas ang isa sa apat na may pinakamababang marka sa 64 bansang kasapi ng Organisation for Economic Co-Operation and Development (OECD). Lumalabas na nakakuha ng average score na 14 points ang mga 15-taong-gulang na mga mag-aaral ng bansa, habang 33 points naman ang average sa mga bansang kasapi ng OECD. Isinagawa ang Creative Thinking Assessment sa unang pagkakataon sa 2022 PISA.

Lumalabas sa PISA report, kung saan kasama tayo sa mga pinakamababa sa creative thinking, na tinuturuan natin ang mga mag-aaral na mag-saulo at hindi para mag-isip. Tinuturuan natin sila kung ano ang impormasyon ngunit hindi natin sila tinuturuang unawain ito. Naapektuhan nito ang critical thinking, pati ang creative thinking skills ng ating mga mag-aaral,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

“Hindi natin tinuturuan ang ating mga mag-aaral na maging mapanuri at malikhain sa pag-iisip, at kailangan natin itong i-reporma. Dito papasok ang Matatag curriculum dahil hindi lamang natin binawasan ang bilang ng mga competencies, tinutukan din natin ang critical thinking,” pahayag ni Gatchalian.

Binigyang diin ni Gatchalian ang kahalagahan ng maayos na pagpapatupad ng Matatag curriculum upang pataasin ang marka ng mga mag-aaral. Binigyang diin din niya ang pangangailangan ng dekalidad na pagsasanay at edukasyon para sa mga guro, lalo na’t sila ang magtuturo ng critical at creative thinking skills sa mga mag-aaral.

Sinusukat ng PISA 2022 creative thinking assessment ang kakayahan ng mga mag-aaral na magkaroon ng malawak at orihinal na mga ideya sa iba’t ibang mga konteksto. May apat na domain ang naturang assessment: written expression, visual expression, social problem solving, at scientific problem solving.

Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng senador, 63% o anim sa 10 Pilipinong mag-aaral ang may proficiency level 1 o pababa pagdating sa creative thinking. Nangangahulugan ito na sa pagbuo ng mga sagot, umaasa sila sa mga halatang tema at nahihirapan silang magkaroon ng higit sa isang ideya para mga sitwasyong kinakailangan ng bukas at simpleng imahinasyon.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -