HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang National Telecommunications Commission (NTC) na higpitan ang pagpapatupad ng mga probisyon ng SIM Registration Law matapos matuklasan ang iba’t ibang Subscriber Identity Module (SIM) cards mula sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), na ngayon ay tinatawag nang Internet Gaming Licensee (IGL), sa Bamban, Tarlac.
Sa bisa ng isang ‘warrant to seize and examine computer data’ laban sa Zun Yuan Technology Inc. noong March 22 and 23, natagpuan ng mga awtoridad ang sari-saring sim card, kasama ang daan-daang cellular phone at digital devices.
Noong buksan ng mga awtoridad ang lahat ng safety vaults sa compound ng Zun Yuan Tech noong nakaraang linggo, mayroon din silang nakitang SIM cards.
“Nagpapahiwatig lamang ito ng lawak ng scamming activities na isinasagawa ng mga POGO. Hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito. Sa katunayan, marami nang SIM card ang nakumpiska sa mga nakaraang raid sa POGOs,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means.
Sinabi niya na ang mga lehitimong gumagamit ng SIM card ay patuloy na nakakatanggap ng mga text message na scam. Si Gatchalian ay co-author ng Republic Act 11934 o ang SIM Card Registration Act, na isinabatas noong Disyembre 2022.
Ayon pa sa senador, maaaring may kaugnayan sa POGOs/IGLs ang mga grupong nasa likod ng maraming scamming activities sa bansa.
“Nakakaalarma na hindi humihinto ang sari-saring scamming activities sa bansa kahit mayroon nang batas para masugpo ito. Maliwanag na hindi pa natin nakakamit ang tunay na layunin ng batas, at trabaho ng NTC na tiyakin na ang mga probisyon ng batas ay ipatupad nang lubusan,” ani Gatchalian.
Binigyang-diin niya na kaya naglagay ng batas sa SIM registration ay upang magtatag ng pananagutan sa paggamit ng mga SIM card at masugpo ang paggamit ng teknolohiyang nauugnay sa SIM na ginagamit sa iba’t ibang paraan ng panloloko.