26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Pinag-usapan namin ang emosyon

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

(Salin mula sa Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)

NAGLAKAD ako lagpas sa mga puno ng laurel at Japanese maple, paakyat sa bughaw na hagdan ng bahay ni Morrie. Nakasabit ang puting alulod na parang takip sa itaas ng daanan papunta sa pinto.

Pinindot ko ang doorbell at binati ako hindi ni Connie kundi ng asawa ni Morrie, si Charlotte, isang magandang babaeng mayabuhing buhok at malambing na boses. Hindi siya madalas nasa bahay kapag dumadalaw ako — nagpatuloy siyang magtrabaho sa MIT, na siyang gusto ni Morrie — at nagulat ako ng umagang iyon nang nang makita ko siya.

“Medyo nahihirapan si Morrie ngayon,” sabi niya. Tumingin muna siya sa likuran ng aking balikat, at pagkatapos ay nagpunta na sa may kusina.

“I’m sorry po”, sabi ko.


“Hindi, hindi, masaya siya kapag nakikita ka niya,” mabilis niyang sinabi. “Sigurado akong . . .”

Huminto siya sa gitna ng kanyang pangungusap, ipinaling nang konti ang kanyang ulo, may pinakikinggan. Pagkatapos ay nagpatuloy ito: “Sigurado akong . . . bubuti ang lagay niya kapag nalaman niyang narito ka na.”

Itinaas ko ang mga bag mula sa palengke — ang dati kong  supply ng pagkain, sabi ko nang pabiro — at nakita kong ngumiti siya pero nag-alala rin nang sabay.

“Masyado nang maraming pagkain. Ni wala siyang kinain mula sa huli mo pang dinala.”

- Advertisement -

Nagulat ako.

“Wala po siyang kinain?” tanong ko.

Binuksan niya ang refrigerator at nakita ko ang mga pamilyar na lalagyan ng chicken salad, vermicelli, mga gulay, kalabasa, lahat ng mga pagkain na binili ko para kay Morrie. Binuksan niya ang freezer at mas marami pa ang naroon.

“Hindi na makakain ni Morrie ang karamihan sa mga pagkaing ito. Masyado na itong matigas para malunok niya. Kailangan na niyang kumain ng malalambot at uminom na lamang ngayon.”

“Pero wala naman po siyang sinabi,” sagot ko.

Ngumiti si Charlotte. “Ayaw niyang masaktan ang iyong damdamin.”

- Advertisement -

“Hindi naman masasaktan ang aking damdamin. Gusto ko lang makatulong sa kahit anong paraan. Ang ibig ko pong sabihin, gusto ko lang magdala ng maski ano . . .”

“May dinadala ka sa kanya. Inaabangan niya ang iyong pagbisita. Pinag-uusapan niya ang proyektong ginagawa ninyo, na kailangan niyang mag-concentrate at magtabi ng oras para rito. Palagay ko’y binibigyan siya nito ng magandang dahilan . . .”

At muli na naman siyang tumingin sa malayo, iyong tingin na parang may hinahanap mula sa kung saan. Alam ko na mas mahirap na ngayon ang mga gabi ni Morrie, at ang ibig sabihin nito’y hindi rin masyadong makatulog si Charlotte. Minsa’y magigising nangmatagal si Morrie para umubo — ganoon katagal bago maalis ang plema sa kanyang lalamunan. May mga nag-aalaga na sa kanya hanggang sa gabi, pati na rin mga bisitang dumarating sa araw, mga dating estudyante, kasamang mga propesor, mga guro sa meditasyon, papasok at palabas ng kanyang bahay. Sa isang araw, nagkakaroon si Morrie ng kalahating-dosenang mga bisita, at lahat sila’y naroon pa pagbalik ni Charlotte mula sa kanyang trabaho.

Pasensiyosa niyang pinakitunguhan ang lahat ng mga ito, kahit na ang mga mga bisitang ito’y kinukuha ang mga mahahalagang minuto ni Morrie.

“. . .magandang dahilan,” ipinagpatuloy niya. “Oo, makabubuti sa kanya ‘yan.”

“Sana nga po.”

Tumulong akong ilagay ang mga bagong pagkain sa loob ng refrigerator. Ang counter sa kusina’y may iba’t ibang mga notes, messages, impormasyon, medical instructions. Maraming mga bote ng gamot sa mesa — Selestone para sa kanyang asthma, Ativan para makatulong sa pagtulog niya, naproxen para sa sakit — kasama naang powdered milk mix at laxative. Mula sa ibaba ng bulwagan, narinig namin ang pagbukas ng pinto.

“Siguro’y puwede na siya ngayon . . . hayaan mo’t titingnan ko muna.”

Tumingin uli si Charlotte sa mga dinala kong pagkain at bigla akong nahiya. Ang lahat ng mga ito’y paalala ng mga bagay na hindi na puwedeng magbigay ng ligaya kay Morrie.

Lumalabas na ang mga maliliit pero nakakatakot na mga dala ng kanyang sakit, at nang sa wakas ay umupo na ako katabi ni Morrie, umuubo siya nang mas matagal kaysa dati, isang tuyong ubo na yumuyugyog sa kanyang dibdib at dahilan para bigla niyang maitaas ang kanyang ulo. Pagkatapos ng isang bayolenteng pagdalahit ng ubo, tumigil siya, ipinikit ang mga mata, at huminga nang malalim. Tahimik lang akong umupo at inisip ko na bumabawi lang siya sa kanyang mahirap na pag-ubo.

“Naka on na ba ang tape?” bigla niyang tinanong, nakapikit pa rin ang mga mata.

“Opo, opo,” mabilis kong sagot, sabay pintod sa buton ng play at record.

“Ang ginagawa ko ngayon,” pagpapatuloy niya, nakapikit pa rin ang mga mata, “ay inilalayo ko ang aking sarili sa karanasang ito.”

“Inilalayo ang iyong sarili?”

“Oo. Inilalayo ko ang aking sarili. At mahalaga ito — hindi para sa isang taong tulad ko, na nag-aagaw-buhay, kundi para sa isang taong tulad mo, na malusog. Dapat matuto kang lumayo.”

Binuksan niya ang kanyang mga mata. Naglabas siya ng hininga. “Alam mo ba ang sinasabi ng mga Buddhista? Huwag kang kumapit sa mga bagay, dahal wala namang bagay na nagtatagal.”

“Pero sandali,” sabi ko. “Hindi ba’t lagi mo na lang sinasabi na dapat nating maranasan ang buhay? Lahat ng magagandang emosyon, lahat ng mga masasama?”

“Oo.”

“Pero paano mangyayari ‘yan kapat malayo ka?”

“Ah. Nag-iisip ka, Mitch. Pero ang ibig sabihin ng paglayo ay hindi mo hinahayaan ang karanasan na pumasok sa iyo. Sa kabilang banda, hinahayaan mo itong pasukin ka nang buung-buo. Sa pamamagitan lang niyan mo ito maiiwanan.”

Hindi ko maintindihan.

“Pag-usapan natin ang anumang emosyon — pagmamahal sa isang babae, o kalungkutan dahil sa pagkawala ng isang mahal sa buhay, o tulad ng pinagdaraanan ko ngayon, takot at sakit dahil sa isang seryosong karamdaman. Kapag pinigilan mo ang mga emosyon — kapag hindi mo hinayaan ang iyong sarili na bumigay hanggang sa dulo — hindi mo matututunan ang lumayo, nakatutok ka na lang sa pagiging takot. Takot ka sa sakit, takot ka sa kalungkutan. Takot ka na masaktan na dala ng pagmamahal.

“Pero kapag ibinato mo ang iyong sarili sa mga emosyong ito, kapag sumisid ka rito, papasok, hanggang sa dulo, mararamdaman mo nang kumpleto. Malalaman mo kung ano ang pag-ibig. Malalaman mo kung ano ang sakit. At doon mo lamang masasabi, “Okay. Naramdaman ko na ang emosyong ‘yan. Ngayon kailangan ko nang ilayo ang emosyong ‘yan sa sandaling ito. . .”

Tumigil si Morrie at tumingin sa akin, para siguraduhing naiintidihan ko ang lahat ng ito.

“Alam kong iniisip mong tungkol lamang ito sa kamatayan,” sabi niya, “pero tulad ng sinasabi ko sa iyo. Kapag natutunan mo na kung paano mamatay, matutunan mo na rin kung paano mabuhay.”

Pinag-usapan ni Morrie ang kanyang mga kinatatakutan, nang maramdaman niyang nagsasara ang kanyang dibdib o kapag hindi niya sigurado kung saan manggagaling ang susunod niyang hininga. Nakakatakot ang mga panahong iyon, sabi ni Morrie, at ang una niyang naramdama’y takot at pag-aalala. Pero kapag nakilala na niya ang haplos ng mga emosyong ito, ang kanilang lamyos, pawis, ang lamig na dumaraan paibaba, ang mabilis na sirit ng init na tumatawid sa iyong utak — pagkatapos nito’y maaari na niyang sabihin, “Okay. Ito ang takot. Lumayo kayo rito. Lumayo kayo rito.”

