MAS pinalakas na kooperasyon sa seguridad, turismo, at agrikultura ang isusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang state visit sa Brunei na magsisimula ngayong araw, ika-28 ng Mayo 2024. Higit na oportunidad sa turismo ang inaasahan mula sa kasunduan kasama ang Brunei.
Itataguyod ni Pangulong Marcos Jr. ang interes ng mga Pilipino sa iba’t ibang larangan sa kanyang state visit sa Brunei at working visit sa Singapore.
Sa kanyang departure statement, ibinahagi ni PBBM ang pagpapahayag ng pananaw ng Pilipinas sa depensa at diplomasya sa kanyang keynote speech sa International Institute for Strategic Studies o IISS Shangri-La Dialogue. Layunin din ng Pangulo na paigtingin ang 55 na taong pagtutulungan ng Pilipinas at Singapore sa kanyang working visit.
Magsisilbing plataporma ang IISS Shangri-La Dialogue sa Singapore upang mapalakas ang boses ng mga Pilipino sa gitna ng geopolitical challenges. Ulat at mga larawan mula sa Presidential Communications Office