ANO-ANO ang mga rehiyon na nakaranas ng mabilis na paglago mula sa pandemya Nakaungos ba ang mga mahihirap na rehiyon na siyang naging trend bago mag-pandemya?
Patuloy ang mabilis na paglago ng mga rehiyon sa labas ng NCR. Noong nakaraang tatlong taon, apat na rehiyon ang nagibabaw sa taas ng GRDP growth. Nanguna ang Cordillera Administrative Region (CAR) sa paglago na 7.7 porsieynto. Sumunod ang Western Visayas na nagtala ng 7.5 porsiyento; pumangatlo ang Central Luzon sa paglago na 7.2 porsiyento at pumang-apat ang Davao Region na nagtala ng 6.9 porsiyento. Pumang-lima ang Calabarzon (6.9 porsiyento) na sinundan ng Central Visayas (6.8 porsiyento). Ang anim na rehiyon na ito ay malakas sa turismo at iba pang serbisyo na siyang pinakamalakas na sector sa ekonomiya ng nagdaang tatlong taon. Dahil sa pagkawala ng pandemya, bumalik na ang mga turista sa mga magagandang tanawin, at pinuno ang mga hotel, restawran at airlines. Nanumbalik ang kinang ng investment na nagdilim noong pandemya. Sa mga rehiyong ito, mas maraming negosyong bagong itinayo, mas malakas ang infrastructure growth at mas malakas ang employment growth. (Table 1)
Nasa gitna ng growth league ang Ilocos Region, Cagayan Valley, Eastern Visayas na halos pare-pareho sa 6.4 porsiyento na paglago at Northern Mindanao na lumago sa 6.2 porsiyento at BARMM sa 6.1 porsiyento. May hatak din ang mga rehiyon na ito sa turismo at serbisyo.
Nangulelat ang Caraga, Zamboanga Peninsula, Bicol, Soccsksargen, Caraga at Mimaropa at NCR. Mataas pa rin ang 4.8 porsiyento hanggang 6.0 porsiyento na paglago ngunit maaaring nagpabagal sa takbo ng ekonomiya nila ang mga bagyo at matinding tagtuyot na tumama sa mga rehiyon na ito. Ang NCR na siyang pinakamalaking rehiyon ay nakaranas ng congestion bago ng pandemya ay bumalik ulit sa suliraning iyon nang nanumbalik ang mga negosyong nagsara noong pandemya.
Lumakas ang ekonomiya ng mga mahihirap na rehiyon kontra sa mayayamang rehiyon, Ang coefficient of variation na siyang nagpapakita ng pagkakapantay-pantay sa GRDP per capita ay bumaba mula 0.470 noong 2021, 0.469 nopong 2022 at sa 0.468 noong 2023. (Table 2)
Ang pagkakapantay-pantay ng mga ekonomiya sa mga rehiyon ay isang layunin na gustong matupad ng lahat ng mga development plans ng mga administrasyong nagdaan. Ayon sa pag-aaral ng Department of Finance noong 2019, ang paglago ng ekonomiya ng mga rehiyon ay nakasalalay sa ilang mga salik (factors).
Una ay ang lebel ng gross regional investment. Kapag mas malaki ang pamumuhunan ng pamahalaan at pribadong sector sa isang rehiyon, mas mabilis ang paglago ng ekonomiya. Kasama dito ang gastusin ng pamahalaan sa inprastruktura na malaki ang hatak sa pribadong puhunan. Kung saan mas maraming kalsada, tulay, pantalan at riles ng tren na ginagawa, doon nagkumumpol-kumpol ang mga pribadong namumuhunan at mas maraming trabahong nalilikha. Kapag gumagawa ang pamahalaan ng mga proyektong irigasyon, mas malaki rin ang paglago ng agrikultura kasi puede nang magtanim sa panahon ng tagtuyot. Kapag malaki ang pautang ng mga bangko lalo na sa microfinance, mas malakas din ang paglago ng mga rehiyon.
