ISINAGAWA kamakailan ng mga kawani ng Regional Forensic Unit (RFU) Mimaropa na pinamumunuan ni Police Lieutenant Colonel, Jericho Angelito Cordero ang Crime Scene Awareness Seminar na ginanap sa barangay hall ng Balatero, Puerto Galera.
Layunin nito na maipabatid ang mga tungkulin ng mga first responders sakaling may naganap na krimen sa lugar, kasabay ng coastal clean-up drive ng ahensiya.
Nasa 17 opisyales ng barangay na kinabibilangan ng kapitan at mga kagawad, kalihim, ingat-yaman, barangay health workers (BHWs), barangay nutrition scholars (BNS) at mga barangay police action team o BPATS ang sumailalim sa pagsasanay na ipinaliwanag nina PCpt Melanie Abitria at Patrolman John Luiz Felipe sa kung ano ang dapat at hindi dapat gawin sa isang natapos na kaguluhan gayundin ang mga pangunahing gagawin sa pag-responde sa lugar ng pinangyarihan ng krimen at kung ano ang gagawin sa biktima, mga ebidensiya at pag-kordon sa lugar.
Kasabay nito ay ginawa rin ng grupo ang coastal clean-up sa nasabing barangay malapit sa Balatero Port kung saan nakakolekta sila ng mga basura tulad ng bottled water, mga upos ng sigarilyo, sisidlan na plastic, mga papel at marami pang iba.
Lubos ang pasasalamat ni Cordero kay Brgy. Capt. Willy Candava at sa iba pang nakilahok sa nasabing gawain sa kanilang pakikiisa upang mapanatili ang kaayusan sa lugar sa oras na may naganap na kaguluhan at sa pagpapaunlak na magsagawa ng paglilinis sa mga tabing baybayin sa kanilang barangay. (DN/PIA Mimaropa-Oriental Mindoro)