GAYA ng iniulat sa unang artikulo hinggil sa kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nagpagamit ng siyam na base militar sa Estados Unidos, umaandar ang kampanya ng US at mga katuwang nitong pinuno, pantas at pahayagan upang magpatuloy ang EDCA lampas ng katapusan nitong buwan ng Abril.
Kaya naman tinutukoy natin sa pitak na ito ngayong Marso at Abril ang kaalamang EDCA na halos hindi pinalalabas ng pamahalaan, pamunuan at media, subalit napakahalagang malaman ng taong-bayan para sa kapayapaan, kaligtasan at kasarinlan ng Pilipinas at mga Pilipino, kabilang ang mga peligro sa mga pamayanan.
Sa una nating artikulong EDCA, tatlong estratehiya ang gamit upang tanggapin natin ang patuloy na kasunduan: tumitinding tagisan sa China upang matakot tayo at tumanggap sa hukbong US, pagkubli ng malaking panganib ng digma dahil sa paggamit ng Amerika sa ating mga base, at pagbibida ng malaking ayuda, armas at negosyo mula sa Amerika, Hapon at iba pang kaalyado upang humanga tayo at sumang-ayon sa EDCA sa kabila ng peligro.
Kitang-kita sa mga buwang nagdaan ang tatlong estratehiya. Batid ng Philippine Coast Guard na papalag ang tanod-baybayin ng China kung papasok ang PCG sa mga dagat na inaangkin ng China. Tuloy, ginamitan ng China ang PCG ng kanyong tubig, ilaw laser at banggaan.
Ngayon, nangungusap pa ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na para bang dirigmain at sasakupin tayo ng China. Pihadong sasabihin nilang kailangan natin ang mga baseng EDCA upang depensahan tayo ng Amerika, Hapon at iba pang kaalyado laban sa China.
Walang imik siyempre sa panganib ng atake sa mga base, bagaman mismong ang ama ng Pangulo noong pinuno siya ng bansa noong 1975 ang nagbabala: “Kung hangarin ng mga baseng Amerikano mapalakas ang katayuang militar ng Amerika sa Pasipiko at Dagat India … hindi kaya nila ilagay sa peligro ang kaligtasan ng Pilipino at Pilipinas dala ng atake ng pasabog o armas atomika?” (salin mula sa ikatlong artikulo sa http://pcfr.weebly.com/pcfr-journal.html).
Samantala, sunud-sunod ang balita tungkol sa pagpasok ng negosyong US, Hapon, Awstralya at Europa, sampo ng mga tropa, barko at eroplanong pandigma nila. Mula Marso 1 hanggang 14, mga 100 kompanyang US ang tumingin sa Clark, nag-anunsiyo ang Alemanya ng kooperasyon sa negosyo at seguridad, at $14 bilyon ng investment ang nakuha ng bansa sa mga biyahe ng Pangulo.
Dehado ang demokrasya
Ang tanong ngayon: Ayon ba sa demokrasya ang gayong kampanya para sa EDCA — panay panakot sa tao tungkol sa China at magandang balita tungkol sa Amerika, pero tameme sa panganib ng pagpasok ng puwersang US sa mga base ng AFP? Hindi ba dapat mabigyan ang publiko ng lahat ng impormasyon upang makabuo ng wastong at kompletong pag-unawa sa usaping maaring magdala ng giyera, pinsala at kamatayan?
Ang hirap, mismong ang pagbubukas ng siyam na base militar sa US, nagbaliktad ng patakaran at naisin ng sambayanang Pilipino na inihayag ng halal nating Pangulong Marcos, lalo na ang paulit-ulit niyang bukang-bibig na “kaibigan ng lahat, hindi kaaway ninuman” ang Pilipinas. Walang kinakampihan sa tagisan ng Amerika at China.
Wika pa ni Marcos sa panayam sa China Global Television Network pagdalaw niya sa Beijing noong Enero 2023 na “hindi dapat naming hayaan ang sariling mahulog sa dating patakarang Cold War (ng US kontra komunismo) kung saan dapat sumapi sa isang panig.”
Hindi rin niya ibig ilahok ang Amerika sa mga usaping sa China. Salaysay ng Pangulo sa CGTN 14 minuto mula sa simula ng video (https://www.youtube.com/watch?v=UhWaaDCcwAA): “Nag-alok ang mga Amerikanong mamagitan sa atin at China, at sinabi kong hindi iyon magtatagumpay dahil may sariling hangarin kayo (US).”
At nang pagkasunduan ang EDCA nina Pangulong Benigno Aquino 3rd at Barack Obama noong 2014, nagsampa ng kaso sa Kataas-taasang Hukuman si Marcos at ang mga kapwa niya senador. Sa tingin nila, kontra sa Saligang Batas ang EDCA dahil hindi ito inaprobahan ng Senado.
Binatikos din nina Senador Marcos na walang patakaran ang EDCA upang limitahan ang mga baseng magagamit ng Amerika. At wala ring panuntunan upang masiguro ng Sandatahang Lakas na walang barko o submarinong US ang papasok na may armas atomika. Ipinagbabawal ng Konstitusyong pumasok ang sandatang nuklear sa Pilipinas.
Subalit noong simula ng Pebrero 2023, pagdalaw ni Kalihim Lloyd Austin ng tanggulang pambansa ng Amerika, bumaligtad si Marcos at nagbukas ng siyam na baseng EDCA. Walang dahilang inihayag at sa State of the Nation Address o Sona noong nagdaang Hulyo, ni hindi niya binanggit ang EDCA — tandang hindi siya sang-ayon doon.
Kaya naman naging alingasngas ng mga negosyante noon na pinilit ng Amerika si Marcos sa bantang ibubulgar ang bilyun-bilyong dolyar na tagong yaman ng pamilyang Marcos (“Bakit bumalikwas si Marcos sa US at China?” https://tinyurl.com/pf2nkxhj).
Ngayon, nasunod ba sa pagbalikwas ni Marcos at pagsulong ng EDCA ang kalooban ng sambayanan ayon sa demokrasya?
Lalong masama, pati depensa natin naunsiyami. Talakayin natin ito sa Marso 18.