27.4 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Mga isyu sa pagbili ng mga textbook ipasusuri ni Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng resolusyon upang masuri nang husto ang pagbili o procurement ng Department of Education (DepEd) ng mga textbook at iba pang learning materials.

Inihain ni Gatchalian ang Proposed Senate Resolution No. 972 kasunod ng paglabas ng Year One report ng Second Congressional Commission on Education (EdCom II). Lumabas kasi sa naturang ulat na simula noong ipatupad ang K to 12 curriculum noong 2013, 27 lamang ang nabili ng DepEd na mga textbook titles mula sa 90 na kinakailangan para sa Grade 1 hanggang 10. Lumabas din sa pag-aaral ng komisyon na mga mag-aaral lamang sa Grade 5 at 6 ang mga may kumpletong textbook para sa lahat ng subject.

Sa isang konsultasyon ng EdCom II kasama ang DepEd, tinukoy ng National Book Development Board, at mga grupo ng private textbook publishers ang ilang mga isyu sa procurement tulad ng maikling panahon para sa paglikha ng mga mismong aklat at ang mahabang proseso ng pag-review. Tinalakay rin ang mga mataas na participation cost at ilang mga isyu sa presyo.

Pinuna rin ng EdCom na hindi nagamit nang husto ang pondong inilaan para sa mga textbook at instructional materials. Mula 2018 hanggang 2022, mahigit P12.6 bilyon ang nilaan para sa mga textbook at iba pang instructional materials, ngunit 35.3 porsiyento lamang (P4.47 bilyon) dito ang na-obligate at 7.5 porsiyento (P90.90 milyon) lamang ang na-disburse.

Batay sa naging resulta ng Southeast Asia Primary Learning Metrics 2019 (SEA-PLM 2019), 8 sa 100 na mga mag-aaral na Grade 5 sa bansa ang nagbahagi sa ibang mag-aaral ng kanilang language at mathematics textbooks sa mahigit dalawang mag-aaral. Kung ihahambing sa mga mag-aaral na may textbook, mas mababa ng limang puntos ang marka sa Mathematics at Writing at mas mababa ng anim na puntos naman sa Reading ang marka ng mga mag-aaral na walang sariling textbook.

“Sa gitna ng pagsisikap nating iangat ang kalidad ng edukasyon ng ating bansa, mahalagang tiyakin natin ang pagkakaroon ng sapat na aklat para sa bawat mag-aaral. Napapanahong masuri natin kung paano matutugunan ang mga hamong kinakaharap ng ating sistema ng edukasyon pagdating sa kakulangan ng mga aklat,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

Sa gitna ng inaasahang rollout ng Matatag curriculum simula School Year 2024-2025, tiniyak ng DepEd na maidedeliver ang 80 porsiyento ng mga textbook para sa mga mag-aaral ng Grade 1, 4 at, 7 sa Hulyo 2024.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -