INIHAIN nitong Lunes ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla ang resolusyon na nananawagan ng Constitutional Convention para amyendahan ang ilang probisyon ng 1987 Constitution, para pawiin ang takot na ito ay para sa kapakanan ng iilan lamang.
Sa Resolution of Both Houses 8, iginiit ni Padilla – na tagapangulo ng Senate committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes – na ang Con-Con ay “participatory and democratic” na paraan para rebisahin ang Saligang Batas.
“To dispel any doubt that a proposed revision to the 1987 Constitution would only advance the interests of a few, a Constitutional Convention is deemed to be the more appropriate mode of doing said revision,” aniya.
Sa resolusyon ni Padilla, ang Senado at Kamara ay susulong ng Con-Con sa pamamagitan ng 2/3 boto. Magkahiwalay na boboto ang dalawang kapulungan.
Nanawagan din ang resolusyon sa Kongreso na gumawa ng “enabling legislation that will embody all details relative to the convening of the Constitutional Convention.”
Ani Padilla, ang rebisyon ng Saligang Batas sa Constitutional Convention ay “participatory” dahil ang mga delegado ay halal ng taumbayan – at ito ay magiging “diverse and representative.”
Ipinunto ni Padilla ang position paper ng faculty ng University of the Philippines Department of Political Science na naeenganyo ng Con-Con ang partisipasyon at “diversity of views.”
Dagdag niya, pati ang Institute for Political and Electoral Reform (IPER) ay nagbanggit na ang myembro ng Con-Con ay magiging “more focused” at ang proseso ay magiging “democratic, transparent, and deliberative.”
Nitong nakaraang linggo, idiniin ni Padilla na magpapatulong siya sa dating kalihim Romulo Neri (NEDA) at Margarito Teves (DOF) para ibaba ang gastos ng pagsagawa ng Con-Con.