28.2 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Mga serbisyo, programa ng DoST inilapit sa mga Mindoreño

- Advertisement -
- Advertisement -

KASABAY ng pagbubukas ng pagdiriwang ng Department of Science and Technology (DoST) ng Mimaropa Regional Science and Technology and Innovation Week (RSTW), pinangunahan ng ahensya ang paglapit ng mga serbisyo at proyekto sa mamamayan ng Oriental Mindoro.

Ipinakita ng DoST ang mga modernong teknolohiya na resulta ng mga makabagong imbensyon upang pagbutihin pa ang kalidad ng mga produktong mayroon ang rehiyon sa publiko sa Calapan City Convention Center noong Mayo 7.

Pinangunahan nina DoST Secretary Renato Solidum Jr., Undersecretary Sancho A. Mabborang, Mimaropa Regional Director Ma. Josefina Abilay, Provincial Science and Technology Director Jesse Pine, Provincial Agriculturist Christine Pine, at Mindoro State University President Christian Anthony Agutaya ang press conference kung saan sinabi ni Solidum na mabisa ang RSTW upang mapukaw ang isipan ng mga kabataan sa aplikasyon ng teknolohiya sa araw-araw na pamumuhay at pag-aaral ng mga ito.

“Malaking bagay ang pagkakaroon ng science museum sa isang lugar upang mapukaw ang pagkamausisa ng mga kabataang estudyante para sa praktikal na aplikasyon ng siyensya at teknolohiya sa pang araw-araw na buhay,” ani Solidum.

Ayon naman Pine, hinggil sa dagdag kaalaman ng mga katutubo sa lalawigan ay mayroon ding natulungan ang ahensya sa mga katutubong Mangyan.

“Mayroong natulungan ang DoST sa pamamagitan ng Community Empowerment through Science and Technology sa ilang komunidad ng mga katutubong Mangyan sa lalawigan kung saan aming ipinamahagi ang ilang solar energy systems sa mga natukoy na pamilya bilang indikasyon na patuloy naming pagsusumikapan na maisabay ang naturang sektor ng mamamayan sa pag-angat ng pamumuhay gamit ang makabagong teknolohiya,” sinabi ni Pine.

Inilunsad din dito ang monitoring and observation ng Site-Specific E-weather Stations o Project Moses — isang  locally assembled weather monitoring system na likha ni Christian Hernandez na maaaring makakuha ng datos na nasa loob ng 25 kilometer radius.

May kakayahan din itong malaman ang kasalukuyang lagay ng panahon na kung saan sinimulang buuin noong Setyembre 2022 sa Mindoro State University katuwang ang DoST na siyang nagtaguyod at nagpondo nito.

Samantala, ilan pa sa mga tampok na makikita sa naturang science museum ay mga exhibit ng mga samahan at indibidwal na natulungan ng DoST. Ang nasabing aktibidad ay tatagal hanggang Mayo 9. (DN/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -