INILUNSAD kamakailan ng PLGU ang “Wifi ti Umili” Project sa lalawigan upang mabigyan ng libre at mas mabilis na internet connection ang mga barangay sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Planning and Development Officer Engineer Edgardo Sabado, ang mahigit P24 million na proyekto ay naglalayong makapagbigay ng mabilis na internet connection sa unang 101 na barangay na may mahina at halos walang internet connection sa lalawigan at maisali ang mga mamamayan sa mundo ng World Wide Web.
Ayon pa sa kanya, inaasahang mag-uumpisa ang ‘WiFi ti Umili’ project sa Hulyo ngayong taon, at magiging libre ito sa dalawang taon.
Ang bilang ng mga beneficiary barangays ng proyekto ay tataas sa 152 sa full operation ng nasabing proyekto lalo na sa mga bulubunduking bayan.
Kasama ng PLGU sa implementasyon ng ‘WiFi ti Umili Project’ ang DENR-MGB at OceanaGold Philippines, Inc. .
Dagdag ni Sabado na magbibigay ng dagdag na pagyabong sa mga ekonomiya ng mga barangay ang ‘WiFi ti Umili’ Project dahil sa pag-usbong ng mga karagdagang trabaho, negosyo at pagpapataas ng antas sa kaalaman at edukasyon ng mga kabataan. (BME/PIA NVizcaya)