26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Pinag-usapan namin ang pamilya

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

(Salin mula sa Tuesdays with Morrie ni Mitch Albom)

UNANG linggo ng Septyembre, linggo ng pagbalik sa mga klase, at pagkatapos ng tatlumpo’t limang sunud-sunod na taglagas, ang aking matandang propesor ay walang klaseng naghihintay sa kanya, sa kampus ng aming kolehiyo.  Ang Boston ay puno ng mga estudyante, naka-doble na nga ang parking sa mga maliliit na kalye, naglalabas ng kanilang mga gamit. At narito si Morrie sa kanyang library. Parang mali ito, parang mga manlalarong football na sa wakas ay nagretiro na at kinakaharap ang unang Linggo sa bahay, nanonood ng telebisyon, iniisip, Kaya ko pa ring gawin ‘yan. Natutunan ko sa pakikisalamuha sa mga manlalarong ito na pinaka-mainam na iwanan na lang silang mag-isa kapag dumating na ang mga oras ng kanilang dating laro. Huwag ka na lang magsalita. Pero rito, hindi ko naman dapat pang ipaalala kay Morrie ang kokonti na lang niyang oras.

Para sa aming naka-tape na pag-uusap, lumipat na kami mula sa mikroponong kanyang hinahawakan—dahil masyado nang mahirap ngayon para kay Morrie ang humawak ng isang bagay na ganoon katagal—at gumamit na kami ng isang uri ng mikropono na popular sa mga nagbabasa ng balita sa telebisyon. Puwede mo itong i-clip sa iyong kuwelyo o lapel. Siyempre, dahil ang suot lamang ni Morrie ay malalambot na damit na cotton na nalalawlaw na sa kanyang panipis na nang panipis na katawan, ang mikropono’y umuuga at lumalawlaw rin, at kailangan ko itong madalas na ayusin. Parang natutuwa si Morrie rito dahil napapalapit ako sa kanya kapag ginagawa ko ito, halos kayakap ko na siya,  at ang pangangailangan niya para sa pisikal na atensyon ay mas matindi pa kaysa dati. Nang humilig ako, narinig ko ang sipol ng kanyang hininga at ang mahina niyang pag-ubo, at nagpatunog muna siya ng kanyang labi bago siya lumunok.

“Well, aking kaibigan,” sabi niya, “ano ang pag-uusapan natin ngayon?”

Pag-usapan natin ang pamilya.


“Pamilya.” Sandali muna niya itong pinag-isipan. “Nakikita mo ang aking pamilya, nakapaligid sa akin.”

Tumango siya sa mga litrato sa lalagyan ng mga libro, si Morrie bilang isang bata kasama ang kanyang lola; si Morrie bilang isang binatilyo kasama ang kapatid na si David; si Morrie at ang asawa niyang si Charlotte; si Morrie at ang kanyang dalawang anak na lalaki, sina Rob, isang dyornalist sa Tokyo, at si Jon, isang computer expert sa Boston.

“Sa palagay ko, dahil sa ating pinag-uusapan sa nakaraang mga linggo, naging mas mahalaga ang pamilya,” sinabi niya.

“Sa totoo lang, walang pundasyon, walang matibay na lupa, na maaring tayuan ng mga tao ngayon kundi ang pamilya. Lalo itong luminaw sa akin simula nang ako’y magkasakit. Kung wala kang suporta,  pagmamahal, pag-aalaga at pag-aalala na makukuha mula sa iyong pamilya, wala nang ibang mahalaga pa. Talagang mahalaga ang pagmamahal. Ang sabi nga ng ating magaling na makatang si Auden, “Mahalin natin ang isa’t isa, o tayo’y mamamatay.”

- Advertisement -

“Mahalin natin ang isa’t isa, o tayo’y mamamatay.” Isinulat ko iyon. Sinabi ito ni Auden?

“Mahalin natin ang isa’t isa, o tayo’y mamamatay,” sabi ni Morrie. “Maganda ang sinabi niya, hindi ba? At totoong-totoo. Kapag walang pag-ibig, para lang tayong mga ibon na may baling pakpak.”

“Sabihin nating ako’y diborsyado, o nabubuhay nang mag-isa, o walang anak. Ang sakit na ito—itong pinagdaraanan ko—ay magiging mas mahirap para sa akin. Hindi ko alam kung kakayanin ko. Siyempre, dadalaw naman ang mga kaibigan ko at katrabaho, pero iba pa rin kapag may kasama ka na hindi aalis. Iba pa rin kapag may kasama kang alam mo na nag-aalaga sa iyo, nakabantay sa iyo nang buong oras.

“Ito ang bahagi ng pagiging isang pamilya, hindi lamang pagmamahal, kundi ang ipaalam sa iyo na may nag-aalaga sa iyo. Ito ang hindi ko naramdaman nang mamatay ang aking nanay—ang tinatawag nating spiritual security—dahil alam mo na ng pamilya mo’y nariyan lang sa tabi mo, nakabantay. Wala nang iba pang maaaring magbigay sa iyo nito. Hindi pera. Hindi ang kasikatan.”

Bigla siyang tumingin sa akin.

“Hindi rin trabaho,” dagdag niya.

- Advertisement -

Ang pagkakaroon ng pamilya ay isa sa mga isyu na nasa listahan ko—mga bagay na gusto kong gawin bago mahuli na ang lahat. Sinabi ko kay Morrie ang isyu ng aming henerasyon sa pagkakaroon ng anak, na ang tingin namin sa kanila’y magtatali lamang sa amin, pipilitin kaming gumawa ng “mga bagay na ginagawa ng mga magulang” na ayaw naman naming talagang gawin. Inaamin ko na kasama ako sa nakararamdam nang ganito.

Pero nang tumingin ako kay Morrie, kung ako ang nasa kalagayan niya, malapit nang mamatay, at wala akong pamilya, walang anak, kakayanin ko ba ang kalungkutan? Pinalaki ni Morrie ang dalawang anak na lalaki na maging mapagmahal at maalaga, at tulad ni Morrie, sila’y hindi nahihiyang magpakita ng pagmamahal. Kung ginusto lamang niya’y ihihinto ng mga ito ang kanilang ginagawa para makasama ang kanilang tatay sa bawat minuto ng mga huling buwan nito. Pero hindi ito ang gusto niya.

“Hwag ninyong ihinto ang inyong mga buhay,” sabi niya sa kanila. “Kapag ginawa ninyo iyan, tatlong buhay ang sinira ng sakit na ito, imbes na isa lang.”

Sa ganitong paraan, kahit na nag-aagaw-buhay na siya, nagpakita siya ng respeto sa mundo ng kanyang mga anak. Kaya’t hindi kataka-taka na kapag katabi niya ang mga ito, dumadaloy ang agos ng pagmamahal, maraming halik at biro at pagtabi sa kanyang kama, habang hawak ang kanyang kamay.

“Kapag tinatanong ako ng mga tao kung dapat ba silang magkaroon ng anak o hindi, hindi ko sinasabi sa kanila kung ano ang kanilang gagawin,” sabi ni Morrie habang nakatingin sa litrato ng kanyang panganay na anak. “Sinasabi ko lang, ‘Walang karanasang tulad ng pagkakaroon ng sariling anak. ’Yun lang. Walang puwedeng ipagpalit dito. Hindi mo naman ito puwedeng gawin sa isang kaibigan. Hindi mo naman ito puwedeng gawin sa isang mangingibig. Kung gusto mong maranasan ang pagkakaroon ng kumpletong responsibilidad sa isa pang tao, at matutunan ang magmahal at mag-aruga sa pinakamalalim na paraan, bakit hindi mo subukang magkaroon ng anak?”

Gagawin mo uli ito? tanong ko.

Tumingin ako sa litrato. Hinahalikan ni Rob si Morrie sa noo, at tumatawa si Morrie na nakapikit ang mga mata.

“Tinatanong mo kung gagawin ko uli ito?” sabi niya, mukhang nagulat. “Mitch, hindi ko ipagpapalit ang karanasang ito. Kahit na . . .”

Napalunok siya at inilagay ang litrato sa kanyang kandungan.

“Kahit na may kapalit na napakasakit,” sabi niya.

Dahil iiwanan mo na sila.

