HANDA ang Philippine Coast Guard (PCG) para pangalagaan at maging ligtas ang karagatan.
Sa ikalawang serye ng Kapihan sa Bagong Pilipinas na ginanap dito sa Calapan City para sa Mimaropa Region noong Hunyo 4, sinabi ni PCG Oriental Mindoro acting station commander Captain Airland Lapitan na handa silang pangalagaan ang buong karagatan na sakop ng Oriental Mindoro.
“Handa kami sa lahat para mapangalagaan ang buong karagatan sakop ng Oriental Mindoro sa tulong ng aming mga patrol boats upang hindi makapasok ang mga masasamang elemento tulad ng mga bangka na may dalang iligal na kontrabando [tulad ng droga]. Handa din kaming umalalay sa mga barkong nangangailangan ng tulong na dumadaan sa silangan bahagi ng dagat patungo sa Marinduque, Romblon at hilagang bahagi ng Kabisayaan,” sabi ni Lapitan.
Dagdag pa ni Lapitan na kasalukuyan ay mayroon silang 24 metrong haba ng patrol boat na nakaantabay sa pantalan ng Calapan sakaling kailanganin ito upang mapabilis ang pag responde nila sa oras na ito ay kailanganin.
Samantala, ipinahayag naman ni Philippine Ports Authority (PPA) Oriental Mindoro Port Manager, Engr. Elvis Medalla, na ligtas at maayos na serbisyo para sa mga mananakay ng barko ang kanilang lubos na layunin ayon sa iniatas sa kanila ni PPA general manager Jay Santiago.
Sinabi din ni Medalla na sa darating na panahon ay kanila na rin ipatutupad ang Integrated Electronic Ticketing System (IETS) o online booking sa mga shipping companies upang maiwasan ang mahabang pila ng mga pasahero lalo na sa mga peak season para mapabilis ang kanilang pagsakay sa barko.
Isa rin sa kinakaharap na problema ng PPA at PCG ay ang kakulangan ng mga barko lalo pag may dumaang bagyo o kalamidad sa lalawigan dahil, ayon sa kanya, ay hindi sapat ang mga ito kung kaya hihilingin nila sa Maritime Industry Authority (MARINA) na magdagdag ng barko na maaaring bumiyahe sa rutang Calapan-Batangas at pabalik.
Si Medalla at Lapitan ang kabilang sa mga panauhin galing sa Department of Transportation (DOTr) sa Kapihan sa Bagong Pilipinas na inorganisa ng Presidential Communications Office (PCO) sa pamamagitan ng Philippine Information Agency (PIA).
Naging panauhin din sa nasabing programa sina Atty. Paul Vincent Austria, OIC Regional Director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office Regional Director Eduardo De Guzman. (DN/PIA MIMAROPA – Oriental Mindoro)