SA gitna ng pagdiriwang ng Labor Day, muling iginiit ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang Revised Magna Carta for Public School Teachers (Senate Bill No. 2493) upang itaguyod ang kapakanan ng mga guro.
Layon ng naturang panukala na amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) na isinabatas 57 taon na ang nakalilipas. Kabilang sa mga isinusulong ng panukalang batas ang pagbibigay ng calamity leave, educational benefits, at longevity pay sa mga guro. Nakasaad din dito ang mga kondisyon sa pagbibigay ng special hardship allowance, pinaigting na criteria sa sahod, at proteksyon sa mga guro mula sa out-of-pocket expenses o dagdag gastos.
Nakasaad din sa panukalang batas na kung anong sahod, benepisyo, at mga kondisyon sa trabaho na nakukuha ng entry-level teachers ay makukuha din ng probationary teachers.
“Alalahanin natin ang dedikasyon sa trabaho ng ating mga guro. Sila ang humuhubog sa galing at kakayahan ng ating mga mag-aaral kaya itaguyod natin ang mas mataas na sahod at mas maayos na kabuhayan para sa kanila. Tiyakin din natin na nasa mabuti silang kalagayan upang ipagpatuloy ang hindi mapapantayan nilang sakripisyo,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Nakasaad din sa panukalang batas na babawasan ang oras ng pagtuturo sa apat na oras mula anim. Gayunpaman, maaaring magtrabaho ang mga guro nang hanggang walong oras kung kinakailangan. Para sa mga maglalaan ng karagdagang oras sa trabaho, kailangang matanggap nila ang katumbas ng kanilang regular na sahod at karagdagang 25% ng kanilang basic pay. Pahihintulutan din ng panukalang batas ang pansamantalang pag-hire ng mga substitute teacher kung naka-leave ang isang regular na guro.
Ipagbabawal rin ng panukalang batas ang pagbibigay ng mga non-teaching task sa mga guro. Matatandaang batay sa isang ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), patuloy na isinasagawa ng mga guro sa pampublikong paaralan ang karagdagang 50 non-teaching o administrative tasks.