PORMAL na nagpasa ng Resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro na idinedeklara si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. bilang Adopted Son ng naturang bayan.
Sa isang programa nitong nakaraang Lunes (Abril 8), iginawad kay Revilla ang kopya ng resolusyon nina Mayor Walter “Bong” Marquez, Vice Mayor Edwin Mintu, at iba pang mga opisyales at kawani ng lokal na pamahalaan. Kasama rin sa naturang programa ang punonglalawigan ng Occidental Mindoro na si Governor Eduardo Gadiano.
Sa Resolution No. 2024-SDM335, kinilala at binigyang-halaga ang suporta at tulong na pinakita ni Revilla sa nasabing bayan, kasama na rito ang kanyang pakikibahagi bilang panauhing pandangal sa pagbubukas ng Palarong Panlalawigan ng Occidental Mindoro ngayong taon.
Kinilala rin sa nasabing kapasyahan ang “Revilla Law” na inakda ng beteranong mambabatas na magpapaaga sa pagbibigay ng cash gift sa mga senior citizens.
“Lubos po akong nagpapasalamat sa aking mga kababayan sa Sablayan, Occidental Mindoro sa kanilang pagtanggap sa akin bilang adopted son. Isang malaking karangalan po ito sa akin at buong buhay kong tatanawin at papahalagahan ang kanilang pagtanggap, pagmamahal, at pagkilala,” pasasalamat ni Revilla.