Ikalawa, ang presensiya o kawalan ng sakuna ay malaki ang epekto sa paglago ng mga ekonomiya ng mga rehiyon. Pag tinamaan ng sakuna gaya ng bagyo, pagputok ng bulkan, lindol at matinding tagtuyot, humihina ang ekonomiya ng isa hanggang dalawang bahagdan. Ang pinakamatinding sakuna sa kasaysayan ng Pilipinas ay ang Covid-19 na kung saan lahat ng rehiyon ay nakaranas ng pagbagsak. Sumusunod ang may dalawampung bagyo na humahagupit ang sa bansa bawat taon na nagpapatingkad sa laks ng habagat. Kapag malakas ang super-bagyo gaya noong 2021 sa Bicol Region at Mimaropa nang sila ay hinagupit ng Bagyong Jolina at nawalan ng kuryente ng ilang linggo, ang kanilang paglago ay bumagsak sa 4.3 porsiyento at 3.3 porsiyento, ayon sa pagkakasunod. Ganoon din ang bagyong Odette noong 2021 na tumama sa malaking kalupaan sa Visayas at Mindanao na sumira ng P51.8 bilyon na pananim at inprastruktura; bagyong Paeng na tumama na naman sa Mindanao noong 2022 at nanira ng P17.6 bilyon na produksyon at ari-arian sa BARMM at Northern Mindanao; at Egay na nanalasa sa Northern Luzon noong 2023 ngunit pinaigting ang habagat sa Visayas at Mindanao. Lumalawak ang epekto ng mga bagyo habang lumalala ang climate change.
Kung tingnan ang epekto ng tatlong taong pamamahala sa pagkakapantay-pantay ng mga rehiyon, halos hindi natinag ang ranggo ng mga rehiyon sa per capita income. Ang coefficient of variation ay bumagsak lang nang bahagya sa 0.468 mula 0.470. Nangunguna pa rin ang NCR at huli pa rin ang BARMM. Ngunit lumukso ang mga rehiyon ng Mindanao gaya ng Davao Region mula sa pang-lima sa pang-apat, at sa Visayas, lumukso ang Western Visayas mula pang-labing-isa sa pang-siyam. Sa kabilang dako, nahulog ang ranggo ng Mimaropa mula pang-walo sa pang-siyam; ang Northern Mindanao mula pangalawa sa pangatlo; Caraga mula pang-sampu sa pang-labing isa; at ang pinakamalala, ang Soccsksargen mula 12 sa 14 dahil sa 18.5% na pagdausdos ng exports dahil sa pandaigdig na economic shock ng pakikibaka ng mga bansa sa inflation. Dahil sa pagtaas ng interest rates, dumausdos ang economic growth ng malalaking bansa kasama ang kanilang export demand. Ang Soccsksargen ay malaking prodyuser ng niyog, kape, prutas at tuna na nai-aambag nila sa exports ng bansa. (Table 2)
Para mas malakas ang paglago ng mga rehiyon, kailangang magtayo ang mga rehiyon ng investment promotion units na manghikayat sa mga mamumuhunan na dalhin ang kanilang kapital sa kanilang lugar. Kasama dito ang mabilis na pag-aproba sa mga aplikasyon ng mga namumuhunan sa kani-kanilang rehiyon. Dapat bigyan ng kaukulang pansin ang kanilang natural resource endowments at mga kailangang inprastruktura.
Dahil sa tindi ng epekto ng mga sakuna, kailangan ding mag-develop ng disaster insurance para sa mga maumuhunan sa mga rehiyon. Hindi nito maiiwasan ng insurance ang sakuna pero mas mabilis naman ang pagbawi sa mula dito. Mabibigyan ang mga naapektuhang namumuhunan ng paraan para mapabilis ang pagtayo at bagong simula.
