SA maraming taon, ang mahigit 3.5 ektaryang lupain sa tabi ng Ilog Pasig ay ginastusan ng lungsod ng Makati upang maging isang magandang pook pasyalan na tinawag na Makati Park and Garden.
Nitong Linggo, Marso 3, matagumpay na nai-padlock ng mga kawani ng Taguig ang parke.
Ayon sa pahayag ng Taguig, isinara nila ang parke dahil wala itong kaukulang permit mula sa kanilang lungsod na siyang nakakasakop sa lugar.
Dagdag pa ng pahayag ng Taguig, isinarado ito sa publiko dahil nagsisilbi na lamang itong paradahan ng mga heavy equipment ng Makati at tambakan ng kung anu-anong di na ginagamit na bagay gaya ng Christmas tree at mga parol.
Nauna rito, nitong nakaraang Sabado, Marso 2, 2024, sinabi ng Makati sa isang pahayag na nagtagumpay pigilan ng mga itinalaga nitong security guards at kawani ng Makati Public Safety Department (PSD) ang pagtatangka ng Taguig Traffic Management Office (TMO) na pwersahang pasukin ang parke.
Inakusahan nito ang Taguig ng “land grabbing” at pag-aangkin sa mga pinaghirapan ng mga mamamayan ng Makati gamit ang kanilang mga ibinayad na buwis.
Ayon sa Taguig, ang kanilang hakbang na pagsasara ay base sa desisyon ng Korte Suprema, ordinansa at local government code.
Civil Case No. 63896
Noong Nobyembre 22, 1993, nagsampa ng kaso ang Taguig laban sa lungsod ng Makati, kay dating Executive Secretary Teofisto Guingona Jr, dating Department of Environment and Natural Resources Secretary Angel Alcala at dating Land Management Bureau Director Abelardo Palad Jr.
Ito ang Civil Case No. 63896 o ang “Judicial Confirmation of the Territory and Boundary Limits of [Taguig] and Declaration of the Unconstitutionality and Nullity of Certain Provisions of Presidential Proclamations 2475 and 518, with Prayer for Writ of Preliminary Injunction and Temporary Restraining Order.”
Sinasabi ng Taguig na kanila ang mga lugar na binubuo ng Enlisted Men’s Barangays (EMBOs) at ang buong Fort Andres Bonifacio na may sukat na 729 ektarya.
Kinabibilangan ang EMBO ng mga barangay ng Cembo, South Cembo, Comembo, East Rembo, West Rembo, Pembo at Pitogo.
Ang dahilan ng pagsasampa ng kaso ng Taguig ay dahil sa plano ng pamahalaan na isapribado ang Fort Bonifacio na inaasahang magdadala ng maraming mamumuhunan at magpapasok ng malaking kita sa kaban ng bayan.
Makalipas ang halos 18 taon ng labanan sa korte, noong Hulyo 8, 2011, nagdesisyon ang Regional Trial Court ng Pasig na sa Taguig nga ang pinag-aagawang mga lupain.
Ngunit hindi dito natapos ang laban dahil umapela ang lungsod ng Makati sa Court of Appeals na binaligtad ang desisyon ng RTC-Pasig pabor sa Makati noong taong 2013.
Kung kaya umabot ito sa Korte Suprema dahil muli itong nilabanan ng Taguig.
At sa huli, nagdesisyon ang Kataas-taasang Hukuman, na pumabor sa Taguig nang sinabi “reinstated” ang desisyon ng RTC.
Kabilang sa desisyong ito ay ang pagbabawal sa Makati na pamahalaan, magsagawa ng improvement o anumang gawain na parang ang mga lugar na pinag-aagawan ay parte pa ng kanilang teritoryo.
Buwelta ng Makati
Ayon sa Makati sa isang ulat, ang Makati Park and Garden ay ibinigay ng national government sa Makati at hindi nangangailangan ng business permit para mag-operate. Ito ang naging pahayag ng Makati City legal officer na si Don Camina.
Nilinaw ni Camina na ang property na pagmamay-ari ng national government at local government unit ay hindi kailangang magbayad ng business taxes o iba pang buwis. Sinabi pa niya na ang property ay ibinigay sa Makati sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 1916 na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Oktubre 14, 2009. May dagdag na ulat ni Lea Manto-Beltran