26.5 C
Manila
Linggo, Enero 5, 2025

Robin, nanawagan ng kooperasyon ng pribadong sektor para sa port access sa navy vessels

- Advertisement -
- Advertisement -

UPANG matulungan ang Armed Forces of the Philippines, partikular ang Philippine Navy, sa pagpapatupad ng tungkulin nitong ipagtanggol ang Pilipinas, nanawagan nitong Martes si Sen. Robinhood “Robin”  Padilla sa pribadong sektor na bigyan ng access ang Navy vessels sa ating mga ports.

Sa kanyang privilege speech, ikinalungkot ni Padilla na kadalasan, umaabot ng apat hanggang 48 oras bago mabigyang pahintulot o espasyo sa mga daungan ang ating Philippine Navy, at depende sa permisong ibibigay ng pribadong sektor kung gaano sila katagal maaaring manatili sa daungan.

“Hindi naman po lingid sa ating kaalaman ang tumitinding sitwasyon sa sa West Philippine Sea, bunsod ng mga agresibong aksyon ng kabilang panig. Nararapat lamang na magkaroon tayo ng mga hakbangin sa paghahanda sa anumang senaryo na maaaring maganap sa ating bayan,” giit niya.

“Kung kaya po ng ibang nasyon na tulungan ang ating bansa, tulad na lamang ng nagaganap na Balikatan Exercises ng ating hukbo, kasama ang mga sundalo ng America, nararapat lamang siguro po, Ginoong Pangulo, na asahan din natin ang suporta at tulong ng mga pribadong sektor nating mga kababayan,” dagdag niya.

Ani Padilla, dahil sa kakulangan ng access sa Navy, nagkaka-delay at wear-and-tear ang mga barko ng Navy, kasama ang mga barkong pandigma, sa maintenance activities, refueling at reprovisioning.

“Ginoong Pangulo, ang inyo pong lingkod ay kumakatok sa puso ng ating private sector na nawa’y maging mas maluwag kayo sa pag-accommodate sa ating hukbo. Simple lamang po ang ating panawagan – ang mabigyan naman po ng access ang Philippine Navy vessels sa ating mga ports sa ilalim ng Philippine Ports Authority,” aniya.

Umaasa din siya na mabigyan ng puwang ang pagkakaroon ng convergence projects sa pagitan ng PPA at Navy sa pamamagitan ng mga mother agencies nito na Department of Transportation at Department of National Defense (DND).

“My goodness naman Mahal na Ginoong Pangulo, saan tayo makakita nito, sariling hukbo walang karapatan sa port natin? Pambihira. Paano binibili nating bagong barko? Di pupuwedeng laging nasa laot. Dapat meron yang bahay, may isang lugar na siya dadaong para ipapatay ang makina at ang barko makapahinga. Dahil pag sa laot patuloy tumatakbo ang makina. Kung walang pahinga ang barko sandali lang buhay nito. At di katanggap tanggap ang sitwasyon natin ngayon tayong lahat, lalahatin ko na, lahat na Pilipino sa oras na ito ay nag-aalab ang damdamin upang ipagtanggol ang ating bansa sa ginagawa ng ating kapitbahay na pang-aabuso sa atin. Pero ang katotohanan pala, ang ating mga ports di binibigyan ng karapatan ang ating hukbong dagat,” aniya.

Higit sa lahat, humingi si Padilla ng kooperasyon sa pribadong sektor bilang bahagi ng whole-of-government at whole-of-society approach sa pagpapaigting ng seguridad sa ating bansa.

“Marahil po ay maliit na bagay ito para sa ilan, ngunit milya-milya po ang maaari nitong magawang tulong para sa ating Hukbong Pandagat, at sa buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas,” aniya. Teksto mula sa website ng Senate of the Philippines/Larawan mula sa Facebook page ng Senate of the Philippines

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -