SA tirahan niya sa kabilang pampang ng Ilog Pasig mula sa Malakanyang, binigkas ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang dalanging nag-aalay at nagsasabanal ng Pilipinas sa Kalinis-linisang Puso ni Maria.
Nagsimula ang dasal, salin mula sa Ingles: “Mahal na Birhen ng Guadalupe, Ina ng tunay na Diyos, narito ngayon kaming mga anak mo, nagpapakitang dangal, pananalig, pagmamahal at tiwala, upang banal na ialay ang aming bayang Pilipinas sa iyong Kalinis-linisang Puso.
“Kunin mo ito sa iyong mga kamay mula sa marupok naming paghawak, ipagtanggol at ipagsanggalang bilang sariling pag-aari. Itulot mong maghari ang Panginoong Hesus, mangibabaw at mamuno bilang Reyno, sapagkat ang malayo sa kanya, walang katubusan.”
Gayon ding konsagrasyon ang ginawa noong 1954 ng pangulo noon, si Ramon Magsaysay, sa wakas ng Second National Marian Congress sa Luneta (Liwasang Rizal ngayon). At hinango ang ilang bahagi ng dalangin ni Marcos sa konsagrasyon ng mga obispo ng Portugal noong 1931 at 1938. Ang mga naunang dalanging iyon, sinasabing naglayo ng Pilipinas at Portugal sa digma at komunismo.
Hindi lang giyera — sala rin
Pihadong naisip ng Pangulo ang tumitinding tagisan ng China at Estados Unidos (US) sa Asya nang magsumamo siyang iadya tayo sa “katakut-takot na sigwang nagsisilakbo sa paligid natin.” Sinabi niya noong Pebrero na baka maging “bungad ng labanan” ang Pilipinas gaya noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig.
Sinakop tayo ng Hapon noong 1941 dahil narito ang hukbong US sa Asya — at nangyayaring muli ito dahil ipinagamit ni Marcos sa Amerika ang siyam na base natin. At ayon sa estratehiyang militar ng US, malamang mas dumami ang mga paliparang hangad nitong gamitin, at maglagay pa ng mga missile na abot ang buong China at mga karatig-dagat (“Mapanganib ang plano ng US para sa Pilipinas,” https://tinyurl.com/ahz99m33).
Pero hindi lang digma ang ipinag-adya ni Marcos, kundi ang kasamaan sa mundong ibig din mangibabaw sa atin. Aniya sa Inang Maria “umiihip ang masasamang hangin, nagbubunsod ng mga hiyaw ng pagpaslang laban sa iyong Anak at sa kabihasanang itinatag alinsunod sa mga pangaral Niya. … mga marungis na alon ng lantarang imoralidad na wala na kahit pagkilala sa kasalanan.”
Kaya nanawagan ang Pangulo sa Mahal na Birhen: “Pag-isahin ang sambayanang Pilipino sa paligid ng Anak mong Diyos sa pagmamahal sa Simbahan at gayon din sa sibilisasyon ng mabuting asal, paggalang sa kaayusan at kapatirang nagmamahalan.”
Bukod sa digma, kaharap natin ang makamundong puwersa at ideolohiya —kawalan ng pananampalataya sa Diyos, pagsuway sa Kanyang mga utos, at makasariling ugali at pamumuhay na salapi, sarap at sikat na ngalan ang sinasamba.
Hihinto ba ang giyera?
Ang tanong siyempre: Kaya bang ihinto ng dalangin ang digmaan at kamunduhan?
Nabanggit na ang pag-iwas ng Portugal at Pilipinas sa digma at komunismo matapos ang konsagrasyon. At may ilang giyerang pandaigdig na nahinto matapos dumalangin kay Maria ang Santo Papa, gaya ng iniatas ng Diyos sa wika ng Mahal na Birhen noong magpakita siya sa tatlong batang pastol sa burol ng Fatima sa Portugal mula Mayo hanggang Oktubre 1917.
Wika niya noon na dapat isabanal ang bansang Rusya sa kanyang Kalinis-linisang Puso at palaganapin ang debosyong Unang Limang Sabado upang umiral ang kapayapaan sa mundo. Kung hindi, babala niya noong Hulyo 1917, magkakaroon ang mas malubhang digma kaysa sa Unang Digmaang Pandaigdig na nagaganap noon.
Sa kasamaang palad, hindi ginawa ang iniatas na konsagrasyon, at sumiklab ang giyerang mas masahol. Subalit nagsagawa ng konsagrasyon si Papa Pio XII noong 1942 at 1952, si Pablo VI noong 1964, si Juan Pablo II noong 1981, 1982 at 1984, at si Francisco noong 2022 — at pawang nagbunga ang mga dalangin.
Noong 1942, tatlong araw matapos ang konsagrasyon noong Oktubre 30, nagtamo ang hukbong Alyado ng unang panalo sa Alemanya. Tapos, sunud-sunod ang pagwawagi. Noong 1952, habang nagbabalak ang komunistang Unyong Sobyet digmain ang Europa samantalang lumalaban sa Korea ang US, namatay ang pinuno nitong si Josef Stalin at nahinto ang planong giyera.
Sa konsagrasyon ng 1964, nagkahiwalay nang pirmihan ang mga higante ng komunismo, ang Unyong Sobyet at China. At matapos ang tatlong dalangin ni Juan Pablo II, may dambuhalang pagsabog sa pangunahing daungan ng Hukbong Dagat Sobyet sa mismong pista ng Fatima noong 1984. Tuloy, nahinto ang isa pang planong paglusob sa Europa.
At sa Marso 2022, ang buwan ng konsagrasyon ni Papa Francisco, muntik nang magpirmahan ng kasunduang pangkapayapaan ang Ukraina at Rusya. Kaya lang binara ito ng Amerika at inarmasan ng alyansiya nito ang Ukraina upang patuloy na lumaban para manghina ang Rusya. Subalit lalo itong lumakas, at ngayon, iwas na sa digma ang US dahil maraming armas ang nawaldas sa Ukraina, at takot itong magsabay-sabay ang giyera sa Europa, Gitnang Silangan at Asya.
Mangyari kaya ito sa Pilipinas — makaiwas sa giyera at ideolohiyang kontra sa Diyos at Simbahan at magkaisa sa paligid ng Panginoong Hesukristo? Ipanalangin natin — at talakayin sa Mayo 20.
(Mapapanood ang dasal ng Pangulong Marcos sa https://www.youtube.com/watch?v=4K8gewoYPEk.)