MINARAPAT ng kolum na ito na ihilera ang mga yugto ng panlahat na pag-unlad ng lipunan sa mundo upang siyang maging padron ng pagsusuring nilalayon kong gawin kung saan papunta ang Pilipinas.
Sumahin natin bilang panimula ngayon ang tinakbo ng usapan sa nakaraang kolum. Mula sa primitibo komunal na sistema, umunlad ang lipunan sa sistemang alipin, sistemang piyudal, kapitalismo, umabot sa sosyalismo, tungo sa di pa nararating na rurok na komunismo.
Sa ayaw at sa gusto ng Pilipinas, ito ang padron na dadaanan niya patungo sa rurok ng kaunlaran.
O di nga ba’t siyang dinaanan na nga ng bansa?
Batay sa mga butong natuklasan sa mga kweba ng Tabon sa Palawan at sa mga hieroglyphics (mga inukit na larawan) sa dingding ng kweba naman sa Angono, Rizal, lumilitaw na ang kauna-unahang mga tao sa Pilipinas ay ang mga kung tawagin ay Austronesians na sa loob ng libu-libong taon ay nabuhay sa ilalim ng primitibo komunal na sistema.
Ang pinakatanggap na panimula naman ng sistemang alipin ay ang salaysay tungkol sa 10 Datung Borneonon na tumakas mula sa Kaharian ng Borneo at nanahan sa Panay kasama ng kani-kanilang mga alipin. Sakay sila ng mga sasakyang pandagat na kung tawagin ay balangay, kung kaya sa ganung turing din nakilala ang mga komunidad na kanilang itinatag, na sa pagdaloy ng panahon at sa pagkalat nito sa buong kapuluan ay natatak na bilang barangay. Nakasaad sa isang salaysay na paglipas ng isang panahon, ang barangay sa Panay ay pumalaot pa hanggang umabot ng Batangan (Batangas), na mula naman doon ay kumalat na sa buong Luzon. At ito ang kaayusan na dinatnan ng mga Kastila nang simulan nilang kolonyahin ang Pilipinas noong 1571. Dahil dito kung kaya napailalim na ang kapuluan sa sistemang piyudal na dala ng Kastila. Upang mapadali ang pangangasiwa sa kalat-kalat na mga isla, pinairal ng Espanya ang sistemang encomienda. Sa sistemang ito, naparte-parte ang kapuluan sa mga teritoryo na nakilala hanggang sa ngayon bilang mga probinsya.
Sa salaysay ng ilang historyador, ang sistemang encomienda ay sistema ng pwersahang pagpapatrabaho sa mga katutubo, o sistemang alipin. Kinakaligtaan ng ganitong pagtingin na ang aliping paggawa ay matagal nang nagkaugat sa buong kapuluan at dinatnan na lamang at inilagay sa maayos na pangangasiwa sa pamamagitan ng sistemang encomienda. Ang sentralisado’t mahigpit na kolonyal na sistema ng pangangasiwa sa mga barangay sa pamamagitan ng mga encomienda ay sa katunayan siyang nagpaloob sa buong kapuluan sa nangingibabaw nang sistemang piyudal ng kabuhayan sa buong daigdig.
Sa puntong ito, pansinin natin kung anu-ano nang pag-unlad ang dinaanan ng Pilipinas ayon sa historikong materyalismo ni Marx. Mula sa primitibo komunal na sistema ng mga Austronesian, umunlad ang lipunan sa sistemang alipin ng mga Datung Borneonon na nagtanim sa kapuluan ng mga barangay, na umunlad naman bilang mga encomienda na pinairal ng Espanya sa pangangasiwa nito ng piyudal na sistema ng lipunan at kabuhayan sa buong kapuluan.
Kapuna-puna hanggang sa dako pa lang na ito na ang kasaysayan ng panloob na pag-unlad ng Pilipinas ay lagi nang dulot hindi lamang ng impluwensya kundi ng aktwal, pisikal na pamamagitan ng panlabas na pwersa.
Pansinin, mula sa mga sinaunang walang pagkakahati sa uri na mga Austronesian, umunlad ang kabuhayan at lipunan sa kapuluan tungo sa sistemang alipin na taglay ng mga dayuhang barangay, na sa pagdating naman ng mga dayuhang Kastila ay umunlad naman sa sistemang piyudal na sa daigdig nang mga panahong iyun ay pinangingibabawan ng Espanya.
Hanggang sa yugto ng piyudalismo, walang kasablay-sablay ang Pilipinas sa pagsunod sa Marxistang mandato ng panlipunan at pangkabuhayang pag-unlad.
Ang tanong, patungo sa kapitalismo, ganun pa rin ba? Paano natatag ang kapitalismo sa Pilipinas?
Bunga ng Rebolusyong Pranses ng 1848, bumagsak ang monarkiya ng Francia at nanaig na sa kapangyarihang pulitikal ang burgesya. Ito ang uri na nagpasimuno sa rebolusyong industriyal na gamit sa produksyon ng mga kailangang panlipunan ay makabagong makina at teknolohiya. Ang mabilis na paglago ng kapitalismo sa Europa ay sobrang nakapanggipit sa sistema ng produksyon sa Pilipinas. Ang sistemang encomienda ay hinalinhan ng sistemang asyenda, na malawakang pagtanim ng mga hilaw na sangkap na pampalamon sa mga higanteng kapitalistikong impresa sa Europa, halimbawa: tubo, niyog, abaka, tabako.
Higit na tumindi ang pwersahang pagpapatrabaho sa mga katutubo. Sa panig naman ng mga ilustrado, ang lahi ng mga katutubong may aral at may kaya dahil sa kanila naatang ang pangangasiwa sa mga encomienda, nawala bigla ang ginhawa sa kabuhayan. Ang mga encomienda ay inagaw sa kanila ng mga Kastilang prayle upang gawin ngang mga asyenda.
Inorganisa ni Rizal ang Kilusang Prooaganda sa Espanya kasama ng mga kapwa ilustrado. Layunin nila ang magkaroon ng representasyon sa Cortes (kongreso) ng Espanya upang mabawi ang mga biyayang inagaw ng mga prayle. Nang mabigo sa kilos propaganda, inorganisa ni Rizal ang La Liga Filipina na layunin nang ikalas ang Pilipinas sa Espanya. Masalimuot ang sa bandang huli ay ibinunga nitong Rebolusyon ng 1896. Kakailanganin ang hiwalay na diskusyon sa paksang ito. Mahalagang puntuhin lang muna sa usapan ngayon na patalo na ang Espanya sa mga pwersa ng Katipunan na pinamumunuan ni Emilio Aguinaldo. Nakukubkob na nila ang nalalabing tanggulan ng mga Kastila, ang nababakuran ng pader na Intramuros. Subalit dito umiral ang katrayduran ng Amerika. Samantalang nakipagkasundo kay Aguinaldo na makikipagtulungan sa kanya ang Amerika sa paglupig sa Espanya, palihim na nakipag-ugnayan si Admiral George Dewey sa Gobernador Heneral ng Kastila para sa isang gawa-gawang palitan ng putok sa Manila Bay, na makaraan iyun ay sa Amerika susuko ang Espanya imbes na sa Pilipinas
At iyun ang kasaysayan ng kung paano nasakop ng Amerika ang Pilipinas. Sa bisa ng Tratado ng Paris ng 1898, na sa halagang $20 milyun, pormal na nalipat ang Pilipinas sa pangongolonya ng Amerika – ang pumapangibabaw na pangmundong kapitalistikong kapangyarihan nang panahong iyun.
At ito – ang kapitalismo – ang namamayaning kaunlaran sa lipunang Pilipino hanggang sa ngayon.
Aktwal, pisikal na okupasyon ng isang banyagang kapangyarihan ang daan ng pag-unlad ng Pilipinas mula sa lumang kaayusan tungo sa bago.
Naririto ngayon ang pangwakas na tanong.
Alinsunod sa mga batayang pamantayan na isinaayos ni Marx, sumunod ang Pilipinas mula sa primitibo komunal na sistema, tungo sa sistemang alipin, tungo sa sistemang piyudal, tungo sa sistemang kapitalista. Sa di-maiiwasang pag-unlad patungo sa sosyalismo, aling banyagang kapangyarihan ang marapat na aktwal, pisikal na makapanakop sa Pilipinas upang makamit ang sosyalistang kaunlaran?
(May karugtong)