MAY kabuuang 117 residente ng Aurora na may mga pangangailangang medikal ang nakinabang sa isinagawang libreng surgical operation.
Katuwang ng pamahalaang panlalawigan sa apat na araw na surgical mission ang Department of Health, mga humanitarian group, at pribadong sektor.
Ayon kay Gobernador Reynante Tolentino, nasa 30 medical personnel mula sa mga iba’t ibang grupo at asosasyon ang nag-boluntaryo upang maisagawa ang naturang aktibidad sa Aurora Memorial Hospital.
“Patuloy na ginagawa ng probinsya ang lahat ng makakaya upang mapagsilbihan ang mga mamamayan ng Aurora lalo na ang mga mahihirap na pasyente na nangangailangan ng surgical interventions,” diin ni Tolentino.
Kabilang sa libreng serbisyo hatid ng medical mission ay mga major operation tulad ng cholecystectomy, herniorrhaphy, thyroidectomy, fistulomy/fistulectomy, thyroid lobectomy, hemorrhoidectomy, parotidectomy, hydrocelectomy, varicocelectomy, at excision via Sistrunk.
Mayroon ding isinagawang excision of new growth, excision of skin tag, excision of sebaceous cyst, at excision of lipoma bilang bahagi ng mga minor surgeries.
Nagpasalamat si Tolentino sa mga naging katuwang sa surgical mission at nangakong magsasagawa uli ang pamahalaang panlalawigan ng ganitong mga aktibidad upang mas maabot ang iba pang residente na nangangailangan din ng serbisyong medikal.
“Lahat sila ay nag-ambag sa tagumpay ng misyon. Kami ay nagpaplano na magsagawa ng higit pang mga surgical mission sa hinaharap, kasama na ang mga nagsisilbi sa ibang mga munisipalidad,” aniya.
Kabilang sa mga naging benepisyaryo ang 53 pasyente mula sa bayan ng Baler, 29 mula Maria Aurora, 17 mula San Luis, walo mula Dipaculao, pito mula Casiguran, dalawa mula Dilasag, at isa mula Dinalungan. (CLJD/MAT, PIA Region 3-Aurora)