25 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 25, 2024

Ano ang palitan ng salapi ayon sa Purchasing Power Parity?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

MARAHIL nakabasa na kayo ng mga ulat na may dalawang alternatibong sukatan ng Gross Domestic Product (GDP) o Kabuoang Produksyong Panloob ng mga bansa na sinukat sa US dolyar. Ang una ay sinusukat ayon sa opisyal na palitan ng salapi samantala ang ikalawa nakabatay sa palitan ng salapi ayon sa  Purchasing Power Parity (PPP).

Ang PPP ay isang alternatibong pagsusukat ng palitan ng salapi sa pagitan ng dalawang bansa ayon sa mga presyo ng mga produkto at serbisyo sa isang takdang basket ng isang bansa relatibo sa presyo ng parehong mga produkto at serbisyo sa isang  basket sa ibang bansa. Upang mapadali ang pagsusukat ng palitan ng salapi ayon PPP ang ginagamit na batayang produkto ay ang Big Mac na nagtatalaga ng Big Mac indeks. Halimbawa, sa Pilipinas ang Big Mac noong 2023 ay mabibili sa halagang P161 samantala ang parehong hamburger ay mabibili sa halagang $5.69 sa Estados Unidos sa parehong panahon. Samakatuwid, ang palitan ng salapi ayon sa Big Mac indeks ay PH28.29 (P 161/$ 5.69) bawat isang US dolyar. Ang palitan ng salapi ayon sa PPP ay mas mababa sa palitan ng salapi sa bilihan na naitakda sa P 56.30 noong 2023.

Sa palitan ng salapi ayon sa PPP na P28.29 bawat isang US dolyar, ang halagang P28.69 ay makabibili ng 17.57 porsiyento ng isang Big Mac sa Pilipinas samantalang 17.57 porsiyento din ng Big Mac ang mabibili ng isang US dolyar sa Estados Unidos. Kayat sa palitang ito, ang parehong yunit ng produkto ang mabibili sa dalawang bansa na nakasaad sa palitan ng salapi ayon sa PPP. Sa palitan salapi sa bilihan na nagkakahalaga ng P56.30 ay makabibili ng halos 35 porsiyento ng isang Big Mac sa Pilipinas. Dahil dito, masasabi nating nagkukulang ang halaga ng palitan ng salapi  ayon sa Big Mac kaysa sa palitan ng salapi sa bilihan.

Madalas gamitin ang Big Mac indeks dahil isang produkto lamang ang kinakailangan upang ito ay maitakda. Madali ding makuha ang presyo dahil ang Big Mac ay mabibili sa halos lahat ng bansa sa buong mundo. Ngunit  ang tamang pamamaraan na pagsukat ng palitan ng salapi ayon sa PPP ay nakabatay sa presyo ng mga produkto at serbisyo sa isang basket na binubuo ng maraming produkto. Ngunit ang pamamaraang ito ay magastos dahil masalimuot at matagal maitalaga.

Ganoon pa man, ang United Nations (UN) kasama ang University of Pennsylvania ay nagtatag ng International Comparisons Program upang masukat ang palitan ng mga salapi ayon sa PPP batay sa survey ng mga presyo ng halos 1,000 magkakatulad ng produkto at serbisyo sa 147 bansa. Panapanahon lamang isinasagawa ang survey at hindi taon-taon. Ayon sa huling survey ng ICP, ang palitan ng salapi ayon sa PPP ay halos P20.32 bawat isang US dolyar noong 2020. Hindi na ito nalalayo sa naitakdang P28.29 bawat isang US dolyar na sinukat ng Big Mac index noong 2023. Kaya’t kahit payak ang pamamaraan ng Big Mac indeks, ang resulta nito ay halos kapantay na ng palitan ng salapi ayon sa PPP batay sa pagsusukat mga presyo ng 1,000 magkakatulad na produkto sa maraming bansa. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ginagamit ng mga manunuri ang Big Mac indeks sa pagtatakda ng palitan ng salapi ayon sa purchasing power parity.


Kadalasan ang palitan ng salapi ayon sa PPP ay ginagamit sa paghahambing ng mga GDP ng mga bansa. Halimbawa, noong 2023, tinataya na ang GDP ng Pilipinas ay umabot sa P25.27 trilyon. Kung gagamitin ang opisyal na palitan ng salapi na P56.30 ang GDP ng Pilipinas ay nagkakahalaga lamang ng $448.84 bilyon. Ngunit kung gagamitin natin ang Big Mac indeks, ang GDP ng Pilipinas ay halos dodoble at magkakahalaga ito ng $893.32 bilyon. Lalo pang lalaki ang GDP ng ating bansa sa antas ng $1.24 trilyon kung gagamitin ang nasukat ng ICP na palitan ng salapi ayon sa PPP.

Samantala, ang kita bawat tao sa Pilipinas ay tinataya sa P215,361.91 noong 2023. Ito ay nagkakahalaga lamang ng $3,825 ayon sa opisyal na palitan ng salapi. Samantala, kung ang palitan ng salapi ayon sa Big Mac indeks ang gagamitin ito nagkakahalaga ng $7,613 bawat tao. Kung ang palitan ng salapi ayon sa ICP ang gagamitin ang per capita income ng Pilipinas ay tataas sa halagang $10,567.80 bawat tao.

Samakatuwid, ang palitan ng salapi batay sa PPP ay nagpapahiwatig na ang mga produktong nagkakahalaga ng $10,567.80 sa Estados Unidos ay katumbas ng dami ng mga produktong nabibili sa P215,361.91 na kita bawat tao sa Pilipinas. Makatwiran lamang gamitin ang PPP dahil ang paggamit ng opisyal na palitan ng salapi ay hindi lubusang naglalarawan ng mga presyo sa ating bansa kaya’t kaunti lamang ang mabibili ng kita bawat tao sa Pilipinas kung ihahambing sa mga produktong mabibili sa Estados Unidos. Makatotohanan din ang paggamit nito dahil ang presyo ng mga produkto sa Pilipinas lalo na ang mga produktong di kinakalakal  ay mas mura dito kaysa sa Estados Unidos

May batayan pala ang pahayag ng ilang opisyal ng pamahalaan na makakamit na ng Pilipinas ang estado ng lalong mataas na middle income sa mga susunod na mga taon dahil ang kita bawat tao sa Pilipinas ay katumbas na ng mataas na kita bawat tao sa Estados Unidos at kayang makabili ng mas maraming produkto at serbisyo batay sa palitan ng salapi ayon sa purchasing power parity.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -