27.9 C
Manila
Biyernes, Nobyembre 22, 2024

Huwag tayong bumilib sa propagandang US

- Advertisement -
- Advertisement -

MADALING kumagat sa propaganda, lalo na mula sa mga makapangyarihang bansa at kilalang tao at media. At umaagos ngayong linggo ang mga kaakit-akit na bukambibig.

Mangyari, nagpulong nitong Abril 11 sina Pangulong Joseph Biden ng Estados Unidos (US), Punong Ministro Fukio Kishida ng Hapon, at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas sa White House, ang tanggapan at tirahan ni Biden sa punong lungsod ng Washington.

At ibig ng Amerikang ipamalas na ito pa rin ang pinakamakapangyarihang bansa sa mundo at sa Asya, kung kanino umaasa ang kaalyadong mga bayan para sa depensa at ekonomiya.

Halimbawa, nagpatalastas si Embahador Jose Manuel Romualdez, punong diplomatiko natin sa Amerika, na sa pagsali ni Marcos sa pulong at pagsasanib natin sa US at Hapon, papasok dito ng $100 bilyon kapital sa lima hanggang sampung taon.

Bilib ka na? Isang tanong lang, butihing Embahador: Paano kung magkagiyera sa Taiwan pagkaisa, dalawa o tatlong taon at nadamay tayo dahil sa mga base ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ipinagagamit ni Marcos sa US sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA)?


Ayon sa pandaigdigang kompanyang panseguridad, ang Global Guardian, mula taong ito hanggang 2027 ang “invasion window” o puwang ng paglusob ng China sa Taiwan. At ayon mismo sa komandante ng Amerika sa Asya at Indo-Pasipiko, si Alimrante John Aquilino, maaaring magtangka ang People’s Liberation Army (PLA) ng China sa 2027.

Kung magkadigma, tuloy pa ba ang pasok ng $100 bilyon o magtatakbuhan ang mga kompanyang Amerikano at Hapon, malamang sa Vietnam at ibang karatig-bansang hindi nagpapasok ng hukbong US? At paano kung hindi na bumili ang China, Hong Kong at Macao ng mga produkto natin at mag-empleyo ng daan-daang libong Pilipino? Tatapatan ba ng US at Hapon ang nawalang negosyo at trabaho dahil sa EDCA?

Hindi atras ang China sa US

Pero higit sa investment, pangunahing hangad at halaga ng pulong sa White House ng tatlong pinuno ang mas malakas na alyansiya ng mga bansa sa pamumuno ng US para sa seguridad ng Asya.

- Advertisement -

Kasama rito ang pagsasanib kontra sa mga barkong China sa West Philippine Sea (WPS), ang karagatang saklaw ng ating exclusive economic zone, kung saan Pilipinas lamang ang may karapatang makinabang sa yamang dagat.

Nang magsagawa ang mga barko ng Pilipinas, Amerika, Australia at Hapon ng pagsasanay sa WPS noong Abril 7, sinabi ni Marcos na harinawa ang “pagkaagresibo” ng China mabawasan ng mga sabayang patrolya natin kasama ang mga kaalyadong hukbong dagat. Dagdag pa niyang patuloy ang pakikipagpulong natin sa China.

Samantala, nagpayahag ang tagapayo ni Pangulong Biden sa pambansang seguridad, Kalihim Jake Sullivan, na magpapatuloy ang mga sabayang patrolya. At sinabi naman ni Almirante Aquilino na “lubhang nababahala” ang Amerika sa mga kilos ng China.

Sa mga pahayag na ito, sampo ng bagong plano ng pagsasanib para sa seguridad ng Asya, malulutas na ba ang mga problema natin sa pagpasok ng mga barkong ng China sa WPS at pagharang ng mga bangka at barko natin? Pihadong maraming Pilipino ang umaasang gayon nga.

Sa kasamaang palad, masasabing propaganda lang iyon, dahil hindi mareresolba ang sigalot — at malamang lalo pang lumala.

Sadyang hindi maaayos ng diplomasya ang ugnayan at mga usapin natin sa China dahil nalason na ang relasyon sa pagkampi ni Pangulong Marcos sa Amerika noong Pebrero 2023, matapos ulit-uliting neutral o walang sinasapian ang Pilipinas.

- Advertisement -

At hindi lamang kumampi sa US, kundi ipinagamit pa ang siyam na baseng EDCA sa Amerika — “mga plataporma ng digma ng US,” ayon kay dating pangulong Rodrigo Duterte. Mangyari, sadyang bumabagsik ang mga dambuhalang bansa sa mga karatig-bayang magpapagamit sa kaaway nila.

Noong 1962, nang halos maglagay ng raket atomika ang Rusya sa islang Cuba, nagpataw ang US ng kaparusahan sa ekonomiya ng Cuba hanggang ngayon. At nang lalahok ang Ukraina sa alyansiya ng Amerika noong 2014 at 2022, umatake ang Rusya upang pigilin ang pagpasok ng puwersa ng alyansiya nang halos dikit sa Rusya.

Nag-aalma rin ang China mula noong buksan ni Marcos ang mga base sa Amerikano, at hindi gaganda ang ugnayan habang nagpapagamit tayo sa US para sa tagisan nito sa China. Maiipit pa ang ekonomiya natin.

At tungkol sa pagtulong ng Amerika at Hapon sa mga patrolya natin, lalo magmamatigas ang China upang ipakitang hindi mauulit ang kahiya-hiyang pagmamando ng banyaga noong mga dantaong nagdaan.

At hindi naman direktong lalabanan ng Amerika ang China sa pangambang magkaroon ng giyera sa Asya bukod sa kasalukuyang labanan sa Gitnang Silangan at Europa.

Kaya taliwas sa propaganda, sadyang dehado tayo sa EDCA: nakapasok sa mga base militar natin ang Amerika, pero hindi nito maaayos, bagkus lalong titindi ang tagisan sa China.

Pero patuloy ang propaganda, lalo na ang paglilihim ng panganib sa atin ng mga baseng EDCA kung magkagiyera sa pagitan ng US at China.

Kailangan natin ng programang pandepensa na hindi umaasa sa Amerika. Talakayin natin ito sa mga linggong darating.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -