BAGAMA’T makatutulong ang dagdag na pondo upang maresolba ang mga problema sa sektor ng edukasyon sa bansa, naniniwala si Senador Win Gatchalian na higit pa rito ay mas mabisa ang tamang paggamit ng mga resources o mas mainam na paggasta ng pondo.
Kasunod ito ng pinakahuling pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na nagsasabing nakakaapekto sa mababang ranking ng Pilipinas sa mga international large-scale assessment ang mababang pondong inilalaan ng bansa sa edukasyon.
Ibinahagi ni Gatchalian ang halimbawa ng Vietnam na halos nasa parehong estado ng Pilipinas pagdating sa paglago ng ekonomiya. Lumabas kasi sa resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na mas mataas ang average na marka ng Vietnam (468) kung ihahambing sa Pilipinas (353).
Pagdating sa paggasta sa edukasyon bilang porsyento ng Gross Domestic Product (GDP), hindi nagkakalayo ang Pilipinas (3.8 porsiyento) at Vietnam (4.06 porsiyento). Tinatayang umaabot sa P55,000 ang average na nagagastos ng Pilipinas kada mag-aaral taon-taon mula Kindergarten hanggang sa edad na 15, habang umaabot naman sa P69,000 ang average na ginagasta ng Vietnam kada mag-aaral taon-taon mula Kindergarten hanggang sa edad na 15.
“Tulad ng nakita natin sa Vietnam, hindi lamang mas mataas na pondo ang susi sa tagumpay ng edukasyon. Kailangang tiyakin din natin ang mabisang paggasta at paggamit ng mga resources,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.
Mas mataas din ang performance ng mga tinaguriang poorest households sa Vietnam kung ihahambing sa mga mag-aaral ng Pilipinas. Ang mga mag-aaral sa Pilipinas na kabilang sa pinakamababang 10 porsiyento ng Economic, Social, and Cultural Status (ESCS) ay nakakuha ng average score na 336, mas mababa ng 91 puntos kung ihahambing sa average score na 427 ng mga poorest 10 porsiyento na mga mag-aaral ng Vietnam.
“Kailangang matuto tayo mula sa halimbawa ng Vietnam na halos kapareho natin pagdating sa gastos sa edukasyon, ngunit may mas mataas na antas ng learner performance,” ani Gatchalian.