PINANGUNAHAN ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang pamamahagi sa buong bansa ng mahigit P4 bilyong emergency employment at tulong-pangkabuhayan sa 700,000 manggagawa sa impormal na ekonomiya noong Mayo 1, Araw ng Paggawa.
Sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (Tupad), 673,480 manggagawa ang nabigyan ng pansamantalang trabaho at tumanggap ng mahigit P3.377 bilyon kabuuang sahod.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang 200 decommissioned combatants ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) mula sa iba’t ibang munisipalidad sa Basilan. Nagtrabaho sila ng 30 araw at tumanggap ang bawat isa ng sahod na nagkakahalaga ng P10,080. Binigyan din sila ng personal protective equipment at micro-insurance sa kanilang pansamantalang trabaho.
Ang tulong ay bahagi ng inisyatiba upang palakasin ang intergovernmental labor relations sa pagitan ng DoLE at ng Ministry of Labor and Employment ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Samantala, 35,598 benepisyaryo ang nakatanggap ng mahigit P706 milyon tulong-pangkabuhayan sa ilalim ng DoLE Integrated Livelihood Program o Kabuhayan Program.
Sa pamamagitan ng programa, ang mga benepisyaryo na gustong magsimula, palakasin, o magsimulang muli ang kanilang kabuhayan ay bibigyan ng kapital tulad ng materyales, kagamitan, kasangkapan, at pasilidad na kanilang kakailanganin. Binigyan din sila ng personal protective equipment, micro-insurance, seminar para sa basic occupational safety and health at emergency first-aid, at pagsasanay sa produktubidad at pagnenegosyo para matiyak na mapapanatili nila ang kanilang pangkabuhayan.
Ang pamamahagi ng sahod mula sa Tupad at tulong-pangkabuhayan sa buong bansa ay bahagi ng pagdiriwang ngayong taon sa Araw ng Paggawa bilang pagkilala sa kontribusyon sa ekonomiya ng mga manggagawa sa impormal na sektor at ang kahalagahan sa pagpapalakas ng kanilang kakayahan sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad tulad ng pansamantalang trabaho o negosyo. aldm/gmea