Inisip ko na madalas ay kailangan ito sa pang-araw-araw na buhay. Kung paano tayo nakararamdam ng kalungkutan, minsan pa nga’y malapit na tayong maiyak, pero hindi natin hinahayaan ang mga luhang iyan na dumating dahil hindi tayonararapat umiyak. O kung paano nakararamdam tayo ng biglang simbuyo ng pagmamahal sa ating kasama sa buhay, pero hindi natin ito sinasabi dahil naninigas tayo sa takot kung ano ang maidadala ng mga salitang ito sa relasyong namamagitan.

Kabaligtaran ang ginawa ni Morrie. Binuksan niya ang faucet. Pinaliguan ang sarili ng emosyon. Hindi ka naman masasaktan nito. Makatutulong pa nga ito. Kapag hinayaan mo ang takot sa loob, kapag hinila mo ito na parang pamilyar na damit, pagkatapos ay maaari mo nang masabi sa iyong sarili, “Okay, takot lang ‘yan, hindi ko ito hahayaang kontrolin ako. Nakikita ko ito kung ano talaga ito.”

Ganiyan din sa kalungkutan: hahayaan mo lang ito, hahayaan mong tumulo ang luha, damhin mo ito nang buung-buo — pero sa bandang huli ay masasabi mong, “Okay, ‘yan ang aking sandali ng kalungktan. Hindi na ako natatakot maging malungkot, pero ngayon, itatabi ko muna ang kalungkutang iyan at aalamin na mayroon pang ibang mga emosyon sa mundong ito, at mararanasan ko rin ang mga ito.”

“Paglayo,” sabi muli ni Morrie.

Ipinikit niya ang mga mata, at pagkatapos ay umubo. At muli siyang umubo. At muling siyang umubo, mas malakas ngayon. Bigla na lang, na parang may nagbara sa kanyang lalamunan, ang pamumuo sa kanyang baga ay para bang binibiro siya, tumatalon nang konti pataas, pagkatapos ay bababa na naman, ninanakaw ang kanyang hininga. Parang may nakabara sa kanyang lalamunan, pagkatapos ay marahas siyang dumahak, at nanginig ang kanyang mga kamay sa kanyang harapan — dahil nakapikit ang kanyang mga mata, nanginginig ang mga kamay, para siyang sinasapian — at naramdaman kong pinagpawisan ang aking noo. Bigla ko siyang hinila palapit sa akin at tinapik ang kanyang likod, at kumuha siya ng tisyu at itinapat ito sa kanyang bibig at idinura ang kanyang plema.

Tumigl ang kanyang pag-ubo, at napasandal muli si Morrie sa kanyang unan na gawa sa foam at huminga nang malalim.

“Okay ka lang? Okay ka lang?” tanong ko, itinatago ang aking takot.

“Okay . . . naman ako,” bulong ni Morrie, habang itinataas ang isang nanginginig na daliri. “Hintay . . . lang sandali.”

Tahimik lang kaming naupo roon hanggang bumalik na sa normal ang kanyang paghinga. Naramdaman ko ang pawis na namuo sa aking anit. Ipinasara niya sa akin ang bintana, dahil nilalamig daw siya sa hangin. Hindi ko na sinabi sa kanya na 8 degree ang temperatura sa labas.

Sa wakas, sa isang bulong, sinabi niya sa akin, “Alam ko kung paano ko gustong mamatay.”

Tahimik akong naghintay.

“Gusto kong mamatay nang tahimik. Mapayapa. Hindi tulad ng nangyari ngayon.

“At dto dumarating ang kahalagahan nang paglayo. Kung mamatay ako sa gitna ng marahas na pag-ubo tulad nang kanina, kailangan kong ihiwalay ang sarili ko sa takot,kailangan kong sabihin, ‘Ito na ang aking sandali.’

“Ayaw kong umalis sa mundo nang may nararamdamang takot. Gusto kong malaman kung ano ang nangyayari, tanggapin ito, makarating sa isang mapayapang lugar, at pakawalan na ang lahat. Naiintindihan mo ba ako?”

Tumango ako.

Huwag ka munang umalis, mabilis kong idinagdag. Pinilit ngumiti ni Morrie. “Hindi. Hindi pa. May gagawin pa tayong trabaho.”

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -