31.5 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

DoLE suportadong maging ‘Human Resource Capital’ ang lungsod ng San Jose Del Monte

- Advertisement -
- Advertisement -

SUPORTADO ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang pagsusulong sa lungsod ng San Jose Del Monte bilang Human Resource Capital ng bansa.

Pinangunahan ni Department of Labor and Employment Provincial Director May Lynn Gozun (pang-lima mula kanan) ang pagbubukas ng Labor Day 2024 Mega Jobs Fair sa SM City San Jose Del Monte. Minarapat ng ahensiya na dito ganapin ang naturang aktibidad ngayon bilang suporta sa pagsusulong sa lungsod na maging “Human Resource Capital” ng bansa. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Patunay dito ang pagdaraos ng Labor Day 2024 Mega Jobs Fair sa SM City San Jose Del Monte na nagbukas ng nasa 7,034 mga bagong trabaho.

Ayon kay DoLE Provincial Director May Lynn Gozun, malaking tulong para sa mga manggagawa kung magiging ganap ang titulong “Human Resource Capital” ng lungsod dahil mailalagay ito sa ‘radar screen’ ng mga negosyante at magkakaroon ng karagdagang oportunidad sa trabaho ang mga taga rito.

Naipasa na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 1509 na nagdedeklara na maging isang Human Resource Capital ang San Jose Del Monte. Iniakda ito ni San Jose Del Monte City Lone District Representative Florida Robes at kasalukuyan nang umuusad sa Senado.

Ayon kay Public Employment Service Office (PESO) Manager Perfecto Jaime Tagalog, pangunahing haligi at saligan ng pagiging isang “Human Resource Capital” ang pagtatamo ng 10) porsyentong employability ng mga taga-San Jose Del Monte na sumailalim sa iba’t ibang training for work ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda).

Patunay dito ang paggawad sa PESO San Jose Del Monte ng 2023 Kabalikat Award mula sa Tesda para sa epektibo nitong pagpapatupad ng mga programa ng Tesda upang sanayin at maipasok sa trabaho ang kanilang mga benepisyaryo.

Ginawaran rin ng Civil Service Commission noong 2023 ang PESO ng lungsod ng Pag-Asa Regional Award dahil sa mahusay na pagtugon na mailapit sa karaniwang mga mamamayan ang bawat programang pantrabaho gaya ng jobs fair, ronda trabaho, pre-employment orientation seminar, at special recruitment activity.

Ang San Jose Del Monte ay tahanan ng halos 700 libong mga Bulakenyo at maging ng mga taga Metro Manila. Kasama na rito ang 70 libong manggagawang lalaki at nasa 80 libong babaeng manggagawa na naninirahan sa 40 relocation sites at mahigit 150 residential subdivisions sa lungsod.

Kaugnay nito, iniulat din ni Gozun na may halagang P36 milyon ng iba’t ibang livelihood packages sa ilalim ng DoLE Integrated Livelihood Program ang ibababa sa Bulacan.

Iba pa rito ang pagpapasahod sa 40 kabataan na naging benepisyaryo ng Government Internship Program.

Samantala, 22 mga indibidwal na lumahok sa isa pang Jobs Fair ng Bulacan PESO sa SM City Marilao ang naging HOTS o Hired On The Spot. Kabilang sila sa 3,614 na mga inialok na lokal na trabaho ng 41 na mga employers. (MJSC/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -