PINAKAMALAKING peligro kung maisabatas ang diborsiyo, iisipin ng marami hindi na kasalanang mag-asawa o sumiping sa iba ang diborsiyado. Mali ito at ilalagay nito sa panganib ang mga kaluluwa.
Tandaan natin: Hindi lahat ng batas ng tao tugma sa batas ng Diyos. Payagan man ng Kongreso ang diborsiyo, kontra pa rin ito sa atas ng Panginoon. Sabi ni Hesukristo sa Ebanghelyo ni San Marcos (Marcos 10:1-12) na binasa sa Misa noong Mayo 24, dalawang araw matapos ipasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 9349 o Absolute Divorce Bill:
“Ang sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba, gumagawa ng masama sa kanyang asawa — nangangalunya siya. At ang babaeng humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa sa iba nangangalunya rin.”
Ito ang pangaral ni Kristo sa mga disipulo matapos sagutin ang mga Pariseong nangatwirang pinayagan ng propetang si Moises ang diborsiyo. Pangaral ng Panginoon sa Pariseo:
“Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya niya (Moises) inilagda ang utos na ito (sa diborsiyo). Subalit sa pasimula pa, nang likhain ng Diyos ang sanlibutan: ‘Nilalang niya silang lalaki at babae. Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at magiging isa sila.’ Kaya hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos, huwag paghihiwalayin ng tao.”
Ulitin natin ang wika ni Hesus, ang Pangalawang Persona ng Poong Maykapal: “Ang pinagsama ng Diyos, huwag paghiwalayin ng tao.” Kasama sa tao siyempre ang mga institusyon ng tao gaya ng Kongreso.
Natural, papalag ang hindi nananampalataya sa Diyos o kay Kristo na huwag ipataw sa kanila ang panuntunan ng Kristiyanismo. At maging Kristiyanong Protestante, hindi lahat nagbabawal ng diborsiyo.
Pihadong idaragdag ng pabor sa diborsiyo: Maliban sa dalawang estado — Pilipinas at Batikano — lahat ng gobyerno nagsabatas ng diborsiyo, maging mga bansang Katoliko ang karamihan sa mamamayan.
Mali rin ang katwirang dapat sundin ang mayorya kahit kontra sa Diyos. Tungkulin nating ipaglaban ang mga kautusan Niya, kahit nag-iisa tayo. At bilang 80 porsiyento o mahigit ng sambayanan, kaya at dapat labanan ng Katoliko ang batas sa diborsiyo.
Legal ngunit imoral
Paano kung maipasa, gaya ng Reproductive Health or RH Law ng 2012 na nagsusulong ng programa at pamamaraang kontra-buntis, sampo ng pagtuturo sa kabataan tungkol sa gawaing seksuwal?
Awa ng Diyos, pinigil ng Korte Suprema ang ilang panukalang RH na pinakamalubha ang paglabag sa relihiyong Katoliko. Pangunahin ang pagsusulong ng kasangkapang kontra-buntis na naglalaglag ng nabuong buhay sa sinapupunan — pinipigilan itong kumapit sa matris. Isa pang binuwag ang pagpilit sa mga doctor at nars na magturo ng pamamaraan at magbigay ng kasangkapang kontra-buntis laban man sa relihiyon nila.
May mambabatas na nagsabing kontra sa Saligang Batas ang diborsiyo dahil sa panukalang “inviolable” o di-masisira ang pag-aasawa. At nagpahayag na ang bagong Pangulo ng Senado Francis “Chiz” Escudero na baka mas mabuting gawing mas madali ang annulment o pag-wawalang-bisa ng kasal, kawangis ng prosesong Katoliko, at bawasan ang gastos.
Samantala, naantala ang padala sa Senado ng panukalang diborsiyo na ipinasa. May duda hinggil sa tamang bilang ng botong nag-aproba. Mangyari, kinabukasan binago ng pangkalahatang kalihim ng Kamara Reginald Velasco ang kuwenta ng botohan.
Una, 126 ang pabor — kapos ng dalawang boto sa kailangan upang ipasa ang panukala. Sa reglamento ng Kamara, higit-kalahati ng mambabatas na nasa bulwagan ang dapat sumuporta para maaprobahan ang bill. Nagbigay ng bagong bilang si Velasco noong Mayo 23 — 131 daw ang yes. Ilegal ito, sabi ni dating pangulo ng Senado Vicente “Tito” Sotto III.
Pero sa kabila nito, baka pumasa pa rin. Kung magkagayon, ano ang dapat gawin ng Simbahang Katoliko, ang pamunuan at ang madlang nananampalataya?
Simple: Sundin ang utos ng Diyos.
Gaya ng naihayag na, hindi dahil legal ang asal, wala nang sala. Hindi gayon: bawal at sala pa rin ang ipinagbabawal ng Diyos at Simbahan, gaya ng paggamit ng kontra-buntis na gamot o kasangkapan at pag-aasawa sa iba ng diborsiyado, at marapat iwasan at ihingi ng patawad sa kumpisalan kung ginawa iyon.
Marapat pag-ibayuhin ang pangaral sa mga Katoliko laban sa pangangalunya, kasama ang pagtatalik o pag-aasawa sa iba ng diborsiyado. Bagaman hindi natin tahasang susumbatan ang nangangalunya sa mata ng Simbahan, kung tanungin tayo, kailangang ipahayag bilang Kristiyano na kontra sa Ikaanim na Utos ang relasyong seksuwal ng hindi magkabiyak.
Bukod dito, marapat ding pag-ibayuhin ang pangaral at paghahanda ng kabataan, lalo na ang ikakasal, upang maiwasan ang paghihiwalay. Dapt ding palakasin at palaganapin ang pagpapayo at iba ang programa upang tulungan ang magkabiyak na may matinding suliranin.
At gaya ng pananaw ni Sen. Escudero, mainam repasuhin ang panukalang annulment upang mas makatulong sa mag-asawang may depekto ang kasal na maaaring magpawalang-bisa nito.
Higit sa lahat, pag-ibayuhin natin ang panalangin at pagsangguni sa Sagrada Pamilyang Hesus, Maria at San Jose upang ipagtanggol ang pamilyang Pilipino laban sa mga puwersang hangad sirain ito at ilayo sa Poong Maykapal.