“Dahil malapit ko na silang iwanan.”

  Numipis ang kanyang mga labi, ipinikit ang mga mata, at nakita ko ang unang luha na bumagsak sa tabi ng kanyang pisngi.

                                                                  ***

“At ngayon,” bulong niya, “ikaw naman ang magsalita.”

Ako?

“Ang iyong pamilya. Alam ko ang mga magulang mo, nakilala ko na sila sa iyong graduation, maraming taon na ang nakararaan. Mayroon ka ring kapatid, hind ba?”

Opo, sabi ko.

“Mas matanda sa iyo, tama ba ako?”

“Mas matanda sa akin.”

“At isang kapatid na lalaki, tama ba?”

Tumango ako.

“Mas bata?”

Mas bata.

“Tulad ko,” sabi ni Morrie. “Mayroon akong mas batang kapatid.”

 Tulad mo, sabi ko.

“Dumating din siya sa iyong graduation, tama ba ako?”

Napakurap ako at sa isang iglap, nakita ko kaming lahat doon, labing-anim na taon na ang nakararaan, sa mainit na araw, naniningkit ang mga mata habang naka-akbay sa isa’t isa at nag-pose para sa Instamatic na kamera, may isang nagsasabing, “Isa, dalawa, tatloooo . . .”

“Ano iyon?” tanong ni Morrie, napansing bigla na lang akong tumahimik. “Ano ang nasa isip mo?

Wala, sabi ko, at binago ko ang aming pinag-uusapan.

                                                                        ***

Ang katotohana’y mayroon naman talaga akong kapatid na lalaki, kulay-mais ang buhok, kulay kastanyas ang mga mata, mas bata sa akin ng dalawang taon, na hindi ko kamukha o ng aking ateng may maitim na buhok, kaya lagi namin siyang tinutukso na iniwan lang siya ng mga dayo sa hagdan ng bahay namin. “At isang araw,” sabi namin, “babalik sila para kunin kang muli.” Umiyak siya nang marinig niya ito, pero sinabi pa rin namin ito.

Lumaki siya na tulad nang paglaki ng iba pang mga mas nakababatang mga anak, spoiled, hinahangaan, pero sa loob ay nahihirapan. Gusto niyang maging artista o mang-aawit; ginagaya niya ang mga eksena ng palabas sa telebisyon tuwing kakain na kami, ginagampanan ang lahat ng mga parte, ang nakasisilaw niyang ngiti’y tumatalon mula sa kanyang mga labi. Ako ang mahusay na estudyante, siya ang hindi; ako ang masunurin, siya ang pasaway; lumayo ako sa droga at inom, sinubukan niya ang lahat nang maaaring hithitin at inumin. Lumipat siya sa Europa ilang taon pagkatapos ng high school, mas pinili ang kaswal na pamumuhay roon. Pero nanatili siyang paborito ng aming pamilya. Kapag bumibisita siya sa bahay, sa kanyang nakatutuwa at wild na mga kuwento, naramandaman kong naninigas ako sa aking pagiging konserbatibo.

Dahil nga magkaiba kami, inisip ko na ang aming hinaharap ay pupunta rin sa magkabilang direksyon kapag lumaki na kami. Tama ako sa lahat ng bagay maliban sa isa. Mula sa araw na mamatay ang aking tito, naniwala na akong magdurusa rin ako at mamamatay nang tulad niya, isang biglaang sakit na kukuha sa akin. Kaya nagtrabaho ako nang todo-todo, at inihanda ko ang sarili ko sa kanser. Nararamdaman ko ang hininga nito. Alam kong parating na ito. Hinintay ko ito sa paraang hinihintay ng isang taong nahatulan na ang pupugot ng kanyang ulo.

At tama ako. Dumating nga ito.

Pero hindi ako ang tinamaan.

Tinamaan nito ang aking kapatid.

Parehong kanser na tumama sa aking tito. Sa pancreas. Kokonti lang ang nagkakaroon nito. Kaya’t ang pinakabata sa aming pamilya, na may buhok na kulay mais at matang kulay kastanyas, ang dumaan sa chemotherapy at radiation. Nalaglag ang kanyang buhok, natuyo ang kanyang mukha at naging mabuto. Ako dapat ang nagkasakit, naisip ko.  Pero hindi ako ang kapatid ko, at hindi siya ang aking tito. Palaban ang kapatid ko, at lagi naman, kahit noon pa mang mga bata kami, nang nakikipagbuno siya sa basement at kinagat niya ang aking sapatos at sumigaw ako sa sakit at nakawala siya.

