SA kabila ng kalayuan nito, bumalik ang mga opisina nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano ngayong linggo sa Hagonoy upang magbigay ng kinakailangang calamity assistance sa 500 pang beneficiaries.
Nakaranas ang coastal community ng Hagonoy ng ilang insidente ng baha noong nakaraang taon kung saan hindi bababa sa 20 na barangay ang naapektuhan. Daan-daang pamilya ang nawalan ng tirahan at naiwang lubhang nangangailangan ng suporta.
Dahil sa pagkilala sa pangangailangang magbigay ng pang-ahon na tulong para sa mga lumikas na Bulakenyo, pinakilos ng magkapatid na senador ang kanilang opisina upang matiyak na makakarating ang tulong sa mga pinakaapektado ng kalamidad.
Dumating ang tulong ng Cayetano team sa dalawang batch. Ang pinaka-una ay naganap noong April 23, 2024 kung saan mahigit isang libong biktima ng baha ang nabigyan ng tulong.
Ang pangalawang batch naman ay naganap nitong linggo, April 29, upang matulungan pa ang 500 karagdagang beneficiary.
Bukod dito, nasa lugar ang medical team ng mga Cayetano upang magbigay ng tulong medikal upang matiyak na ang bawat apektadong indibidwal ay makakatanggap ng mga serbisyong pangkalusugan na kailangan nila.
Pinasalamatan ni Estelle Ople-Osorio, isa sa mga coordinator ng calamity assistance drive, ang mga senador sa pag-alala sa kanilang sitwasyon sa kabila ng pagkaliblib ng kanilang lugar.
“Gusto ko lang po pasalamatan sina Senator Alan Peter at Pia Cayetano dahil hindi nila nakakalimutan ang bayan ng Hagonoy. Hindi po pansinin ang aming lugar, medyo malayo kami sa kabihasnan pero never silang humindi sa paghingi namin ng tulong,” wika ni Ople-Osorio noong April 30 drive na ginanap sa Hagonoy’s Sangguniang Bayan Municipal Covered Court.
“Ramdam po namin ang pagmamahal ninyong dalawa. Thank you po sa sincere ninyong serbisyo sa aming lugar at sa aming pamilya dito sa lahat ng Bulakenyo. More power sa inyong tunay na serbisyo at pagmamahal sa mamamayang Pilipino!” dagdag niya.
Ginanap ang assistance drive sa tulong at koordinasyon nina Hagonoy Mayor Flordeliza Manlapaz, Vice Mayor Maria Rosario Sy-Alvarado, at Councilor Baby Ople, at sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Nagbibigay ang AICS ng tulong pang-ahon sa mga taong naapektuhan ng mga krisis tulad ng mga baha, lindol, at mga naapektuhan ng El Niño.
170 pang Bulakenyo, nakatanggap ng tulong pangkabuhayan
Kinabukasan, April 30, bumisita rin ang pangkat ng mga senador sa Norzagaray upang bigyan pa ng tulong ang 170 Bulakenyo mula sa hanay ng kababaihan, senior citizen, at barangay health worker.
Isinagawa ito sa pakikipagtulungan nina Norzagaray Vice Mayor Baldo Gener, Board Member Art Legazpi, Board Member Jay De Guzman, at Councilor Maricar Pelayo.
Nananatiling nakatuon sina Senador Alan Peter at Pia Cayetano sa pagsuporta sa mga komunidad na apektado ng mga natural na kalamidad at patuloy na sumusubaybay sa sitwasyon ng mga lugar na sinalanta ng kalamidad upang magbigay ng tulong kung kinakailangan.