BINIGYAN ng paalaala ng Social Security System (SSS) – Palawan branch ang 10 establisyemento sa lungsod ng Puerto Princesa na may paglabag sa Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018 partikular na ang hindi pagbabayad ng benepisyo ng kanilang mga tauhan.
Ang pagbibigay paalaala o babala ay isinagawa ngayong Marso 14, 2024 sa pamamagitan ng ‘Run After Contribution Evaders’ o RACE upang paalalahanan ang mga ito sa kanilang obligasyon sa SSS.
Pinangunahan ito nina SSS-Palawan branch head Abdultalib Abirin at assistant branch head Zenia Delcoro, kasama rin ang mga kinatawan ng Business Permit and Licensing Office ng pamahalaang panlungsod ng Puerto Princesa at kinatawan mula sa Philippine Information Agency (PIA) – Palawan.
Sa sampung establisyemento na natukoy ng SSS-Palawan, apat sa mga ito ang may paglabag sa non-registration, tatlo ang may paglabag sa non-production at tatlo rin ang may paglabag sa non-remittance.
Binigyan ang mga ito ng 15 araw upang ayusin ang kanilang mga obligasyon at nang hindi na ito umabot pa sa korte.
Ipinaliwanag din ng mga kawani ng SSS na may mga programa ang ahensya na maaaring i-avail upang mapagaan ang kanilang bayarin tulad na lamang ng ‘contribution penalty condonation’ at ‘delinquency management and restructuring program.’
Ayon pa kay Abirin, nasa 80 porsyento naman ng mga establisyementong nauna nang napuntahan ng SSS ang nag-comply sa kanilang mga obligasyon.
“Itong RACE activity natin ay hindi natin tinatakot ang mga negosyo kundi ito ay paalaala lamang sa kanila…sa kanilang obligasyon sa kanilang mga empleyado na dapat ang kabahagi nila sa kontribusyon ng kanilang mga empleyado ay nababayaran sa SSS dahil para rin naman ito sa [seguridad] ng kanilang mga empleyado pagdating ng panahon na kailangan na nilang mamahinga sa trabaho,” pahayag ni Abirin.
May kahalintulad ding aktibidad ang isasagawa sa Marso 26 sa lungsod pa rin ng Puerto Princesa. (OCJ/PIA Mimaropa – Palawan)