PAGSAGIP sa buhay ang dapat na maging prayoridad ng pagsasanay sa mga reservists ng Armed Forces of the Philippines.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla nitong Lunes, kung saan naging inspirational speaker sa Basic Citizen Military Course sa Senado ang aktor na si Enrico Raphael “Rocco” Nacino.
Ani Padilla, kailangan ang mga tulad ng nurse corps sa AFP tulad ni Nacino, para makatugon agad sa mga kalamidad at hindi-inaasahang gulo — lalo na’t may sumisiklab na giyera sa ibang bahagi ng mundo.
“Kailangan natin ng nurse corps sapagka’t pag may nangyaring kalamidad o di inaasahang gulo kailangan natin ng mga nurse corps, ng alam ang gagawin pag emergency,” aniya.
“Meron kaya tayong ganyan karaming anti-missile, anti-aircraft at anti-drone? (Pero) kung lahat matuto tayo ng emergency services yan na lang muna kasi wala tayong maipagmamalaki sa weapon,” dagdag niya.
Sa kanyang inspirational talk, iginiit ni Nacino na isang 2nd Lieutenant sa Nurse Corps ng Civil Military Affair Brigade ng AFP Reserve Command, malaking bagay ang matulungan ang kababayan.
Ani Nacino, nagsimula siyang magsanay sa BCMC noong 2016 bilang paghanda sa kanyang teleseryeng “Descendants of the Sun.”
Samantala, umaasa si Padilla na maging prayoridad ang panukalang batas para sa mandatory Reserve Officer Training Corps (ROTC) sa Senado, dahil kailangan ito ng ating mga kababayan.
“Sana ma-encourage ang kapatid kong senador na ipasa ang mandatory ROTC. Sana maintindihan. Alam kong naintindihan nila. Alam kong nakukuha niya point namin,” aniya.