26.9 C
Manila
Sabado, Nobyembre 23, 2024

Economic provisions ng Konstitusyon, bakit kailangang amyendahan?

TINGIN SA EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

BAKIT kailangang amyendahan ang Konstitusyon para makapasok ang mas maraming foreign direct investment (FDI) sa bansa?  Di ba malaki na ang pumapasok na FDI sa ngayon? Kailangan pa ba nating buksan nang mas maluwag ang ating ekonomiya?

Sa pagsagot sa mga tanong natin, manghihiram tayo mula sa position paper ng Foundation for Economic Freedom na gumawa ng malalim na pag-aaral tungkol dito.

Marami nang pag-aaral ang nagsasabi na ang FDI ay magandang daluyan ng teknolohiya at makabagong kaalaman, matatag na makinarya para sa pag-unlad, tagapaglikha ng trabaho, pinanggagalingan ng pribadong puhunan, paraan para makapasok sa export market, at nagbibigay ng tamang hudyat para pag-iigihin ang pagmamaneho sa ating mga korporasyon at institusyon.

Ang pagluwag sa pagpasok ng FDI ay makakatulong sa pagpalago sa ekonomiya at paglikha ng trabaho. Dahil sa kumpetisyon at teknolohiya na kanilang dala, ang FDI ay nagpo-foster ng efficiency tungo sa mas maraming produksyon at mas mababang presyo.  Sa isang pag-aaral na ginawa ng World Bank noong 2010, kitang-kita ang ebidensya ng mga benepisyo ng FDIs sa buong mundo. Pinuri nila ang global network ng 80,000 multinationals at ang 800,000 nilang foreign affiliates na lumikha ng milyon-milyong trabaho, naglipat ng teknolohiya, nag-upgrade ng kakayahan, nagpatindi ng kumpetisyon at nag-ambag sa koleksiyon ng buwis sa mga bansa.

Maraming skilled na Filipinong manggagawa ang nakakakuha ng trabaho sa loob at labas ng bansa at nakahihikayat na tayo ng mga FDI na pumapasok sa BPOs at exports. Ngunit lalo pang dadami ang daloy ng FDI at maliklihang trabaho kapag inamyendahan ang Konstitusyon para paluwagin ang mga restrictions sa kasalukuyan.


Ang Pilipinas ay isa sa mga pinakamahigpit sa pagpasok ng FDI. Noong 2017, base sa OECD FDI Restrictiveness Index, nanguna ang Pilipinas sa 69 bansa na kasali sa G20 at OECD sa FDI Regulatory Restrictiveness Index (FDI Index). Kasama sa pagbuo ng FDI Restrictiveness Index ang sitwasyon ng investment sa 22 economic sectors. Isinali rin dito sa pagbuo ng antas ng kahigpitan ang mga foreign equity limitations, screening at approval mechanisms, restrictions sa pag-employ ng foreigners bilang key personnel at ang operational restrictions sa pagtatayo ng sangay at pag-repatriate ng capital, at ang kalayaan sa pag-aari ng lupa.  SA FDI Index, pumangalawa sa Pilipinas ang Saudi Arabia at pumangatlo ang Indonesia.

Sa Pilipinas, may 27 na sector na may limitasyon sa pagpasok ng foreign equity; ito ay mas mahigpit kumpara sa  Vietnam na komunistang bansa kung saan, 6 na sektor lang ang naka-reserve sa mga Vietnamese. At sa mga sektor na may paghihigpit, pinakamababa ang foreign ownership limit sa Pilipinas kumpara sa mga ibang bansa sa Asean.

Ang pagbabawal sa banyagang kapital ay pinakamatindi sa media, industriyang nagmamay-ari ng natural resources kasali ang lupa, public utilities, retail trade enterprises  na may kapital na mas maliit sa $2.5 milyon, kooperatiba, at maliit na pagmimina. Dito, walang banyagang kapital ang pinapapasok.

Sinusundan ito ng pribadong radio communications network.  Dito naman,  puede lang tumanggap lang 20 porsiyento ng foreign equity.  Hindi lalagpas sa 25 porsiyento foreign equity ang tinatanggap sa deep sea commercial fishing, mga nangongontrata ng pag-supply ng goods para sa government-owned and controlled corporations (GOCCs), mga ahensiya ng pamahalaan at municipal corporations, mga nagmamay-ari ng lupang pribado, nag-mamay-ari ng condominium units, gaming activities,at kumpanyang local na may equity na mas maliit kaysa $200,000, recruiters para sa local o overseas deployment.  Hindi rin lalagpas sa 40 porsiyento foreign equity ang tinatanggap sa    malaking  pagmimina, transport,  telekomunikasyon, rice, corn, at non-sectarian educational institution.  Sa financial services, hindi maaring lumampas sa 60 porsiyento ang foreign equity. Ganoon din sa elektrisidad na hindi lalagpas sa 66 porsiyento foreign equity.

- Advertisement -

Dahil sa mga restriction sa Konstitusyon, hindi puwedeng magtayo sa Pilipinas ng sangay ng mga banyagang unibersidad. Ikumpara natin sa Singapore na may local branches ang apat na foreign universities at apat na foreign business schools na kinabibilangan ng Curtin University ng Australia. May pitong mga banyagang unibersidad na may partner na Singaporean universities na nago-offer din ng degrees.  May 16 na mang paaralan sa Singapore na nago-offer ng diploma courses para sa 62 banyagang unibersidad. Ang Malaysia naman ay may 10 banyagang mga unibersidad na kinabibilangan ng Monash University ng Australia at ESSEC Business School ng France. Hindi na kailangang mag-abroad ang mga Singaporeans at ang mga Malaysians para makaranas mag-aral sa banyagang eskuwelahan lalo na sa mga kursong nangangailangan ng kaalaman at teknolohiya na wala sa kanila. Dahil marunong tayo ng Ingles, kasama dapat tayo na maging tahanan para sa mga international universities na ito. Ang ating mga dalubhasa ay makapagtuturo sana rito at ang mga estudyante natin sana ay makatatanggap ng world-class na edukasyon. Mas matindi sana ang research and development (R&D) kasama ang mga dalubhasa sa mga universities na ito. Sa R&D nanggagaling ang maraming pagsulong sa teknolohiya.

Di rin puwedeng pumunta sa Pilipinas ang international publications at newspapers para magpablis. Kailangang pumunta at magtrabaho ang ating mga reporter sa Hong Kong at Singapore para magsulat at mag-edit ng international journals. Malungkot na buhay ang kanilang sinusuong dahil malayo sila sa mga kaibigan at kamag-anak.

Dahil restricted ang pagpasok ng investment sa ibang mga sektor sa bansa natin, ang ating mga manggagawa ay kailangang pumunta sa ibang bansa para magtrabaho at tumanggap ng mas mataas na sahod. Di tayo nakalilikha ng mas maraming trabaho para sa ating mga mamamayan.

Noong 2021 at 2022, ang Pilipinas ang nagtala ng pinakamababang FDI sa pitong bansa sa Asya. (tingnan ang Table) Tayo ay tumanggap ng $21.2 bilyon na FDI samantalang ang Thailand, ang pinakamalapit na katunggali, ay tumanggap ng $24.8 bilyon.  Ang Pilipinas din ang isa sa  may pinakamababang gross capital formation as  porsiyento ng GDP ng mga bansang ito.  Ang ibig sabihin nito — kailangan  pa natin ng karagdagang kapital para di tayo maiwan sa kangkungan sa mga sumusunod na taon.

INVESTMENT IN SELECTED ASIAN COUNTRIES
DIRECT FOREIGN INVESTMENT Gross Capital
2021 2022 Formation
                          US$Billion % of GDP
2022
Singapore         130.6         141.0 21.9
India           44.5           49.0 31.0
Indonesia           21.2           22.0 29.8
Vietnam           15.8           18.0 33.4
Malaysia           12.2           17.0 23.5
Thailand           14.6           10.2 27.8
Philippines           12.0             9.2 24.7
Source: World Bank
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -