27.6 C
Manila
Lunes, Nobyembre 25, 2024

Mga posibleng mangyari kung kakaltasan ng buwis ang mga e-bike

- Advertisement -
- Advertisement -

INAASAHANG darami pa ang mga de kuryenteng sasakyan at e-bike sa mga kalsada ng Pilipinas dahil planong babaan ang buwis na ipinapatong sa mga inaangkat na electric motorcycles, bukod sa ang direksyong tinatahak ng bansa ay bawasan hanggang tuluyan nang alisin ang mga de-krudong sasakyan.

Larawan mula sa TMT files

Rerebisahin ang Executive Order 12 na nilagdaan noon lamang nakaraang taon upang pababain din ang buwis sa mga e-motorcycles.

Ito ay dahil ang pagbibigay ng tax break na nakapaloob sa EO 12 bagaman para sa  mga sasakyang pinapagana ng kuryente ay hindi naman kabilang ang mga e-bike at e-trike.

Ito ay sa kabila ng katotohanang, 60 porsyento ng mga rehistradong electric vehicles ay mga two-wheeled o e-bike, ayon kay Albay 2nd District Representative Joey Salceda.

Nagsimula na ang public hearing ng Tariff Commission para rebisahin ang EO 12 at inatasan nito na magpasa ng position paper nila ang mga stakeholders.


Bago pa man ito, nagpahayag na ang Bureau of Investment ng Department of Trade and Industry, Department of Energy (DoE), Autohub Group, at ang Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) ng kanilang suporta na ibilang ang mga e-motorcycle sa listahan ng mga e-vehicles na mabibigyan ng tax break.

Kung babawasan ang buwis, inaasahan na bababa ang halaga ng mga e-motorcyle.

Ayon sa Energy Utilization Management Bureau Specialist ng DoE na si Andre Reyes kung mapapabilang ang e-motorcycle sa listahan, magsisilbi itong hudyat sa  mga konsyumer na e-vehicles na lamang ang gamitin.

Ayon kay Reyes, mas episyente at mura ang konsumo ng mga EV kaya makatutulong ito para maging self-sufficient ang bansa sa enerhiya.

- Advertisement -

Tugon ng Pilipinas ang malakas na pagsuporta nito sa mga e-vehicles sa Paris Agreement.

Kabilang sa nilalaman ng Paris Agreement na naabot noong Disyembre 12, 2015 ay ang commitment ng 195  na bansa kasama ang European Union na bawasan ang greenhouse emissions na nagpapainit sa mundo.

Gumagawa ng hakbang ang bansa upang tuluyang alisin ang mga de krudong sasakyan at tanging mga e-vehicles na lamang ang gagamitin upang mabawasan ang carbon emission na nakasasama sa kapaligiran, partikular  na sa pag-init ng mundo na nagdudulot ng mga extreme weather conditions..

Kaya ang Pilipinas, bilang pag-aksyon sa commitment na ito, ay gumagawa ng mga hakbang upang ito ay maging realidad sa bansa.

Inaprubahan ang Republic Act 11697 na kilala sa tawag na Electric Vehicle Industry Development Act noong Abril 15, 2022. Sinusuportahan nito ang paglikha ng industriya ng de kuryenteng sasakyan sa bansa at makatulong na mabawasan ang carbon emission.

Bilang suporta naman dito, nilagdaan ang EO 12 noong 2023 kung saan binago nito ang ipinatutupad na tariff rates para sa mga sasakyang pinapatakbo ng kuryente upang maging pangunahing gamit ito ng mga Pilipino.

- Advertisement -

Ngunit sa ilalim ng EO 12, hindi kasama ang mga motorsiklo sa binigyan ng tax break. Nanatili pa rin ang pataw sa mga e-motorcyle na 30 posyentong tariff rate.

Hindi makatarungan. Lalo pa’t mas nakararami naman sa mga motorista ay may e-motorcycles dahil ayon sa Statista Research Department may walong milyong rehistradong de kuryenteng motorsiklo.

Kaya naman  ipinanukala ni Kongresman Salceda ang House Bill 9573 na magbibigay ng pagbabago sa EO 12, dahil aniya sa dami ng naka e-bike, hindi tama na hindi ito kasali sa tax break.

Bagama’t sinusuportahan ng EVAP ang pagbibigay ng tax break sa e-motorcyles, nais nilang ito ay panandalian lamang upang matulungan naman na makalikha ng industriya ng paggawa ng ganitong sasakyan sa bansa.

E-bikes bawal na sa mga pangunahing kalsada

Samantala, sa pagtuloy ng pagdami ng mga gumagamit ng mga e-bikes at e-trikes, naglabas kamakailan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) nang pagbabawal sa mga ito sa mga pangunahing kalsada simula Abril 15 ng kasalukuyang taon.

Inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC), ang isang resolusyon na nagbabawal sa mga e-vehicles na dumaan sa mga pangunahing lansangan.

Ayon sa MMDA Regulation No. 24-022 series of 2024, ang mga e-vehicles, gaya ng e-bikes at e-trikes, gayundin ang mga traysikel, pedicab, kariton at kuliglig ay hindi na maaaring dumaan sa mga national roads, circumferential, at radial road sa Kamaynilaan.

Ito ang mga kalsadang ipinagbabawal ang e-vehicles: Claro M. Recto Avenue, President Quirino Avenue, Araneta Avenue, Epifanio de los Santos Avenue, Katipunan / Carlos P. Garcia, Southeast Metro Manila Expressway, Roxas Boulevard, Taft Avenue, South Luzon Expressway (SLEX), Shaw Boulevard, Ortigas Avenue, Magsaysay Boulevard / Aurora Boulevard, Quezon Avenue / Commonwealth Avenue, Andres Bonifacio Avenue, Rizal Avenue, Road 10: Del Pan / Marcos Highway / McArthur Highway, Elliptical Road, Mindanao Avenue, at Marcos Highway.

Papatawan ng multang P2,500 ang mga mahuhuling sumusuway.

Bukod pa rito, kinakailangan na rin ng driver’s license ng mga magmamaneho ng mga e-bike o e-trike sa Metro Manila.

Ayon sa datos ng MMDA Road Safety Unit, may 907 aksidente na kinasangkutan ang mga e-bike, e-trike, at e-scooter sa buong Metro Manila noong 2023, halos triple ito ng dami  noong 2019 na may 309.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -