ITINUTULAK ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasabatas ng paglalaan ng mga bangko ng 10 porsiyento ng kanilang loan portfolio para sa mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) para makatulong na mapanatili ang operasyon ng mga maliliit na negosyo sa bansa.
Sa kanyang isinumiteng Senate Bill No. 2632, nais ni Estrada na atasan ang lahat ng mga lending institutions na maglaan ng hindi bababa sa 10 porsiyento ng kanilang kabuuang loan portfolio para sa mga MSMEs. Maituturing lamang ang pagtalima sa kautusang ito kung ang mga pautang ay talagang naibigay sa mga kwalipikadong kumpanya.
Aniya, ang hakbang na ito ay magsisiguro ng access para sa mga MSMEs sa kinakailangan nilang financial support, na siyang pinakamalaking balakid sa pagpapalago ng kanilang negosyo.
Sa ilalim ng probisyon ng RA 6977 o ang Magna Carta for MSMEs, inaatasan ang mga bangko na maglaan ng 8 porsiyento ng kanilang loan portfolio para sa mga micro and small enterprises at 2 porsiyento para sa medium enterprises sa loob ng 10 taon. Ang nasabing 10-year mandatory period ay nakasaad sa RA 9501, ang batas na nag-amyenda sa RA 6977, na ipinatupad noong Mayo 23, 2008.
“Ang pagkakaroon ng access sa mga pautang ang madalas na problemang hinaharap ng mga MSME kaya’t nahihirapan silang mapanatili at mapalago ang kanilang mga negosyo. Noong Disyembre 2023, ang pagsunod sa itinakdang alokasyon ng loan portfolio para sa micro and small enterprises ay umabot lamang sa P200.7 bilyon o 1.93 porsiyento. Samantalang ang sa medium enterprises naman ay nasa P301.4 bilyon o 2.9 porsiyento lang,” sabi ni Estrada.
Sa discussion paper ng University of the Philippines Center for Integrative and Development Studies, natalakay dito ang iba’t ibang paraan ng pag-iwas ng mga bangko sa pagsunod sa itinakdang porsiyento ng dapat na pautang para sa mga MSMEs. Napag-alaman na karamihan ng pondo na para sa mga SMEs ay napupunta sa mga malalaking kumpanya na nagpapanggap na medium-sized. May iba naman idinideposito ang kinakailangang halaga sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa halip na magpautang sa SMEs at pinipiling magbayad na lang ng multa. At may iba na pinipiling mag invest sa preferred stocks na inisyu ng Small Business Corp. (SBC) bilang alternatibong paraan para suportahan ang MSMEs.
“Ang mga MSMEs ay bumubuo ng 99.59 porsiyento ng mahigit isang milyong negosyo sa bansa. Sila ang bumubuhay ng ekonomiya natin at nagbibigay ng trabaho sa 65.1 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga manggagawa natin. Nararapat lamang na mabigyan sila ng sapat na suporta sa ilalim ng mga umiiral nating mga batas upang lumago at dumami pa sila. Kung madadagdagan ang bilang ng mga namumuhunan at nagnenegosyo nating mga kababayan, tataas din ang bilang ng mga may trabahong Pilipino,” sabi ni Estrada.