MALIWANAG pa sa sikat ng araw, ito ang mangyayari sa ating bansa oras na pumutok na ang giyera na noon pang 2014 ay plinano nang pasabugin ng Estados Unidos sa Pilipinas. Sa nasabing taon, plinano ng Amerika ang giyera sa Ukraine. Nagkatotoo. Sa taon ding iyun, plinano ng Amerika ang giyera ng Israel kontra Hamas. Nagkatotoo. Ang kaalinsabay na plano na ginawa sa Pilipinas ng Amerika ay kung ano ang nakapaloob sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nakuha ng Estados Unidos (US) sa administrasyong Benigno Aquino 3rd noon ding 2014. Sa ilalim ng kasunduan, ipinagkaloob sa US ang limang base militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) upang pagdeployan ng mga tropang Amerikano at mga kagamitang pandigma na walang limit ang bilang at hindi maaaring inspeksiyunin ng mga awtoridad ng Pilipinas. Pagpasok ng 2023, ang limang baseng EDCA ay dinagdagan ni Bongbong ng apat pa, na talaga namang nagpakulo na nang husto sa tensyon sa South China Sea. Hindi maitago ng China ang nag-aalimpuyong galit.
“Huwag kang patuta sa Amerika,” babala sa Pilipinas ng Ministeryong Panlabas ng China.
Bagama’t nakasaad sa kasunduan na hindi pwedeng magdeploy sa mga baseng EDCA ng mga sandatang nukleyar, walang paraan ang mga awtoridad na Pilipino upang tiyakin na ito ay masusunod dahil nga probisyon ng EDCA na ang ganung mga pagdeploy ng Amerika ay hindi maaaring inspeksyunin ng mga awtoridad na Pilipino. Batay sa dalawahang (pataksil) na mukha ng Amerikano sa pandaigdigang pulitika, maaaring asahan na sa mga baseng EDCA ay naroroon na at nakadeploy ang mga sandatang nukleyar, handang ilunsad anumang oras na kailangan.
At, sa tanggapin natin o hindi, iyan ang kinalalagyan ngayon ng Pilipinas sa harap ng mga pagsiklab ng digmaan sa palibot ng mundo na plinano ng Amerika noon pang 2014.
Nagkatotoo ang giyera sa Ukraine. Nagkatotoo ang giyera sa Palestine na pagkaraan lamang ng maiksing panahon ay lumaganap na sa buong Gitnang Silangan. Pasasaan ba’t ayon sa plano, sasabog at sasabog ang giyerang plinano din naman na pag-apuyin sa karagatan ng South China Sea.
Maliwanag ang senyales na ipinakikita ng pagdagsaan sa rehiyon ng South China Sea ng libu-libong tropa’t mga barkong pandigma ng Amerika at mga kaalyado nitong Australia at Japan. Kasama ng mga tropa’t barkong pandigma rin ng Pilipinas, kasalukuyan silang nagsasagawa ng mga ehersisyong pandigma na kung turingan ay Balikatan. Sa ordinaryong turing, ang Balikatan ay tulungan sa pagharap sa mga pinsalang dulot ng kalikasan katulad ng bagyo. Subalit sa isang kilos na nagpapakita sa kagalingan sa pakikipagdigma, ang socio-civic na kahulugan ng Balikatan ay totoong wala sa lugar. Kaya ganun na lang ang pagbatikos na ibinato ng Ministeryong Panlabas ng China. Ayon sa Tagapagsalita ng ministeryo, nagpapataas ang mga ehersisyo sa tensyon na naroroon na sa South China Sea. Kasabay ng batikos, nagsagawa rin ang China ng sariling ehersisyong pandigma, maliwanag na tinatapatan ang gawa ng US at mga kaalyado.
Kung batay sa mga sirkumstansya ng pagkabuo ng planong giyera sa South China Sea, ito ay kabahagi ng pandaigdigang disenyo ng US, ang pagsabog ng mga digmaan sa Ukraine at sa Palestine ay palatandaan na sa Pilipinas man, ang pagputok ng iginuhit na digmaan ay sa isang kisap mata malagim nang katotohanan.
Totoong nakapangingilabot ang mga salitang binitiwan ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na aniya’y binigyan niya ng tagubilin ang sandatahang lakas na ipatupad na ang Mutual Defense Treaty (MDT) oras na may isang sundalong Pilipino ang namatay sa mga panggigipit diumano na ginagawa ng China Coast Guard (CCG) sa mga resupply mission ng Philippine Coast Guard (PCG) sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Ang pahayag ng pangulo ay reaksyon sa pinakahuling pambobomba ng tubig ng CCG sa barkong kahoy ng Pilipinas na nagdadala ng orobisyon sa Sierra Madre. Nagkalasug-lasog na ang barko, nasugatan pa ang mga tripulante sa tama ng mga nabasag na salamin. Ang isa ay nangailangan ng labintatlong tahi sa sugat sa ilalim ng mata.
Mauunawaan ang ganung banta ni Bongbong. Presidente ka, ang tropa mo ay nasugatan na ng kaaway, di ka pa gagawa ng hakbang. Aba, e, mahinang lider ka nga ayon kay dating pangulo Rodrigo Duterte.
Lahat ng katwiran ay na kay Bongbong sa ganung pahayag ng kahandaang makipagdigma sa ngalan ng depensa ng teritoryo at soberanya. Ang nakapagpangingilabot dito ay parang kumbaga sa iskrip ng pelikula, nakaguhit na ang mangyayari. Sa patuloy na pagpapatupad ng China ng kanyang mga batas pangkaragatan (na sa sariling pangangatwiran ay isang bagay na ligal) ay may isang tauhang Pilipino, militar man o sibilyan, ang masawi, putukan nang umaatikabo ang magaganap. Ang Balikatan ng Pilipinas at kaalyado nitong Amerika, Australia, at Japan ay agad hahaluan pa ng mga barkong pandigma rin ng United Kingdom, Germany, Canada at South Korea – at ang South China Sea ay magmumukhang kagilagilalas na kumukulong kaldero na libo ang mas inilaki sa isang pelikula kong pinamagatang Apoy sa Karagatan. Bakit ba ang hindi, e, siyempre hindi patatalo ang China. Bukod sa kanyang mga naglalakihan ding mga barkong pandigma at libong mga tropa ay ang kanya-kanyang mga ganun ding mga sundalo’t kagamitan ng mga kaalyado namang Russo, Hilagang Koreano, Iranian, at kung sinu-sino pa upang mangagsipagtulungan sa pagpapakulo sa kalderong tutunaw sa Pilipinas.
Diyos na mahabagin.
Isipin mo ang kinahantungan ng Ukraine. Durog-durog ang mga inpraistruktura, libu-libong buhay ang nautas.
Ganun din ang kalulunos na kinasadlakan ng Palestina dulot ng walang hupang pambobomba ng Israel, walang pakundangan sa pagkitil sa buhay ng bata at matanda, ultimong mga bagong silang.
Saan pa dadamputin ang Pilipinas kung ganun ang mangyayari?
May karugtong sa Miyerkules