Table 1. GROSS REGIONAL DOMESTIC PRODUCT | Growth Rate | Average | Ranggo | ||||
2021 | 2022 | 2023 | 2021-23 | 2021-23 | |||
Philippines | 5.71% | 7.58% | 5.55% | 6.28% | |||
NCR | National Capital Region | 4.39% | 7.23% | 4.88% | 5.50% | 15 | |
CAR | Cordillera Administrative Region | 7.58% | 8.68% | 6.91% | 7.72% | 1 | |
I | Ilocos Region | 4.60% | 7.59% | 7.12% | 6.44% | 7 | |
II | Cagayan Valley | 5.08% | 7.97% | 6.18% | 6.41% | 8 | |
III | Central Luzon | 7.44% | 8.09% | 6.12% | 7.22% | 3 | |
IVA | CALABARZON | 7.67% | 7.83% | 5.19% | 6.90% | 5 | |
MIMAROPA Region | 3.34% | 6.29% | 4.70% | 4.77% | 17 | ||
V | Bicol Region | 4.33% | 8.04% | 4.58% | 5.65% | 14 | |
VI | Western Visayas | 5.90% | 9.27% | 7.24% | 7.47% | 2 | |
VII | Central Visayas | 5.38% | 7.65% | 7.28% | 6.77% | 6 | |
VIII | Eastern Visayas | 6.05% | 6.75% | 6.38% | 6.39% | 9 | |
IX | Zamboanga Peninsula | 5.73% | 7.49% | 4.59% | 5.94% | 13 | |
X | Northern Mindanao | 6.25% | 7.16% | 5.29% | 6.23% | 10 | |
XI | Davao Region | 5.88% | 8.17% | 6.70% | 6.92% | 4 | |
XII | SOCCSKSARGEN | 5.18% | 6.59% | 3.48% | 5.08% | 16 | |
XIII | Caraga | 7.26% | 5.95% | 4.87% | 6.03% | 12 | |
BARMM | Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao |
7.51% | 6.61% | 4.27% | 6.13% | 11 | |
Coefficient of Variation 0.229 | 0.115 | 0.213 | 0.128 | ||||
Source: Philippine Statistics Authority |
Table 2. GROSS REGIONAL DOMESTIC PRODUCT PER CAPITA | ||||||
2021 | Ranggo | 2023 | Ranggo | |||
Philippines | 168,242 | 186,437 | ||||
NCR | National Capital Region | 418,554 | 1 | 460,646 | 1 | |
CAR | Cordillera Administrative Region | 170,496 | 3 | 195,114 | 2 | |
I | Ilocos Region | 114,548 | 9 | 130,162 | 8 | |
II | Cagayan Valley | 105,574 | 13 | 118,977 | 12 | |
III | Central Luzon | 161,516 | 6 | 179,875 | 6 | |
IVA | CALABARZON | 166,794 | 4 | 182,711 | 5 | |
MIMAROPA Region | 115,100 | 8 | 125,353 | 10 | ||
V | Bicol Region | 87,227 | 16 | 96,868 | 16 | |
VI | Western Visayas | 109,665 | 11 | 126,614 | 9 | |
VII | Central Visayas | 148,481 | 7 | 167,728 | 7 | |
VIII | Eastern Visayas | 95,980 | 15 | 106,358 | 15 | |
IX | Zamboanga Peninsula | 104,439 | 14 | 116,013 | 13 | |
X | Northern Mindanao | 171,996 | 2 | 190,015 | 3 | |
XI | Davao Region | 164,243 | 5 | 184,114 | 4 | |
XII | SOCCSKSARGEN | 106,542 | 12 | 114,922 | 14 | |
XIII | Caraga | 109,878 | 10 | 119,729 | 11 | |
BARMM | Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao |
54528 | 17 | 58,223 | 17 | |
Coefficient of Variation | 0.470 | 0.468 | ||||
Source: Philippine Statistics Authority |