NAGLABAS na ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang P91.283 bilyon para sa Public Health Emergency Benefits and Allowances (PHEBA) na sumasaklaw sa lahat ng benepisyo ng healthcare workers mula 2021 hanggang 2023.
Ang mga pondo ay inilabas sa Department of Health (DoH), bilang implementing agency, sa mga sumusunod na taon:
2021: P12.1 billion
2022: P28 billion
2023: P31.1 billion
2024: P19.962 billion
Sa isang liham sa DoH, binanggit ng DBM na nakapaglabas na ito ng kabuuang P91.283 bilyon para sa PHEBA, kabilang ang P73.26 bilyon para sa Health Emergency Allowance (HEA)/One Covid-19 Allowance (OCA), P12. 90 bilyon para sa Special Risk Allowance (SRA), P3.65 bilyon para sa Covid-19 Sickness and Death Compensation, at P1.4 bilyon para sa iba pang benepisyo, tulad ng meal, accommodation, at transportation allowance.
Sa ulat ng DoH, mula sa nasabing halaga, nakapaglabas ang ahensya ng kabuuang P76 bilyon.
Sa pulong sa pagitan ng DBM at DoH na ginanap sa unang bahagi ng taong ito, napagkasunduan na kailangan ng DOH na agarang tapusin ang pag-compute ng mga claim sa HEA na arrears upang matukoy ng DBM kung kinakailangan ng karagdagang pondo sa kabila ng pinagsama-samang inilabas na mga alokasyon ng PHEBA para sa ating mga healthcare at non-healthcare workers.
Iminungkahi ng DBM na bumuo ang DoH ng HEA mapping na kukuha at magpapakita ng lahat ng mga claim at pagbabayad ng PHEBA ng Rehiyon/Health Facilities para sa panahong saklaw ng benepisyo. Ang impormasyong nakalap mula sa HEA mapping ay dapat gamitin sa pagpapabilis ng pinal na pagpapasiya ng halaga ng kakulangan upang masakop ang buong settlement of arrears. Inirekomenda rin ng DBM na ang nasabing record ay mailathala sa website ng DoH para sa transparency sa lahat ng claimants at stakeholders.
Nangako ang DoH na isusumite ang nabanggit na HEA mapping na may pinal na halaga ng nakalkulang mga kakulangan sa PHEBA nang hindi lalampas sa Marso ngayong taon, subject sa validation ng DBM batay sa mga isinumiteng dokumento at ang mga halagang makikita sa Health Emergency Allowance Processing System.