ANG tadhana nga naman!
Kung kailan nagkandakahog ako sa pamimili ng tatalakayin sa mga nagsasalibayang isyu para sa aking kolum ngayong araw, biglang dating naman ang desisyon ni Dr. Danielle Yvonne Vinas ng Antipolo Hospital System, Annex IV, na ipailalim na muna ako sa tuloy-tuloy na admission para pag-aralan ang aking baga. Si Dr. Vinas ang aking regular na manggaggamot nitong nakaraang dalawang taon ng aking regular na tatlong araw sa isang linggong dialysis procedure sa nasabing ospital. Nitong mga nakaraang araw, malalim niyang napag-aralan na pababa nang pababa ang oxygen sa aking katawan. Ang pagbibigay sa akin ng oxygen sa mga sesyon ng aking dialysis ay tila walang maiambag kung pag-uusapan ang permanenteng solusyon sa problema. At dito nagpasya si Dr. Vinas na magpa-admit na ako. At kaya nangyari na matapos ang aking dialysis session nang Lunes na iyun, imbes na pauwiin na ako, ipinailalalim ako sa mga kaparaanan ng pagtanggap ng mga pasyente sa ospital. Normal lumalabas ang desisyon.
Ang hindi karaniwan ay kung bakit sa halip na palinyahin ako sa mga pasyenteng nakapila sa Emergency Room, na siyang nakagawian, mag-isa akong ibinukod sa naturingang isolation room, na roon ay maaari lang akong samahan ng isang bantay, na katulad ng pasyente ay naka- quarantine na rin sa isolation room. Sa mga karaniwang kaso, walang ganung pagtatangi sa mga katangian at bilang ng mga bantay.
Ano ba ang nangyari sa akin at ginaganito nila ako? Bakit ang malinaw na pagbubukod sa akin sa karamihan?
Ang huling beses na natatandaan ko na pumailalim ako sa ganung procedure ay nang orderan ako ng isa ko pang doktor na pumailalim sa 15-araw na quarantine sa bahay makaraang madayagnos na may Covid-19. Halos ganun din ang ginagawa sa akin ngayon, maliban sa imbes na sa ospital ay nasa bahay.
Malayo sa aking hinuha na kung ang aking sakit ay isang sama ng panahon, pasok ako sa isang malupit na unos.
Mga sumunod na pananaliksik ng aking source sa Department of Health ay nagpapakita na ang pagbaka ng Piliipinas sa mga sakit na nakakahawa ay nagdanas ng matinding kabiguan; natuklasan na ang mga pakikipaglaban sa tuberculosis ay pumatak na sa halos wala.
“Sa matagal na panahon,” ayon sa aking source, “nagsagawa ang Pilipinas – lalo’t higit ang Department of Health (DOH) – ng mga hakbang upang puksain ang mga nakahahawang karamdaman.
“Batay sa datos na nakalap ng Statistica, isang pangmundong samahan na nagsasagawa ng mga pananaliksik sa mga estadistika, sa listahan ng mga nakakahawang nakamamatay na sakit, numero uno ang mga karamdamang may kaugnayan sa paghinga.”
Pinakadiinan ng Statistica ang Tuberculosis (TB), isang nakahahawang sakit na umeepekto sa baga at madaling maihawa kung ang may dala nito ay uubo, babahin o dudura.
Sa listahan ng 10 nangungunang mga karamdaman, 6 ay nauugnay sa TB, na kung kaya lalong dapat na ito ay bagay na pinagtutuunan ng pansin tulad ng ginawa noon sa Covid-19 pandemic.
Sa isang datos na napag-aralan ng World Health Organization (WHO) noong 2021, ang TB sa Pilipinas ay naitala sa 741,000. Sa bilang na ito, 61,000 ang nasawi.
Nakakakainteres, ipinakikita na ang mga tala ng ay wala pa sa kalahati ng naitala naman ng WHO, na gamit ang mga pamamaraang angkop sa mga populasyon ng Southeast Asia.
Batay sa mga datos na inilabas ng WHO tatlong taon na ang nakararaan, may mathematical na patunay na ang TB sa Pilipinas ay maaaring lumampas na sa isang milyun ang tinamaan. Dahilan nito ang naging kaabalahan ng pamahalaan sa pandemic.
Kung kaya naririyan ang pangangailangan na intindihin na ang oroblemang ito ng pamahalaan.
Ipinakikita ng modernong panggagamot na ang TB ay kayang sugpuin, subalit kung tatratuhin lamang ito nang may pagmamadali ng pamahalaan. Reklamo ng aking mananaliksik, halos zero ang atensyon ng gobyerno sa TB.
Ayon sa WHO, ikaapat ng populasyon ng mundo ay kinapitan ng bacteria ng TB. Sa bilang na iyan, mga 10% na ang kinapitan ng hinog na TB – na kailangan nang ganap na intindihin upang pigilin na ang pagkalat nito o mas masahol, pagresulta nito sa kamatayan.
Ilan sa mga tao na madaling kapitan ng TB ay ang mga sugapa sa sigarilyo, nagdurusa sa diabetes, mataas ang presyon at kulang sa sustansya. Pansinin na ang TB na tinatarget ang baga, ay inaatake rin ang bato, utak, gulugod at balat.
Ang lahat nang iyun ay aking kapansanan, kung bakit hindi ko ipagtataka na ang kuntudo ingat ng pagconfine sa akin sa ospital ay dahil dito.
Suspetsa nila na meron akong TB?
Bagaman ang TB ay may gamot na, ang higit na mabisang pangontra rito ay iwas na mahawaan.
Kaya sa unang suspetsa pa lamang na meron pala ako nito, antimano isolation room agad ang panagot.
“Prevention” nga.
Sinasala ng DoH ang mga sambahayan upang sinuhin ang mga pasyenteng may tama na ng TB at ipailalim sila sa kailangang pagtrato, tulad ng Blood Chemistry, Chest X-ray, kasama pa rin ang Patient Initiated Counseling and Testing on TB HIV.
Mangyari pa, naroroon pa rin ang pagsusuri sa plema.
At dito nga pumapasok ang pansarili kong alalahanin sa isyung ito. Dalawa araw bago ang sulatin kong ito, hiningian ako ng sample ng aking plema upang suriin sa laboratory. Himuha ko agad, mayroon akong TB. Kung sa malayong nakaraan ito nangyari, hindi ako masyadong mag-aalala. Di tulad ng panahong iyun ni dating Pangulo Manuel L. Quezon nang wala pang alam na gamot sa TB, sa sumunod na panahon, masinop na mga pag-aaral ang sa wakas ay nagbunga ng mabisang gamot sa TB.na siya niyang ikinasawi. Sa sumunod na panahon, lubhang napakadali nang gamutin ng TB.
Ibig sabihin, kahit lumabas pang positibo ako sa TB, walang masyadong dapat ipag-alala.
May gamot na ang TB.
Pwera na lang sa isang maliit na sabit. Ayon sa aking impormante, ang pamahalaang Marcos ay tunay na naging walang silbi sa paglaban sa TB dahil lamang sa kawalan ng medical supplies.
Laking malas ko. Papaano kung ang aking dura ay napatunayang ako ay may TB. Papaano ako gagamutin ng pamahalaan na kapus sa mga suply medikal?