31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Si  Rene Villanueva at ‘Ang Unang Baboy sa Langit’  

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

MAPALAD akong naging kaibigan si Rene Villanueva, mandudula at manunulat ng aklat pambata. Nakilala ko siya nang ako ay nagsimulang lumusong sa daigdig ng panitikang pambata. Isa kasi siya sa nanguna sa panitikang pambata sa ating bansa kahit na nagsimula muna siyang nagpakita ng interes sa pagsulat ng dula. Maraming dula ang kaniyang naisulat at naitanghal ng mga mahuhusay na theater companies gaya ng Philippine Educational Theater Association (PETA). Sa Palanca Awards, nauna muna siyang nanalo para sa kanyang mga dula bago sa kategoriyang kuwentong pambata. Siya yata ang manunulat na nagwagi ng pinakamaraming Palanca sa kasaysayan ng pambansang patimpalak na ito.

Ang aklat pambatang ‘Ang Unang Baboy sa Langit’. Nagwagi ito ng Unang Gantimpala sa kategoriyang Maikling Kuwentong Pambata sa 1990 Palanca Awards.

Sa isang workshop sa na idinaos ng Philippine Board on Books for Young People (PBBY) sa UP College of Fine Arts, doon ko unang nakilala si Rene. Isa siya sa aming tagapagsalita. Ang naturang workshop ay itinaguyod ng PBBY sa pakikipagtulungan ng Asia-Pacific Cultural Center for Unesco (ACCU) ng Japan kung kaya’t kabilang sa speakers ang Australian children’s book author na si Jackie French at isang Japanese illustrator. Kilala ko na si Rene noon pa man dahil sa popularidad ng pambatang TV show na Batibot kung saan siya ang Creative Director at Headwriter. Nang panahong maging fellow ako nito, dadalawa o tatlo pa lamang ang aklat pambatang naisusulat ko.

Ang Palanca Hall of Fame awardee na si Rene O. Villanueva, awtor ng ‘Ang Unang Baboy sa Langit’

Natuwa ako nang makilala ko siya nang personal sapagkat noong medical student pa ako at di pa nahahalinang magsulat para sa mga bata, nabasa ko na sa National Bookstore ang kanyang aklat pambatang ‘Ang Unang Baboy sa Langit’ (inilathala ng Cacho Publishing at iginuhit ni Ibarra Crisostomo). Nanalo ng Unang Gantimpala sa Palanca sa kategoriyang kuwentong pambata ang naturang akda. Aliw na aliw ako sa kuwento ni Butsiki, ang baboy na ipinanganak na saksakan ng linis (ni ayaw tumapak sa putik) at unang baboy na nakarating sa langit.

Naibigan ko ang istilo ng kanyang panulat. Magaan ito at puno ng siste. Inilarawan niya si Butsiki bilang ‘biik na ipinanganak na may tala sa noo at kumikinang ang kuko.’ Lalo na akong natuwa nang banggitin ni Butsiki sa kanyang magulang na baboy na ‘marumi po ang ating kural,’ na labis na ikinabigla ng kanyang magulang. Ang mga butete ay nagalit din sa inaasal ni Butsiki kung kaya’t nasabi nilang, “anong klaseng baboy ‘yan? Bakit nagmamalinis?”

Si Butsiki, ang baboy na saksakan ng linis; Tinanghal na ‘Baboy na Patron ng Kalinisan’

Tinanong ko si Rene kung paano niya nasulat ang kuwentong ‘Ang Unang Baboy sa Langit’? Inalam ko rin sa kanya kung paano niya pinangalanan ang bidang baboy sa kuwento. Bakit Butsiki?


Noong minsan daw na naanyayahan siya ng PBBY na magsagawa ng isang storytelling sa Rizal Park, nainip ang mga bata kasi’y na-delay ang paghahain ng miryenda para sa kanila. Upang aliwin ang mga bata, nakaisip siya ng kuwento na ang bida ay isang ‘malinis na baboy.’ Umisip daw siya ng isang hayop na kilala sa pagiging marumi kaya naisip niya ang baboy. Tapos, naisip niyang gawin ang kabaligtaran ito. Ginawa niyang ‘ubod ng linis ang baboy na ito!’ Nang akmang papangalan  na niya ang tauhang ito, saktong nakarinig siya sa labas ng library ng kanta ng novelty singer na si Yoyoy Villame – ang popular na awitin nitong ‘Butchikik.’ Kaya hayun, naging Butsiki bigla ang pangalan ng bidang baboy. Noon din ay gumawa siya ng kuwento on-the-spot sa harap ng mga bata.

