KASADO na ang mga gawain para sa pagdiriwang ng taunang paggunita sa Moriones Lenten Rite o Moryonan sa lalawigan ng Marinduque.
Bilang paghahanda ng pamahalaang panlalawigan sa pagdagsa ng mga turista, isinagawa kamakailan ang pagpupulong na nilahukan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pribadong sektor at simbahan na may direktang kaugnayan sa mga gawaing pang-Semana Santa kung saan ito ay pinangunahan ni Gov. Presbitero Velasco, Jr.
Unang tinalakay ang iskedyul ng mga programa sa buong probinsya at sa bawat bayan. Nagkaroon ng komprehensibong presentasyon ng hanay ng mga aktibidad mula sa pagsisimula ng mga Mahal na Araw hanggang sa pagtatapos nito sa Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Binigyang-pansin din ang pagpapaigting ng seguridad sa mga lugar na pagdarausan ng mga gawain sa buong lalawigan sa panahon ng selebrasyon. Naglatag ng masusing plano ang Marinduque Police Provincial Office para sa ligtas na pagdiriwang saan mang panig ng isla.
Naging sentro rin ng talakayan ang pagpaplano para sa pagdagsa ng bilang ng mga pasaherong darating sa probinsya kung saan ay nagbigay ng presentasyon si Philippine Ports Authority (PPA) Division Manager Sherwin Reyes na nagpapakita ng mga detalyadong plano at proseso mula sa pagdating at pag-alis ng mga pasahero.
Noong nakaraan ay nagkaroon ng aberya ang mga pasahero na nagdulot ng matinding hinaing mula sa taumbayan higgil sa mabagal na sistema ng pantalan. Para maiwasan at hindi na muling maulit, sinisikap ng pamahalaang panlalawigan kasama ang mga nakatalagang komitiba at pamunuan ng pantalan na magkaroon ng mas maayos at konkretong plano sa pagpunta at pag-alis ng mga bibisita.
Tiningnan ang bawat detalye at kinonsidera ang mga suhestiyon mula sa mga nakilahok sa pagpupulong. Mula sa iskedyul, kapasidad ng mga barko, ticketing system, pasilidad, pagkain, palikuran, at iba pang detalyeng may kinalaman upang mas mapabuti ang serbisyo para sa mga pasahero ay binigyang-pansin at hinanapan ng solusyon.
Tinalakay din ang paghahanda para sa taunang pagdiriwang ng Alive Marinduque Summer Music Festival na gagawin sa Torrijos White Beach na inaasahang daragsain ng libu-libong turista.
Napagkasunduan naman ng Task Force Moryonan na magkakaroon ng Vehicle Exit Pass (VEP) upang magkaroon ng mas mabilis at maayos na pila ng mga sasasakyan na pabalik ng Metro Manila o karatig probinsya. (RAMJR/JZR/PIA Mimaropa – Marinduque)