SA darating na Biyernes, Mayo 17, muling magbubukas ang aplikasyon para sa Special Program for Employment of Students o SPES para naman sa mga in-school youth (ISY) ng Pasig City na edad 15 hanggang 30.
Ayon sa pamahalaang lungsod, ipo-post sa Pasig City Public Information Office Facebook Page (https://www.facebook.com/PasigPIO) ang online registration form link sa Mayo 17, mula 1:00pm hanggang 3:00pm lamang.
Mayroong 800 slots ang ilalaan para sa batch ng SPES ISY na ito. Paalala na ang first 800 applicants na makakapag-register online ay dadaan pa sa screening at evaluation. Tanging ang mga makakapasa lamang ang kokontakin ng Pasig City Public Employment Service Office (PESO). Kung may ilan sa mga ito ang hindi nakapasa sa initial screening, saka ia-assess ang mga nasa ika-801 pataas hanggang sa mabuo ang 800 slots na nakalaan para rito.
Para sa round ng SPES ISY na ito, kinakailangang mag-report ng mga makukuhang SPES interns sa loob ng 20 araw sa Pasig City Hall, mula Lunes hanggang Biyernes, 7:00am – 4:00pm, liban sa mga holiday. (Pasig City/PIA-NCR)