At lumaban siya. Nilabanan niya ang sakit sa Espanya, kung saan siya nakatira, sa tulong ng isang eksperimental na droga na hindi—noon at maging ngayon man—mabibili sa Amerika. Lumipad siya sa buong Europa para magpagamot. Matapos ang limang taon nang pagpapagamot, parang itinaboy na ng droga ang kanser at nagka-remisyon ang aking kapatid.

‘Yan ang mabuting balita. Ang masamang balita ay, hindi gusto ng kapatid ko na nariyan ako—hindi ako, at hindi ang sinuman sa aming pamilya. Kahit na gustuhin man naming tumawag o dumalaw, inilayo niya kami, pinipilit na ang labang ito’y kanya lamang. Nagdaan ang mga buwan na wala man lang kaming balita tungkol sa kanya. Walang sagot ang mga mensahe namin sa kanyang answering machine. Tinamaan ako ng pagsisisi at sa pakiramdam ko’y dapat kong gawin para sa kanya at napuno rin ako ng galit dahil hindi niya ako binibigyan ng karapatang gawin ito.

At tulad ng dati, ibinuhos ko ang aking sarili sa trabaho. Nagtrabaho ako dahil puwede ko itong kontrolin. Nagtrabaho ako dahil ito’y matino at sumasagot. At sa bawat tawag ko sa apartment ng aking kapatid sa Espanya at ang nakukuha ko lang ay ang answering machine—kung saan nagsasalita siya sa Kastila, isa pang senyales kung paano na siya kalayo sa amin—ibinabababa ko na lang ang telepono at babalik sa aking trabaho.

Siguro’y isang dahilan ito kaya mas lalo akong napalapit kay Morrie. Hinayaan niya akong gawin ang gusto ko, na ipinagkait ng kapatid ko.

Kapag nagbabalik-tanaw ako, siguro’y alam lahat ni Morrie ang mga ito.

Itals

Isang taglamig sa aming kabataan, sa isang burol na puno ng niyebe sa aming komunindad sa labas ng siyudad. Ang kapatid ko at ako’y nasa isang sled, nakapatong siya sa akin, at nasa ilalim ako. Nararamdaman ko ang baba niya sa aking balikat at ang kanyang paa’y nasa likod ng aking tuhod.

Tumutunog ang sled habang dumaraan sa nagyelong daan sa ilalim namin. Bumilis kami habang pababa na ng burol.

“KOTSE!” biglang may sumigaw.

Nakita naming itong parating, mula sa kalye sa aming kaliwa. Sumigaw kami at pinilit naming umiwas, pero hindi umaandar ang runners ng aming sled. Inapakan ng drayber ang kanyang brakes at nag HORN, at ginawa namin ang lahat ng ginagawa ng mga bata: tumalon kami. Sa aming parka na may hood, inisip namin na ang susunod naming mababangga ay ang matigas na gulong ng kotse. Sumisigaw kami ng “AHHHHHH” at puno kami ng takot, pagulung-gulong, bumabaligtad ang mundo, bumabalik sa dati, bumabaligtad muli.

Pagkatapos, wala. Tumigil kami sa paggulong at hinabol naming ang aming hininga at pinunasan ang natutunaw na yelo sa aming mga mukha. Tumingin sa amin ang drayber mula sa dulo ng kalye, iwinawagayway ang kanyang daliri. Ligtas na kami. Tumigil nang tahimik ang aming sled sa isang bunton ng yelo, at hinahampas na ng aming mga kaibigan ang aming mga balikat, sinasabing “Ang galing!” at “Naku, puwede kayong mamatay sa ginawa ninyo!”

Nakangiti ako sa aking kapatid, at pinag-isa kami ng aming pagmamayabang bilang mga bata. Hindi na masama, naisip namin, at handa na kaming harapin muli ang kamatayan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -