34.9 C
Manila
Lunes, Abril 28, 2025

Gatchalian nais paimbestigahan ang 25% witholding tax, 12 VAT na ipinataw ng BIR sa cross-border services

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN ng resolusyon si Senador Win Gatchalian upang imbestigahan ang pagpapataw ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng 25 percent withholding tax at 12 percent VAT sa lahat ng cross-border services na ibinibigay ng mga non-resident foreign corporations (NRFC). Aniya, maaari nitong itaboy ang mga dayuhang mamumuhunan na magsagawa ng kanilang negosyo sa bansa.

“Maaari nitong itaas ang halaga ng pagnenegosyo sa bansa, na lalong magpapahina sa pakikipagkumpetensya ng bansa sa buong mundo pagdating sa pag-akit ng mga dayuhang mamumuhunan,” sabi ni Gatchalian. Partikular na tinukoy ng senador ang BIR Revenue Memorandum Circular (RMC) 5-2024, na nagsasaad na ang mga serbisyong ibinibigay ng isang dayuhan sa isang Philippine entity ay binubuwisan na.

“Kailangan nating suriing mabuti ang lahat ng mga ini-isyu ng BIR na nagpapatupad ng mga batas at desisyon ng Korte Suprema. Dapat nating tiyakin na ang mga ito ay saklaw ng batas at desisyon ng kataas-taasang hukuman,” sabi ni Gatchalian. Ito ang nakapaloob sa inihain niyang Proposed Senate Resolution No. 955.

Bilang chairman ng Committee on Ways and Means, sinabi ni Gatchalian na ang ang batayan ng nasabing memorandum circular ay ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Aces Philippines Cellular Satellite Corp. vs. Commissioner ng Bureau of Internal Revenue, kung saan nagpasya ang Korte Suprema na ang satellite airtime free payments ng Aces Philippines, isang lokal na korporasyon, sa Aces Bermuda, isang non-resident foreign corporation, ay papatawan na ng final withholding tax. Sa desisyon ng SC, ang airtime free payments ay ibinibigay bilang konsiderasyon sa paggamit ng mga serbisyo ng satellite communication.

Gayunpaman, may ibang business groups na nanindigan na hindi lahat ng nakasaad sa kaso ng Aces ay maaaring gamitin sa lahat ng cross-border services. Sinabi rin nila na may posibilidad na ipasa ng dayuhang mamumuhunan na mayroong cross-border services ang ibabayad nitong withholding tax at VAT sa kanilang mga kostumer.

Alinsunod sa RMC 5-2024, ang mga binubuwisang cross-border services ay kinabibilangan ng consulting services, IT outsourcing, financial services, telekomunikasyon, engineering at konstruksiyon, edukasyon at pagsasanay, turismo, at iba pang katulad na mga serbisyo.

Larawan ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -