26.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

PBBM: Hari ng sablay

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

SUMAGI sa aking gunita ang ang titulong iyun ng kanta habang nakikinig sa talumpati ni Pangulo Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagbubukas ng Shangri-la Dialogue sa Singapore noong nakaraang linggo. Buong lakas niyang ipinahayag ang tatlong aniya’y mga patibay sa kakanyahan ng Pilipinas bilang bansang may soberaniyang kinikilala ng international law, ng Unclos at arbitral ruling sa Hague.

Isa-isahin natin ang nabanggit na mga patibay.

Sa usapin ng international law, tinukoy niya ang Treaty of Paris noong 1898. Ewan kung ilan sa daang bilang ng mga partisipante sa dialogue ang nakakaalam kung ano ang Treaty of Paris ng 1898. Sa mga tagasubaybay ng kolum na ito, matatandaan nila na hindi lang minsan na ang nasabing tratado ay binigyang pansin sa pitak na ito. Ang Treaty of Paris ang nagbigay-wakas sa giyerang Espanyol- Amerikano noong 1898. Ayon sa kasunduan, sa halagang $20 milyon, ipinagkakaloob ng Espanya sa Amerika ang Pilipinas. Sa mapang ilang beses nang tinukoy ng katoto sa panulat na si Rod Kapunan, ipinakita roon ang saklaw ng teritoryo ng Pilipinas na binili ng Amerika sa Espanya, at sa teritoryong ito, malinaw na hindi sakop ang Kalayaan Island Group na kilala rin bilang Spratlys at ang Scarborough Shoal.

Pangalawang tinukoy ni PBBM sa usapin ng international law ay ang United Nations Convention on the Law of the Sea o Unclos na kapwa nilagdaan ng China at Pilipinas. Alinsunod sa Unclos, ang karagatan sa loob ng 200 milyang nautical mula sa dalampasigan ng isang isla ay bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) ng islang bansang iyon. Kapwa ang China at Pilipinas ay lumagda sa Unclos, ibig sabihin sang-ayon sa reglamentong nabanggit.

Subalit ayon nga kay university professor Anna Malindog Uy, may malinaw na kaakibat na kondisyon ang patakaran ng Unclos, na nagsasabing “without prejudice” o walang binabago sa mga kalagayang naroroon na matagal pa bago nagkabisa ang Unclos. At isang kalagayang matagal nang naroroon na bago pa magkabisa ang Unclos ay ang Nine Dash Line Map ng China na nagpapakita na ang ngayo’y mga teritoryong pinagtatalunan ng China at Pilipinas, halimbawa ang Scarborough Shoal, Ayungin Shoal at Kalayaan Group of Islands, ay mga lupain ng China sa kabila ng pagiging nasa loob nito, sa bisa ng Unclos, ng EEZ ng Pilipinas.


Walang pagbabagong dapat na maganap sa mga kalagayang naroroon na bago pa maitatag ang Unclos.

At ang pangatlong sablay ay ang pag-ulit-ulit sa litaniya ng mga tuta ng Kano hinggil sa di-umanong pagwawagi ng Pilipinas sa arbitration laban sa China sa Permanent Court of Arbitration (PCA) at the Hague.

Makailang ulit ko nang ipinagdiinan ito. Ang PCA ay hindi ahensya ng United Nations (UN). Nagkataon lamang na ito ay minsang nagkaroon ng pagkakataong makikipagtalastasan sa International Tribunal on the Law of the Sea (Itlos) na siyang kinikilala ng UN na may awtoridad na mamagitan sa mga sigalot sa larangang ito. Sa bisa ng ugnayan sa Itlos, nagawa ng PCA na ipasa ang sarili bilang may ganun ding basbas ng UN.

Subalit pansinin na ang pagkilala sa PCA ay tanging sa bendisyon ng US at mga kaalyado nito, kapwa sa kanluran at sa Asya. Mayroon na ba tayong narinig na paninindigan dito ng UN?  Wala ni katiting. Dahil nga, hindi niya ito problema. Ano ngayong international law ang sinasangkalan ni PBBM?

- Advertisement -

Sa Question-and-answer portion, isang heneral ng China ang pumansin na sa  talumpati ni Bongbong ay tila nawalan ng “Asean centrality” sa paglalahad niya ng kalagayan sa South China Sea. Halos umabot na rin ng isang talumpati ang mga tinuran ng heneral,  na kung kaya ang moderator ay napilitan buorin ito nang ganito: “In other words, your question is, Do you agree with me (Sa ibang salita, sinasangayunan mo ba ako)?”

Kung paano lumitaw na pagkahaba-haba ng tanong ng heneral na Chino upang isalarawan ang pag-iwas ni Bongbong na isentro sa Asean ang pagresolba sa issue ng South China Sea, lalo’t higit kung sangkot ang Pilipinas, ganun din pagkahaba-haba ng pag-iwas ni Bongbong na masalakab sa bitag ng heneral na Chino na ilarawan siya bilang sunud-sunuran sa America at mga kaalyado nitong kanluranin.

Totoo bang umalis si Bongbong sa sentralisidad ng Asean?

“Quite the contrary (ganap na kabalintunaan),” pahayag ni Bongbong. Ayon sa kanya, kung nitong nakaraan ay lumilitaw na napabayaan ang mga prinsipyo ng pagkakatatag ng Asean, mahalagang muling balikan ang mga prinsipyong iyon at pagpanimulan ng muling pagpanibagong tatag sa samahang pinagbuklod ng magkakatulad na simulain.

Pansinin na habang patuloy na namumukadkad sa bibig ni Bongbong ang mga bulaklak ng dila bilang papuri sa “Asean centrality,” patuloy din sa pagkislap ang mga ilaw dagitab na bumubuo sa mga letrang IISS (International Institute of Strategic Studies), ang institutong nakabase sa London na siyang sponsor ng taunang pagtitipon hinggil sa seguridad ng Indo-Pacifico. Kung ano ang adbokasiya ng sponsor, maiiwasan bang iyun din ang siyang maging panawagan ng pagtitipon.

Pagkahaba-haba man ng pagkakahabi ni Bongbong sa sagot sa mga alalahanin ng heneral na Chino, iisa ang tinutumbok na mensahe: ipinakikita ng gulo sa Ukraine at sigalot sa Gitnang Silangan, tapos na ang panahon ng mga rehiyonal na away. Lalo’t higit sa South China Sea na siyang dinadaluyan ng kalahati sa pangmundong kalakalan, hindi lang mga Asyano ang may taya kundi mga kanluranin din.

- Advertisement -

Ito, sa katunayan, ang nag-iisang mensahe ni Bongbong. At sa kanyang keynote address, pumailanlang siyang may mga nagliliparang kulay ng bandila ng Amerika.

Mission accomplished.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -