26.4 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Higit 16K turista, bumisita sa Marinduque sa unang quarter ng taon

- Advertisement -
- Advertisement -

HALOS doble ang naging pagtaas ng bilang ng mga turistang bumisita sa probinsya ng Marinduque sa unang quarter ng taong 2024, ayon kay Rino Labay, hepe ng Provincial Tourism and Cultural Office.

Ayon kay Labay, base sa datos na nagmula sa mga accomodation establishment, pumalo sa 16,319 ang kabuuang bilang ng mga turistang nagtungo sa lalawigan simula noong Enero hanggang Marso ng kasalukuyang taon higit na mataas ng 78.33 porsiyento kumpara sa bilang na naitala sa kaparehas na mga buwan noong 2023 na mayroon lamang na 9,151 turista.

Aniya, malinaw na pinapakita ng datos na parami nang parami ang mga manlalakbay na pinipiling manatili at tamasahin ang tahimik na kagandahan at mainit na mabuting pakikitungo na iniaalok ng Marinduque.

Malaki rin ang itinaas ng bilang ng mga day visitor at mga indibidwal na bumisita sa iba’t ibang pook-pasyalan sa buong probinsya kung saan ay umabot ang bilang sa kabuuang 74,722 kumpara noong 2023 na mayroong lamang na bilang na 31,241.

Bahagya namang bumababa ang bilang ng mga turistang nag-book sa mga accomodation establishment sa Marinduque noong Semanta Santa sapagkat mula sa dating 8,281 turista ay umabot lamang ang kabuuang bilang nito sa 7,056. Ang napaagang Holy Week schedule at iba pang variable ang posible umanong dahilan ng pagbaba ng naturang bilang.

Sa panahon ng Mahal na Araw kung saan kasabay na ginugunita ang Moriones Lenten Rites na isa sa mga pangunahing atraksyon ng Marinduque ay inaasahang higit na mas malaki at marami ang bilang ng mga turistang bibisita sa tinaguriang Lenten Capital of the Philippines kaya ipinaabot ng Provincial Tourism and Cultural Office na patuloy nilang pagbubutihin ang mga gawaing pangturismo sa probinsyang binansagan rin bilang hugis pusong isla ng Pilipinas.

Samantala, ipinaliwanag ni Marinduque Tourism Association, Inc. president Susan Nace na ang pamantayan para makonsidera na turista ang isang indibidwal ay kapag nagtungo ito sa lugar upang magliwaliw at mananatili sa isang accomodation establishment nang hindi bababa sa loob ng 24 na oras. (RAMJR/KCL/PIA Mimaropa – Marinduque)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -