25.9 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Kahalagahan ng pag-alala sa kasaysayan, binigyang-diin sa pagdiriwang ng kaarawan ni Leona Florentino

- Advertisement -
- Advertisement -

LUNGSOD NG VIGAN, Ilocos Sur – Binigyang-diin ni Gobernador Jeremias Singson ang kahalagahan ng pag-alala sa mga bayani at prominenteng personalidad na mahalaga ang naging papel sa kasaysayan ng lungsod ng Vigan at ng buong probinsya sa ginanap na seremonya sa pagdiriwang ng kaarawan ng Leona Florentino, Ina ng Panitikan sa Pilipinas.

Ginanap ang pagdiriwang nitong ika-21 ng Abril sa monumento ni Florentino sa Calle Crisologo rito sa lungsod kung saan nag-alay ng mga bulaklak ang mga miyembro ng GUMIL Filipinas o Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas ken Ballasiw-Taaw sa monumento bilang pagpupugay sa kanyang mga obra at kontribusyon sa panitikan at kultura ng bansa.

Pagbibigay mensahe ni Gobernador Jeremias Singson noong ika-21 ng Abril 2024. (Litrato mula sa lokal na pamahalaan ng Ilocos Sur sa pamamagitan ng Facebook)

Ani Gob. Singson, “Huwag nating hayaan na mawala ang kasaysayan ng ating mga bayani, lider, at mga prominenteng personalidad sa lungsod ng Vigan at sa lalawigan ng Ilocos Sur at ng buong Pilipinas, sapagkat sila ang humubog ng ating kinabukasan. Magpasalamat tayo sa kanila at alalahanin natin sila sa pamamagitan ng pagsusulat. Alalahanin at igalang natin sila lalo na rito sa lungsod ng Vigan.”

Dagdag ni Singson, makakaasa ang GUMIL Filipinas sa suporta ng lokal na pamahalaan sa kanilang mga programa at aktibidad lalong-lalo na sa pagpapahalaga ng kasaysayan ng probinsya kabilang ang pagpapatayo ng lokal na pamahalaan ng monumento ni Pedro Bucaneg, ang Ama ng Panitikang Ilokano, sa Bantay, Ilocos Sur.

Isa sa mga kaganapan sa pagdiriwang ang pagbasa ng ilang akda ni Florentino, kabilang ang “Iti Kaayan-ayat a Pimmanaw (Ang Kasintahang Lumisan)” na binasa ni Elizabeth Madarang-Raquel, 2009 Leona Florentino Awardee, at “Iti Pannangipeksa iti Pangngarig (Ang Pagpapahayag ng Parabula)” na isinalaysay ni Dr. Virginia Duldula, 2016 Leona Florentino Awardee.

Taon-taon ay kinikilala ng GUMIL Filipinas ang mga babaeng manunulat (Leona Florentino Award) at lalaking manunulat (Pedro Bucaneg Award) sa bansa sa larangan ng literatura Ilokana.

Ilan sa mga kilalang obra ni Florentino ay “Panagpakada” (Ang Pagpapaalam), “As-asug Ti Maysa A Napaay” (Mga Hinanakit ng Isang Nabigo), at “Nalpay a Namnama” (Bigong Pag-asa).

Ipinanganak si Florentino noong Abril 19, 1849, sa lungsod ng Vigan kung saan siya ay natuto at nahasa sa pagsusulat ng mga tula sa iba’t ibang lenggwahe kabilang na ang Espanyol.

Siya ang ina ni Isabelo delos Reyes, naging senador at sibik lider ng bansa at nagtatag ng Philippine Independent Church at kilala bilang Ama ng Kilusang Paggawa sa Pilipinas.

Pumanaw si Florentino noong Oktubre 4, 1884, sa edad na 35. (JCR/AMB/JMCQ/CBA, PIA Ilocos Sur)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -