NAGKALOOB ng ₱94,268,350 na cash assistance ang Department of Agriculture (DA) sa 18,667 magsasaka ng probinsya na apektado ng El Niño.
Ayon kay DA Mimaropa engineer Maria Teresa Carido, ipinagkaloob ang nasabing halaga sa pamamagitan ng programang Rice Farmers Financial Assistance (RFFA), isa sa mga interbensyon ng kagawaran para sa mga magsasaka na lubhang apektado ng tag tuyot. Aniya, sa ilalim ng RFFA, bawat isang natukoy na benepisyaryo ay tumanggap ng ₱5,000.
Sinabi ni Carido na may karagdagan pang 9,989 magsasaka ang mabibiyayaan ng RFFA.
“Sa ngayon ay may mga kinakausap pa tayong mga stakeholders pero umaasa tayo na maipagkakaloob na ito sa susunod na linggo,” saad ni Carido.
Bukod sa RFFA, may fuel assistance din na laan sa mga magsasaka ang DA Mimaropa. Batay sa talaan na ibinahagi ni Carido, plano ng kagawaran na maglabas ng higit ₱9 milyong halaga ng fuel assistance para sa 3,006 magsasaka ng high value crops, palay, at mais.
Paliwanag ni Carido, kapag natapos na ang tagtuyot, may mga binhi na makatutulong upang makabawi ang mga naluging magsasaka dulot ng kalamidad.
“Ang DA Mimaropa ay may nakahandang palay hybrid at inbred seeds, corn seeds, OPV corn seeds, at white glutinous corn seeds,” saad ni Carido.
Sakali namang kukulangin ang buffer seeds ng DA, maaari aniyang lumapit at magpatulong sa Bureau of Plant Industry o sa mga rehiyon na hindi nagamit ang kanilang buffer seeds.
Bukod sa mga nabanggit na interbensyon, idinagdag pa ni Carido na nakikipag-ugnayan din ang kanilang tanggapan sa iba pang ahensya ng pamahalaan, tulad ng Department of Labor and Employment at Department of Social Welfare and Development. Aniya, ang dalawang kagawaran ay may mga programang makakatulong sa mga magsasaka ng lalawigan, partikular ang mga may pananim na nasalanta ng El Niño. (VND/PIA Mimaropa – Occidental Mindoro)