SA pagsusuri ng ekonomiya ng Pilipinas humahanap tayo ng mga paraan upang mapabilis ang pagsulong nito. Tinatanong natin kung saang sektor dapat ilaan ang mga limitadong yaman ng ekonomiya upang makapag-ambag nang malaki sa paglago ng ating ekonomiya. Sa nakaraan, may narinig akong mga lider sa negosyo ang nagsabing ang agrikultura ang susi sa kaunlaran ng Pilipinas. Ang ibig bang ipahiwatig ng pahayag na ito na ang agrikultura ang may pinakamataas na produktibidad sa mga ekonomikong sektor ng bansa? Ngunit batay sa datos ng Philippine Statistical Authority (PSA), hindi ang agrikultura ang may pinakamataas na produktibidad sa mga pangunahing sektor ng ekonomiya.
Noong nakaraang linggo tinalakay sa kolum na ito ang paglaki ng GDP noong unang kwarter ng 2024 (Q1 2024). Naipakita natin na halos 75 porsiyento ng 5.7 porsiyento paglaki ng GDP ay galing sa sektor ng mga serbisyo samantalang ang industriya ay nag-ambag lamang ng 24 porsiyento sa 5.7 porsiyento na paglaki ng ekonomiya noong unang kwarter ng kasalukuyang taon. Ang pagsusuring ito ay nagpapahiwatig ba na ang serbisyo ang may pinakamataas na produktibidad sa mga ekonomikong sektor ng ekonomiya ng Pilipinas? Ngunit ayon sa datos ng PSA hindi rin ang sektor ng serbisyo ang may pinakamataas ang produktibidad kahit ito ang may pinakamataas na bahagi ng ekonomiya at may pinakamabilis na paglaki sa nakaraang mga kwarter.
Samakatuwid, kung hindi ang agrikultura at hindi rin ang serbisyo, ang sektor ng industriya na binubuo ng pagmamanufaktura, pagmimina, konstruksyon at pangunahing serbisyo (paglalaan ng tubig, elektrisidad, enerhiya, at pamamahala ng basura) ang nagtala ng pinakamataas na produktibidad.
Ayon sa PSA sa nakaraang tatlong taon (2021 hanggang 2023) ang sektor ng industriya ay nagtala ng average na ambag sa GDP bawat manggagawa na nagkakahalaga ng P703,741 bawat taon. Samantala, ang sektor ng serbisyo ay nag-ambag lamang ng P449,558 bawat manggagawa sa GDP ng Pilipinas sa panahong sinusuri. Ang pinakamamababang produktibidad ay naitala ng agrikultura na nag-ambag lamang ng P 164,346 bawat manggagawa sa buong taon sa ating panloob na produksyon.
Sa ibang pananaw, tignan natin ito sa pamamagitan ng ng idinagdag na halaga o value added ng mga ekonomikong sektor at bilang ng kanilang manggagawang ginamit sa pagbuo ng kanilang idinagdag na halaga. Ang idinagdag na halaga ay ang nabuong kita ng sector mula sa paggamit ng iba’t ibang produktibong sangkap. Ang idinagdag na halaga ng industriya ay katumbas ng 29.13 porsiyento ng GDP sa nakaraang tatlong taon samantalang ang ginamit na manggagawa nito ay kumakatawan lamang sa 17.91 porsiyento ng hukbong paggawa ng Pilipinas. Samakatuwid, mas maliit lamang ang ginamit na manggagawa o maituturing na gastos kung ihahambing sa nabuong kita o idinagdag na halaga ng industriya.
Samantala, ang serbisyo, kahit na may pinakamataas na ambag sa GDP, ito ay gumamit din ng pinakamaraming manggagawa mula sa hukbong paggawa. Ayon sa aking kompyutasyon, ang average na ambag ng sektor ng serbisyo sa GDP ay umabot sa 61.37 porsiyento ng Gross Domestic Product sa loob ng tatlong taon samantalang gumamit ito ng 58.22 porsiyento ng mga manggagawa mula sa hukbong paggawa. Halos hindi nagkakalayo ang ambag ng serbisyo sa pambansang kita kung ihahambing sa ginastos nito sa pagbuo ng idinagdag na halaga. Samantala, ang agrikultura ay nagpakita ng napakababang produktibidad. Nakapag-ambag lamang ito ng 9 porsiyento ng GDP sa nakaraang tatlong taon ngunit gumamit ito ng 23.41 porsiyento ng hukbong paggawa. Higit na malaki ang ginamit na manggagawa o ginastos nito kung ihahambing sa ambag na nabuong kita.
Anu-ano ang mga dahilan kung bakit ang industriya ang may pinakamataas na produktibidad o may pinakaproduktibong mga manggagawa. Una, sa kanilang proseso ng produksiyon gumagamit ang sector ng industriya ng maraming capital. Sa pagmamanufaktura, pagmimima, pangunahing serbisyo at konstruksyon, maraming kagamitan ang isinasangkap, inihahalo o katuwang ng mga manggagawa sa kanilang pagtatrabaho. Ang malawak at makabagong capital na ginagamit sa sektor na ito ay nakapagpapataas sa produktibidad ng mga manggagawa. Ikalawa, karamihan sa mga manggagawa sa sector ng industriya, ay may matataas na antas na pinag-aralan. Marami sa ating mga teknologist, engineer, siyentista at iba pang profesyonal na teknikal ay nasa sektor ng industriya. Dahil matataas ang produktibidad ng mga manggagawa sa sektor na ito, maituturing ang produktibidad ng mga manggagawa bilang palatandaan sweldo sa mga manggagawa sa sektor.
Ang produktibidad ng manggagawa ay nakabatay sa idinagdag na halaga o value added ng ekonomikong. Ngunit ang idinagdag na halaga ng sektor ay ang pinagsama samang kontribusyon ng iba’t ibang produktibong sangkap sa proseso ng produksyon. Ang pasahod sa mga manggagawa ay bahagi lamang ng idinagdag na halaga. Ipagpalagay nating 50 porsiyento ng idinagdag na halaga ay mula sa ambag ng mga manggagawa, batay sa aking kompyutasyon ang tinantiyang sweldo ng pangkaraniwang manggagawa sa agrikultura ay umabot lamang sa halos P 6,840 bawat buwan. Sa serbisyo, ito ay tinantiya ko sa P 18,732 bawat buwan at sa industriya ay P 29,322 bawat buwan. Samakatuwid, ang mababang produktibidad sa agrikultura ay isa sa mga dahilan kung bakit maraming maralitang mamamayan ay nasa sektor na ito.
Samakatuwid, ang pagdaragdag ng mga makabagong capital sa mga ekonomikong sektor at pagsasanay ng mga manggagawa sa mga sektor ay hindi lamang magpapabilis sa paglago ng ating ekonomiya ngunit nagiging daan tungo sa mapagpantay na distribusyon ng kita sa pamamagitan ng pagpapataas ng produktibidad at sweldo ng mga manggagawa.