Ang isang eksena sa libro na nakaaliw sa akin ay nang isuplong at hatulan si Butsiki ng Punong Baboy dahil sa kanyang kampanya sa komunidad na panatilihing malinis ang kapaligiran. Siyempre pa, hindi ito nagustuhan ng mga daga, ipis, langaw, lamok at iba pang insekto. Isinuplong nila si Butsiki sa Punong Baboy na sa sobrang galit ay napahiyaw nang ‘Walang himala! Baboy tayo! Dapat nating ikarangal ang pagiging salaula!’

Lalo nang nakuha ni Rene ang aking loob nang dumating ang puntong nilitson si Butsiki sa kuwento at nang mabusog na ang mga taong kumain ng litson, naramdaman ni Butsiki na gumaan ang kanyang pakiramdam (may kaluluwa pala siya!) at unti-unting tumaas ang kanyang kaluluwa paakyat ng langit. At habang paakyat ang kaluluwa niya sa langit ay maririnig ang isang nakatutuwanng chant mula sa mga anghel:

“Walang silbi ang baboy na di naging litson/

- Advertisement -

Walang halaga ang baboy na di naging sitsaron/

Ipahayag sa lahat – si Santa Butsiki/

Ang unang baboy na patron.”

Pagkatapos ng chant ay sinalubong ang kaluluwa ni Butsiki ng tunog ng watusi at mga bulaklak ng calachuchi! “O, di ba, what can be more Pinoy than watusi and calachuchi?” komento ng isang kaibigang natuwa sa kuwento.

Nang magpapirma ako ng kopya ng aklat niyang ito, ganito ang nabasa ko sa kaniyang isinulat na dedication para sa akin: “Patnubayan nawa ni Butsiki ang ating mga kababayan!” Aba, may pagka-nationalistic pa! Pero nang lumisan na si Rene, at muli kong nabuklat ang aklat, natunghayan ko ulit ang kanyang isinulat na dedication. Dito na ako napahagalpak ng tawa! “Patnubayan nawa ni Butsiki ang ating mga kababuyan.” Ito pala ang nakasulat — ‘kababuyan’ at hindi ‘kababayan’ ang nakasulat sa dedication. Sadyang may kakaiba siyang humor!

Bago pa ang kuwentong pambatang ito, nakapaglathala na si Rene ng ilang aklat pambata sa Adarna House. Ikinuwento niya na noong dakong 1977 ay tinipon sila ni National Artist Virgilio Almario (na noo’y bahagi pa ng Nutrition Council of the Philippines) sa isang workshop sa Lake Caliraya, Laguna upang lumikha ng mga kuwentong pambata na ilalathala ng naturang ahensiya. Dito nasulat ni Rene ang ‘Si Emang Engkantada at ang Tatlong Haragan’ na hanggang ngayon ay inilalathala pa rin ng Adarna House. Kuwento nga ni G. Almario, sobrang kinulit daw siya ni Rene na maipabasa sa kanya ang kuwentong ito at talagang nais nitong makuha agad ang kanyang komento o palagay sa nasulat na kuwento. Ito na pala ang pasimula ng pagbababad ni Rene sa daigdig ng kuwentong pambata.

- Advertisement -

Natatandaan ko pang sinabi sa akin ni Rene na kung may maituturing siyang literary father, ito ay walang iba kundi si G. Virgilio Almario, ang ating Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, na isa ring haligi ng panitikang pambata sa bansa at tagapagtatag ng kauna-unahang publishing house na naglalathala ng aklat pambata – ang Adarna House.

Salamat sa ipinakitang interes ni Rene O. Villanueva sa panitikang pambata. Hinawan niya ang daan para sa amin na makapaglathala rin ng aklat pambata.

Rene, nasa alaala ka namin palagi. Siyanga pala, kumusta si Butsiki diyan sa langit?

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -