25.9 C
Manila
Linggo, Enero 19, 2025

Kakaibang halinang hatid ng mga ‘Big Books’

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

Una sa 2-bahagi

AAMININ ko sa inyo na kakaiba ang aking naramdamang tuwa nang makita ang big book version ng aking aklat pambatang “Ang Pambihirang Buhok ni Raquel” (Adarna House, 1999). Hindi ko kasi inakala na ang aking aklat pambata ay puwede rin palang maging big book. Hindi naman kasi ang ganitong format ang orihinal na intensyon ko nang sulatin ko ang kuwento. Nagkataong umorder ng maraming kopya ng lokal na aklat pambata ang Ronald McDonald House of Charities sa Adarna House na gagamitin sa kanilang kampanya ukol sa pagbabasa. Big Book ang gustong gamitin ng naturang international food chain sa pag-abot sa mga bata. Kaya hayun, nagkaroon ng pagbabago sa sukat ng aming mga aklat. Muling nag-print ng mga kopya ng aklat sa anyong big book.
Iniluwal ang Big Book edition ng aming aklat habang patuloy pa rin namang mabibili sa mga bookstores ang edisyon nitong regular lamang ang sukat. Ang pagiging Big Book nito ay tumutukoy lamang sa size ng aklat. Hindi nito naisip ikunsidera ang iba pang bagay na iniisip natin kapag totoong Big Book ang pinag-uusapan. Sa libro kong ito na inilathala ng Adarna House, mas maliliit ang sukat nang ginamit na font. Hindi rin pang-younger children ang tema ng kuwento. Ang librong “Ang Pambihirang Buhok ni Raquel” ay kuwento ng isang batang babae na inakalang sosyal ng kaniyang pinsan dahil sa pagkakaroon nito ng makulay na buhok na may sari-saring motif. May sakit na leukemia ang bida sa kuwento at sumasailalim ito sa kemoterapi. Sa dakong dulo lamang ng kuwento matutuklasan na kalbo si Raquel at peluka lang pala ang pambihira nitong buhok.

Mga kahingian ng isang Big Book
Bawat format ng aklat ay may kahingian. Ang board books ay akma para sa mga toddler sapagkat madalas na kinakagat ito ng mga bata o kaya’y naibabalibag, nauupuan, o nahihigaan. Kinailangang makapal at matibay ang libro upang hindi ito agad-agad masisira. Kakaunti rin ang laman nitong teksto sapagkat mga todder nga ang babasa. Kadalasan ay mga konsepto lamang ang mga ito: konsepto ng maliit-malaki, iba-ibang hugis, iba-ibang kulay. Walang malinaw na kuwentong nakasaad sa mga board books.
Iba ang kaso ng aklat na kung tawagin ay Big Book. May mga kahingian ang isang lantay na “Big Book.” Ayon sa paglalarawan nina Strickland at Morrow (1990), heto ang mga sumusunod na katangian ng isang Big Book:
1. May sukat na 18-20 pulgada ang kabuuan ng aklat
2. Ang font size ng mga letrang naka-print ay sumusukat ng 1 pulgada (1 inch)
3. Malinaw na makikita ng mga bata sa klasrum ang teksto at ilustrasyon sa libro mula sa distansyang 15 talampakan (15 feet)
Kung ito ang pagbabatayan ko ng pagiging Big Book ng isang aklat, mukhang hindi sasapat ang aking aklat sa criteria na itinakda nina Strickland at Morrow. Bagama’t nakuha nito ang sukat ng kabuuan ng aklat, hindi naman nakatugon sa font size na isang pulgada (1 inch) ang letra ng tekstong nasa loob. Isa pa, mukhang ang drowing lamang ang malinaw na makikita ng mga bata sa layong 15 talampakan, hindi ang teksto.
Ano nga ba ang mga Big Books?
Tinatawag na Big Books ang pinalaking bersyon ng karaniwang aklat pambata. Itinuturing itong isang epektibong paraan upang mahikayat natin ang mga bata na magustuhan nila ang “print” (Strickland and Morrow, 1990). Ginagawa rin itong isang early reading instruction sa wikang Ingles para sa mga batang hindi pa gaanong bihasang mag-Ingles at gumagamit ng mother tongue sa pagbabasa.
May pag-aaral na nagsabi na may matibay na ugnayan ang kasanayang magbasa sa eskuwelahan sa maagang praktis ng pagbabasa sa bahay. Kung sino raw ang mahusay magbasa na sa eskuwelahan, tiyak na nabasahan daw sa bahay ang batang ito ng kanyang mga magulang. Kumbaga, yung mas may maagang exposure sa aklat ang lumalabas na mas mahuhusay.
“Shared reading between parent and child seems to be the foundation for early literacy; the Big Book approach is an extension of this concept into the classroom.”
Kapag nagkukuwento ang guro sa loob ng klasrum gamit ang Big Book, naaalala ng bata ang kaniyang karanasan sa bahay kung saan sabay silang nagbabasa ng kaniyang tatay o nanay. Sa bahay ay madalas na magkatabi lang na nagbabasa ang bata at ang kaniyang magulang (one-on-one) kaya di na kailangan pa ang Big Book. Sa eskuwelahan, dahil sa dami ng batang nandoon, hindi na posible pa ang magkatabing pagbabasa ng guro at ng bata. Dito pumapasok ang pangangailangan natin sa mga aklat pambatang malaki ang sukat upang makita ng mga bata ang teksto at drowing kahit medyo malayo sila sa guro.
Ang teksto sa loob ng mga Big Books
Dahil sa mas ‘nakababatang’ bata (o younger children) ang inaabot ng mga Big Books, kadalasan ay may tugma sa mga tekstong nandito. Isipin ang mga nursery rhymes na may sukat at tugma. Mahalaga ring nagiging paulit-ulit (repetitive) ang ilang mga salita o linya ng tekstong tinataglay ng isang Big Book.
Dahil gusto rin nating ma-develop ng mga bata ang kakayahan nilang hulaan ang susunod na mangyayari, mahalagang maglagay ng mga eksenang paulit-ulit kaakibat ng mga salita at linyang paulit-ulit din. Isang magandang halimbawa ay ang palitan ng dayalogo ng three little pigs sa big, bad wolf sa storybook na The Three Little Pigs:
Little pig, little pig, let me in
No, no, no! By my chinny chin chin
I won’t let you in!
At sasagot naman ang big, bad wolf nang ganito:
Then I’ll huff and I’ll puff
And I’ll huff and I’ll puff
Puffffff!
Gagawin nila ang eksenang ito ng tatlong beses. Dahil dito, halos name-memorize na ng bata kung ano ang sasabihin ng tatlong biik at ng tusong wolf. Nahuhulaan na rin nila ang susunod pang mga eksena sapagkat may padron na ipinakita ang kuwento. Kapag tumama ang hula nila, nagkakaroon ng power ang mga bata over the story. Mahalaga sa kanila na maiisip nilang, “sabi ko na nga ba, ganoon ang mangyayari!”
Tuklasin n’yo ang marami pang aklat pambatang ang teksto ay may sukat at tugma at may mga eksena/linyang paulit-ulit. Ito ang magandang halimbawa ng tekstong nakapaloob sa mga Big Books.
Bakit may ‘poor readers’ at ‘good readers’?
Madalas kasi, hindi nagiging masayang karanasan sa eskuwelahan ang pagbabasa. Nakasanayan na kasi nating binibigyan tayo ng grade ng ating titser kapag nagbabasa. May mga gurong ang higit na binibigyang focus ay ang phonic skills (kakayahang bumigkas), accuracy, at pagko-correct sa mga pagkakamaling posibleng mangyari kapag nagbabasa. Nagde-decode, sabi nga. Kaya lalong hindi nagugustuhan ng maraming bata ang pagbabasa. Nawala ang madyik at kasiyahang dala ng pagbabasa.
Sa kabilang banda, napag-alaman na ang mga batang maituturing na good readers ay ‘yung hindi masyadong pinakikialaman ng guro ang ilang teknikal na aspekto ng pagbabasa. Dito, hindi ang pagde-decode ng mga salita ang focus kundi ang ma-enjoy at maintindihan ng mga bata ang kuwento kahit medyo nagkakamali sila sa pagbigkas. Kalaunan, sila ang nagiging “good readers.”
(May karugtong)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -