Akong Panginoon ang nangangako sa iyo: yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin ng dagat. Lulupigin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat tumalima ka sa akin.
- Ang Diyos kausap si Abraham, Henesis 22:16-18
Kahit sa pamahalaang labis-labis ang kapangyarihan at yaman, pinakamahirap ang pagsubok na pinagdaanan ni Abraham sa unang pagbasang Misa ng Pebrero 25, ang Ikalawang Linggo ng Kuwaresma, mula sa Aklat ng Henesis, bahagyang sinipi sa simula nitong pitak: ang atas ng Diyos na kontra sa sariling nais at kapakanan.
Maging si Hesukristong Anak ng Maykapal at Ikalawang Persona ng Diyos, hiniling sa Ama niyang huwag siyang pagdusahin noong nanalangin siya sa Hardin ng Getsamane bago ang Kalbaryo niya.
Kung ang tinaguriang Salita ng Diyos na lubusang naghahayag ng Diwa at Loobin Niya, may ibig na iba sa atas Niya ayon sa pagkatao ni Hesus, gayon din tayong nilalang, pati mga institusyon natin tulad ng gobyerno.
Subalit gaya ng inihayag ng Diyos kay Abraham sa pagbasang Misang sinipi sa itaas at sa pagtalima at pagsasakripisyo ni Hesus na ginugunita sa Kuwaresma at Mahal na Araw, sumunod sila sa atas ng Maykapal sa simula at sa kasukdulan ng Kanyang plano para sa ating katubusan.
Sa gayon, itinuwid ang pagsuway nina Adan at Eba sa Hardin ng Edeng muling binuksan sa sangkatauhan. At itong gantimpala sa pagtalima ang siya ring tema sa mga pagbasang Misa ng Pebrero 25.
Pangako ng Diyos mismo kay Abraham sa bibig ng Kanyang sugong anghel, “yamang hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita.” At hindi lamang si Abraham, kundi ang sangkatauhan: “Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat tumalima ka sa akin.”
Sa Salmong Tugunan (Salmo 115:10, 15-19), bagaman “ganap na nalupig” ang umaawit, “maglilingkod akong lubos; yamang ako’y iniligtas, kinalinga at tinubos.” Pangaral naman ni Apostol San Pablo sa ikalawang pagbasa mula sa kanyang Sulat sa mga taga-Roma (Roma 8:31-34): “Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak?”
At sa pagbasang Ebanghelyo mula kay San Marcos (Marcos 9:2-10), nakita sa kamangha-manghang Pagbabagong-anyo ng Panginoon kasama sina Moises at Elias ang walang-dudang pangako ng katubusan para sa lahat ng sasampalataya at tatalima kay Kristo — ang patibay kina Apostol Pedro, Juan at Santiago na mangingibabaw si Hesus matapos ang dusa at kamatayang daranasin niya.
Bakit ang hirap sumunod?
Bilib na ba tayo at handang sumunod sa Panginoon hanggang Kalbaryo?
Ang hirap, gaya nina Pedro, Juan at Santiago, hangad natin hindi ang pananalig sa ipinangakong pagwawagi at katubusang espirituwal, kundi ang paghahari at biyaya sa ating mundo at panahon.
Hindi pagpasok sa Kaharian ng Diyos, gaya ng sumamo ng butihing magnanakaw sa Kalbaryo, kundi pagbaba sa krus at paggapi sa mga berdugong Romano na hamon kay Hesus ng pangalawang magnanakaw, sampo ng mga paring templo at madlang Hudyo.
At iyon din ang dahilan kaya madalas mabigo ang mga pinuno, sa gobyerno, negosyo o lipunan man, sa pagsubok gaya ng pinagtagumpayan nina Abraham at Hesukristo.
Si Pontio Pilato, halimbawa: Inulit-ulit niyang walang sala si Hesus, subalit pinayagang ipako at mamatay sa krus. Ginawa niya ang alam niyang mali dahil sa tulak ng madla at sa pangambang magkagulo at mapasama ang tingin sa kanya ng Imperyong Romano.
Sa gobyerno natin ngayon, gayon din paglihis sa alam niyang tama ang masasabing ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagbibigay-pahintulot sa Estados Unidos (US) gamitin ang siyam na base ng ating Sandatahang Lakas.
Mula pa noong kumandidato siya sa pagkapangulo noong 2021 hanggang Enero 2023, paulit-ulit niyang inihayag na dapat “kaibigan ng lahat, hindi kaaway ninuman” ang Pilipinas — walang kinakampihan.
Sinabi pa niya pagdalaw sa China noon ding Enero ng taong nagdaan na para sa kabutihan ng bansa, “hindi natin dapat hayaang mahatak tayong muli sa patakarang Cold War (ng US kontra komunismo) na dapat kumampi” sa mga magkatunggaling alyansiya.
Dagdag pa niya hinggil sa pakikialam ng Amerika sa ating alitan sa China: “Inalok ng mga Amerikanong mamagitan sa China at Pilipinas, at sinabi ko (sa US) hindi iyon magtatagumpay dahil partido kayong may interes” ((https://www.youtube.com/watch?v=UhWaaDCcwAA).
Subalit pagdalaw ni Kalihim Lloyd Austin ng Tanggulang Pambansa ng Amerika noong Pebrero 2023, bumalikwas si Marcos sa mga patakarang malaon at paulit-ulit niyang pinanindigan.
At nang balewalain ng US ang panukala niyang huwag gamitin ang mga base sa giyerang Taiwan, hindi siya pumalag, bagaman alam niyang malaking panganib sa atin ang masangkot sa gayong digma.
Sa Abril, hihinto ang kasunduang nagbukas ng mga base militar sa Amerika kung hindi ituloy ni Marcos. Harinawa, gawin niya ang alam niyang tama gaya ni Abraham, hindi ang mali tulad ni Pilato.