26.8 C
Manila
Martes, Nobyembre 26, 2024

Hila ni Bongbong ang China sa bingit ng giyera  

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

“BAKIT kailangang sakupin ng China ang Pilipinas? Sakit lang ng ulo yan,* reklamo ni Herman Tiu Laurel, Presidente ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI). Reaksyon iyun ng ginoo sa aking paghayag ng ideya na kailangang sakupin ng China ang Pilipinas bilang kondisyon sa pag-unlad ng bansa.

Tiyak, radikal ang ideya, katutol-tutol, at maaari mo pang sabihin na kataksilan.

Subalit matibay kong paninindigan na mandato ng historikong materyalismo na oras na ang isang sistemang panlipunan ay naging isa nang institusyon sa isang panig ng mundo, ang lumang sistemang panlipunan sa paikot ng daigdig ay basta na lamang sumasangkap dito sa bagong kaayusan.

Bilang namumunong sosyalistang bansa, di dapat hintayin pa ng China ang mga di maunlad na bansa na siyang mangagsipagsangkap sa mga sarili sa kanyang  sosyalistang kaayusan, bagkus dapat niyang inilalatag ang tanghalan upang ang mga bansang hikahos sa kaunlaran ay maging di makatkat na bahagi ng sosyalismong Chino. Ang ganito bang pagsangkap ng Pilipinas sa sosyalismong Chino ay mapabibilis ng aktwal na pananakop. Kung oo, bakit ang hindi?

Mantakin mo, ang kaunlarang pinamuhunanan ng China ng deka-dekadang hirap at sakit at sakripisyo ng libu-libong buhay Chino ay ipatatamasa sa Pilipino nang ganun kagaan.


Pag sinuswerte ka nga naman.

At ito ay hindi pangangarap lamang. Ang pag-gaan ng trapiko sa kamaynilaan dulot ng dalawang karagdagang mga tulay sa Ilog Pasig na itinayo ng China sa sariling gastos na $5 milyon (isa sa Intramuros-Escolta sa Maynila, isa sa Pantaleon-Estrella sa Pasig); ang proyektong Laiban Dam para sa suplay ng tubig upang ibsan ang pagsasalat dito ng buong Kamaynilaan; ang donasyon ng ospital na may laking 10,000 kama para sa rehabilitasyon ng mga nalulong sa bawal na gamot; ang irigasyon sa Cagayan Valley; ang donasyong 2.5 milyong doses ng Sinovac, pinakamalaking natanggap ng Pilipinas sa kasagsagan ng pananalasa ng Covid-19; at ang walang humpay na tulong pangkabuhayan sa mga panahon ng kalamidad. Lahat nang ito ay kaloob ng China sa Pilipinas gratis et amore – pasilip sa kung ano ang maluwalhating buhay na hinaharap ng mga Pilipino sa pagyakap sa sodyalistang kaayusan ng China.

Malungkot nga lang na may kanya-kanyang katangian ang mga bansa na hindi iibiging labagin ng China. Sa bagay na ito, napakamatuwid ng China. Hinding-hindi niya magagawa ang makialam sa panloob na pamumuhay ng Pilipinas.

Ayon kay Ginoong Laurel, magsosyalista ka sa sariling sikap. Ibig kong maaray. Napakatayog ng atas. E, bigong-bigo na nga ang insurhensiya ng

- Advertisement -

Communist Party of the Philippines/New People’s Army/National Demicratic Front (CPP/NPA/NDF). Para mag-sosyalismo ang Pilipinas sa kanyang sariling sikap, iaatras mo ang gulong ng kasaysayan ng isang siglo.

Sa kaso ko, matagal ko nang isinuko ang armadong pakikibaka para sa pagpapalaya ng proletaryo. Ayoko na ring tumaya sa parlamentaryong laban, ganyang kitang-kitang walang pulitiko sa Pilipinas ang may puso para sa sambayanan, lahat puro sa kurakot at pansariling pagpapayaman.

Sa nakikita ko, ang mga sanggol ng First Quarter Storm ay nangangailangang burahin sa isipan ang lahat ng ilusyon na matatamo pa ng Pilipinas ang sosyalismo sa sariling sikap kung nais  din lang naman nilang makita na ang mga pangarap ng kabataan ay nagkakatotoo sa papalubog nang araw ng kanilang mga buhay.

Mararahas na hakbang ang kakailanganin. Kung hindi, ihanda ang ating mga sarili na tanggapin ang hindi maiiwasan: mga bigong pangarap sa dulo ng buong buhay na paglalakbay.

Hindi, ayoko pang sumuko. Buhay pa ako at sumisipa. At bagamat umuuga na ang aking mga tuhod at balakang, malatubig-kristal pa rin ang aking isip, at mantakin ninyo, kaya pa nitong gumawa ng milagro.

Sabi ni Lenin, “What’s to be done?”

- Advertisement -

Pagpasyahan kung ano ang tunay na nagaganap sa kalupaan ng pulitika. Doon susulpot ang hinihinging aksyon.

Pansinin na oras na maluklok sa Malakanyang, umarangkada na si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pakikipag-ugnayan sa mga higanti sa pananalapi ng Amerika at ng Europa. Di naglaon, nakitaan na siya ng pakikipagsira sa dating ipinagpapalagay na kaibigang China.

Ibabaw na sa pakikipagsirang ito ay ang pagkakaloob ni Bongbong ng apat pang karagdagang baseng EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement) sa Amerika. Hindi maitago ang galit ng China rito. Ang tatlo sa apat (dalawa sa Cagayan at isa sa Isabela) ay lantaran nang nakaumang sa Mainland China at ang isa sa Palawan ay puntirya naman ang mga abanteng base militar ng China sa South China Sea.

Sa tingin, itong dagdag baseng EDCA ang panimula ng pagpihit ng ugnayang Chino-Pilipino papuntang digmaan. Subalit pansinin na sa kanyang inaugural speech, pinakadiniinan na ni Bongbong ang agawan ng teritoryo ng Pilipinas at China sa Soutth China Sea.

“Hindi ko ipamimigay ang kahit isang pulgada kwadrado ng teritoryo ng Republika ng Pilipinas,” pahayag ni Bongbong.

Naulit ang ganung pahayag sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA), at paulit-ulit pa rin sa mga pakikipagpanayam sa media sa maraming pagkakataon.

Ibig sabihin, mula’t sapul ay tumbok na sa utak ni Bongbong ang pakikipag-away sa China kaugnay ng agawan sa teritoryo sa South China Sea.

“Sinasabi nila, amin ito. E, atin naman talaga iyun,” matigas na sagot ni Bongbong sa tanong ng ilang reporter sa isang panayam.

At sa pagsahol ng maraming muntik na pagbabanggaan ng mga barko ng China Coast Guard (CCG) at Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay ng mga resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal at sa mga mangingisdang Pilipino sa Scarbborough Shoal, mabubuo ang larawang matagal na palang iginuguhit ni Bongbong sa kanyang utak: ganyakin ang China na digmain ang Pilipinas. Sa kada insidente ng laser beaming o pambobomba ng CCG ng tubig sa mga barko ng PCG, mapupuna ang pag-angat naman ng mapandigmang responde ni Bongbong. Sa pinakahuling insidente na nagkalasug-lasog ang barko ng PCG at malubhang nasugatan ang mga trpulante nito, ang naging tugon ni Bongbong ay ang matigas na tagubilin na “gawin ang nararapat“ upang ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas.”

(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -