KATATAPOS lamang ng Ramadan nang dumating kami sa bayan ng Bongao sa Tawi-Tawi. Bandang alas-tres ng hapon ang aming flight mula sa Zamboanga International Airport. Matapos ang 45 minuto, nag-landing ang aming eroplano sa Sanga-Sanga Airport. Kitang-kita mula sa taas ang magandang Bud Bongao (o Mount Bongao), isang bundok na gawa sa mga limestones na katulad nang makikita sa mga bundok ng Palawan. Gaya nang inaasahan, sinalubong kami ng matinding sikat ng araw. Mula Maynila hanggang sa Tawi-tawi ay sadyang ramdam ang init ng panahon. Habang daan ay makikita na ang mga poster ng tarpaulin ng mga government officials na bumabati ng ‘Eid Mubarak’ sa lahat.
Naanyayahan ng pamunuan ng Mindanao State University-Tawi Tawi (MSU-Tawi-Tawi), sa pamumuno ni Chancellor Dr. Mary Joyce Guinto-Sali, ang Cultural Center of the Philippines (CCP) upang magsagawa ng halos isang linggong pagsasanay patungkol sa ‘Arts Education’ sa kanilang mga guro at estudyante. Nasa pinakadulong bahagi ng bansa sa gawing Mindanao ang lalawigang ito. Mas malapit pa nga ito sa Malaysia kaysa sa dakong Luzon. Upang makapunta rito, kakailanganin ang dalawang domestic flight mula sa Maynila: ang una’y patungong Zamboanga City, pagkatapos ay muling lilipat sa isa pang eroplanong patungo naman sa Tawi-Tawi.
Aaminin kong pati ako ay excited nang maanyayahan ako ng Arts Education Department ng CCP, na pinamamahalaan ni Eva Mari Salvador, na maging isa sa mga resource persons sa mga isasagawang workshops doon. Unang beses kong madadalaw ang lalawigang sa textbook ko lamang nakikita noong bata pa ako. Paano ako tatanggi? Naglaro agad sa isip ko ang mga imahe ng mga bahay na nakatayo sa tubig (‘yung tinatawag na mga ‘house on stilts’), seafoods, dalampasigan, pawikan, mga kababaihang nakasuot ng belo at ang kakaibang kulturang naghihintay sa akin. Salamat at naisakatuparan ang pinaplanong workshop sa Tawi-Tawi ngayong Abril. Malaki ang naging papel dito ni Altan Idilis Ishmael, isang guro at oceanographer at kasalukuyang nanunungkulan bilang Director ng Sama Studies Center sa naturang pamantasan.
‘Sama’ ang tawag sa mga taong naninirahan sa Tawi-Tawi. At depende sa kung saang isla sila nakatira, tinatawag ang mga residente na ‘Sama Simunul’ (taga-Simunul island) o ‘Sama Sibutu’ (taga-Sibuto island). Pero marami ring Tausug na naninirahan doon (karamihan sa mga Tausug ay nasa Jolo). May mga Badjao rin pero mas kakaunti sila kumpara sa mga Sama at Tausug. Madalas daw, ang mga lupang naipagkakaloob ng gobyerno sa mga Badjao ay ay naibebenta rin nito sa mga Sama at Tausug. Pero may isa pang grupo ng mga Muslim na naninirahan sa mga isla ng lalawigan – ang Jama Mapun tribe. “Nais kong mapuntahan ang isla kung saan matatagpuan ang grupong Jama Mapun,” banggit sa akin ng Maguindanaoan filmmaker at book author na si Teng Mangansakan na kabilang din sa mga naanyayahang resource persons ng CCP. “Gusto kong makapagsulat sila ng mga kuwento tungkol sa kanila, at sa mismong wika nila,” dagdag pa niya.
Sa kasaysayan, sinasabing ang Tawi-Tawi ang unang ‘seat’ ng Islam sa Pilipinas. Nangyari ito dahil ang Muslim missionary na si Sheik Karimul Makhdum ay nagpatayo ng unang mosque sa isla ng Simunul noong 1380 A.D. Ito raw ang pinakamatandang mosque sa Pilipinas at sa buong Timog-Silangang Asya. Tinatawag ding “land of peace” at “cradle ng Islamic civilization in the southernmost part of the Philippines” ang Tawi-Tawi. Ang pangalang Tawi-Tawi ay hango sa salitang Malay na ‘Jawi’ na ang nais sabihin ay malayo o nakabukod (isolated). Gaya nang nabanggit, ‘Sama’ ang tawag sa mga taong naninirahan dito. Ang nais ipakahulugan ng ‘sama’ ay ‘pagkakaisa at kapayapaan.’
Nais naming malaman ang katangian ng mga kababayan nating Sama at Tausug kung kaya’t nagkaroon kami ng isang talakayan sa mga guro at pre-service teachers ng MSU. Natuklasan namin ni Tracey Santiago, theater/cultural worker na siyang kapartner ko sa workshop na ito, ang maraming pagkakatulad sa dalawang Muslim groups na ito. Pareho silang family-oriented, peace-loving, masikap, at matapat. Isiningit din ng isang guro na ang karaniwan sa mga Tausug ay straightforward sa pagsasalita. Hindi sila magpapaligoy-ligoy pa upang puntuhin ang isang bagay. Ayon sa mga Sama ng Tawi-Tawi, isa ‘yun sa kanilang pagkakaiba.
Isang bagay rin ang nalaman ko na nagpalungkot sa akin. Ito ay nang banggitin ng isang guro na ang mga Badjao raw ay kadalasang hindi nag-aaral kahit libre ang public school system natin. Para raw sa mga kababayan nating Badjao, sapat na ang mabuhay sila sa araw-araw at makakain nang tatlong beses sa isang araw. Mas pinaiiral nila ang kanilang pagiging praktikal. Ipinakilala nila sa akin si Johnny, ang kauna-unahang Badjao na nagtapos ng kurso sa MSU-Tawi-Tawi at ngayon ay nagtuturo sa MSU. Sana’y magsilbing inspirasyon ang kuwento Johnny sa marami pang kabataang Badjao na makapagtapos ng kurso sa kolehiyo.
Kilala rin ang Tawi-Tawi sa kanilang mga seaweeds. Katunayan, maituturing na seaweed capital ito dahil sa dami ng seaweeds na inaani rito. Ito ang ikinabubuhay ng nakararaming mamamayan ng Tawi-Tawi. Ano ang meron sa seaweeds? Kinukuha ang sangkap nitong ‘carrageenan’, a gelling and stabilizing substance, at ginagamit ito sa mga dairy at meat products. Bukod sa pagtatanim at pagpapalago ng mga seaweeds, karamihan sa kanila ay mangingisda. Tuwing hapon, makikitang nakahilera ang mga nakatindang isdang bagong huli sa mga lansangan. Kahit doon sa bukana ng pamantasang MSU, kay raming isdang iniihaw. Marami ring cassava o kamoteng-kahoy na matatagpuan sa Tawi-Tawi. Ito raw minsan ang nagsisibing kahalili nila sa kanin.
Pamilyar tayo sa salitang ‘sama-sama’ o togetherness. Ito ang katangiang tinataglay ng mga mamamayan ng Sama sa tawi-Tawi. Hindi sila magdadalawang-isip na tumulong agad sa isa’t isa. Kilala sila sa kanilang kakayahan sa pagdaragat. Siyempre, kung naninirahan ka sa isang lalawigang napaliligiran ng dagat, marapat lang na mahusay tayo sa mga kasanayang pangdagat. “Ang Tawi-Tawi ay napapaligiran ng Celebes Sea sa isang panig at ng Sulu Sea sa kabilang panig,” paliwanag sa akin ni Neldy Jolo, professor of Social Sciences at Humanities sa MSU. “Bale dito sa Tawi-Tawi nagtatagpo ang Celebes Sea at Sulu Sea,” dagdag pa niya.