KINASTIGO ni Sen. Idol Raffy Tulfo si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa kanyang mga di nagtutugmang mga pahayag at talamak na discrepancy sa mga dokumento na dapat sana’y magpapatunay sa kanyang pagkatao, kabilang na dito ang petsa ng kasal ng kanyang mga magulang.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality kahapon, May 22, tinanong ni Tulfo si Guo ukol sa mga record na nagpakita ng magkaibang petsa ng kasal ng kanyang mga magulang — ang nakatala sa isa ay October 14, 1982 samantalang sa isa naman ay January 21, 1987, na siya ring salungat sa sinabi niyang siya raw ay isang love child.
Paulit-ulit na sinabi ni Guo na hindi kailanman ito nila pinag-usapan ng kanyang Tsinong ama na siya ring nag-alaga sa kanya matapos umano siyang inabandona ng kanyang ina, na siya namang nakakuha ng atensyon ni Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na lubos na hindi kapani-paniwala ang alibi at rason ni Guo, binigyang-diin ng senador na natural na reaksyon ng isang tao na magtanong sa tungkol sa kanyang family history lalo pa’t tumakbo siya para maging isang lingkod bayan.
“Paulit-ulit mong sinasabi sa hearing na ito na kasambahay ang nanay mo.
Pinapalabas mo na kawawa ka at nanggaling sa humble beginnings. Pero siya ay kasal sa papa mo. Maraming butas ang statements mo.”
Lalo pang nanggalaiti ang senador mula Isabela at Davao kay Guo nang subukan nitong magdrama para makuha ang simpatya ng publiko at sinabing mahal niya raw ang ama niya at ayaw niya itong sisihin.
Dito, sinabi ni Sen. Tulfo: “Hindi namin siya sinisisi. Ang samin lang, I’m trying to find out the truth. Nililihis mo ang usapan. Kumukuha ka ng simpatya sa publiko by presenting a seemingly sad teleserye story. We know better.”
Para tuluyang malaman ang katotohanan sa sa tunay na pagkatao at mga alegasyon na ibinabato kay Guo, hinikayat niyang sumailalim ito sa lie detector test na siya namang sinang-ayunan ng alkalde. Ulat at larawan mula sa website at Facebook page ng Senate of the Philippines.